SA LABAN NG MANGGAGAWA NG PAL?
Agosto 6, 2010
Mga kamanggagawa at kababayan,
SA IKALAWANG pagkakataon, inaatake ni Lucio Tan ang manggagawa ng PAL. Gagawing kalahati ang sweldo! Gagawing kontraktwal ang mga empleyado!
Ang mga piloto na sumusweldo ng P150,000 kada buwan sa PAL ay ililipat sa Air Philippines, na pag-aari rin ni Lucio, at pasasahurin ng P75,000. Dahilan para lumipat sa ibang bansa ang ilan na sa mga piloto. P400,000 kada buwan ang average salary ng piloto sa ibang bansa. 26 na ang umalis at may 50 pa ang nagbabalak umalis na piloto.
Ang mga ground crew [nag-aasikaso ng bagahe ng PAL], maintenance [mekaniko sa lahat ng eroplanong lalapag sa NAIA] at catering [nagsusuplay ng pagkain at inumin sa mga eroplano ng PAL] regular employees na sumusweldo ng P20,000 ay pasasahurin ng P10,000 bilang kontraktwal na empleyado matapos ihiwalay ang mga departamentong ito sa kumpanyang PAL. Pag-aari rin ni Lucio ang mga bagong kumpanya ng ground crew, maintenance at catering. Kamakailan lang ay pinahintulutan ng DOLE si Lucio na tanggalin ang 2,600 na manggagawa sa pamamagitan ng pagbabaklas ng departamento ng ground crew, maintenance at catering mula sa PAL upang bigyang-daan ang kontaktwal na relasyon ng mga dating permanenteng manggagawa sa bagong kumpanyang itatayo ni Lucio sa mababang sweldo at benepisyo.
Ang mga flight attendants at stewardesses ay 3 taon ng di tumataas ang sweldo at benepisyo dahil sadyang pinatatagal ng kumpanya ang negosasyon. Negosasyong karaniwang tumatagal lang ng 3-6 na buwan. Bargaining in bad faith ito na labag sa Labor Code. Dagdag pa, ipinilit ng kumpanya ang patakaran nitong mandatory retirement age na 40-45 anyos sa mga babae. Samantalang ang kapwa nila empleyado sa PAL sa lahat ng departamento ay 60 anyos ang retirement age.
Ang ginagawang ito ni Lucio ay walang katulad sa Pilipinas at sa buong mundo!
Minsan na niyang ginawa ito sa PAL noong 1998. Sinuspindi niya ng 10 taon ang CBA o collective bargaining agreement – walang wage at benefit increases — ng Philippine Airlines Employees Association o PALEA. Ito ang unyon ng ground crew, maintenance, catering at ticketing. Maramihan niyang tinanggal ang mga piloto at opisyales ng Airline Pilots Association of the Philippines o ALPAP, flight attendants/stewardesses/ at ilang opisyales ng Flight Attendants and Stewardess Association of the Philippines o FASAP at ground crew/ maintenance.
Nagawa ito ni Lucio noon katulong ang gubyerno ni Erap at mga ahente ng kapital sa masmidya, kasama na rito ang napanood natin sa TV na male-maletang pera na nagkakahalaga ng 50 milyong pisong ibinayad ni Lucio sa ilang opisyal ng unyon sa PAL. Naitulak nilang pansamantalang sumuko noon ang mga manggagawa ng PAL dahil ginamitan nila ng blackmail ang mga manggagawa: 10-year CBA moratorium o isasara ang PAL.
Pero ang epekto ay di lang sa PAL employees. Ang ginawa ni Lucio at ng gubyerno noon sa PAL ay naging huwaran sa ibang kapitalista. Nauso ang moratoryum sa mga CBA negotiations sa maraming kumpanya. Nagkakapirmahan sa mga CBA na walang lamang wage increase! Sinisertipikahan ang mga CBA ng Department of Labor kahit alam na ang mga ito ay “sweethearts contracts” na labag sa Labor Code! Kaya naman marami ang di umaabot ang sweldo sa minimum wage. Hanggang ngayon, ito ang trend sa relasyong manggagawa-kapitalista.
Ngayon, makalipas ang 12 taong pagyurak sa karapatan ng mga manggagawa sa PAL at pagholdap sa kanilang dagdag na sweldo at benepisyo, pumangalawa na si Lucio Tan kay Henry Sy sa pinakamayamang tao sa ating bansa. 12 taong walang CBA. 12 taong nakatipid ng labor cost si Lucio Tan!
Mga kamanggagawa at kababayan.
Ang ginagawa ni Lucio Tan ay gyera laban sa mga manggagawa ng bansa. Gerang walang fixed battle lines. Kumikilos ito nang marahan. Minsa’y bumibigwas nang biglaan. Di mawari ang pinanggagalingan. Lagpas sa mga batas, kumbensyon at kalakaran.
Bagong pakana itong ginagawa ni Lucio. Nagseset ito ng bagong trend. Kakalahatiin ang sweldo! At gagawing kontraktwal ang lahat ng empleyado! Wala ng regular. Wala ng permanente.
Kagaya ng nauna, gagayahin din ito ng ibang kapitalista. Kagaya ng nauna, kakampihan din ito ng gubyerno! Kagaya ng nauna, ito ang magiging BAGONG kalakaran!
KUNG hahayaan nating ang ALPAP, PALEA at FASAP lang ang lalaban. Kung iisipin nating problema lang nila yan at di natin problema. Kung amor propio ng sariling organisasyon ang ating mas pahahalagahan kaysa kapakanan ng buong uring manggagawa.
MAGSAMA-SAMA TAYONG LAHAT para kondenahin at puspusang labanan ang pakana ni Lucio Tan. Hindi lang ito para sa mga empleyado ng PAL. Para rin ito sa ating lahat. Para ito sa lahat ng mga namamasukan o mga mamamasukan sa hinaharap sa alinmang kumpanya. Kapag tuluyang nagtagumpay ang eksperimento ni Lucio Tan sa kanyang kumpanya, lalaganap yan sa lahat ng employer sa buong bansa.
Gusto ba nating bukas makalawa ay kakalahati na lang ang sweldo at puro kontraktwal na ang empleyado sa lahat ng kumpanya?
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)