PAHAYAG
Agosto 12, 2013
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Umento Muna Bago Bagong Kaltas sa Sweldo
Ang plano para sa dagdag na kaltas sa ating take-home pay - sa anyo ng pagtataas sa employees' contribution sa Social Security System (SSS) - ay bagong pahirap sa mga manggagawa.
Hindi namin itinatanggi na kailangang dagdagan ang pondo ng SSS upang lutasin ang P1.077 Trilyon na "unfunded liabilities" nito noong 2011. Ang aming inirereklamo ay ang pananaw ng SSS board na maliit lang naman daw ang hinihingi sa mga manggagawa. Ang average na dagdag na kaltas ay nasa P56 kada buwan o P2.50 kada araw lamang.
Sa kabila ng pagtutol ng BMP sa panukalang ito, nais naming bigyang-diin ang aming pagkilala sa mabuting intensyon ng SSS board na pangalagaan ang pondo ng manggagawa para sa oras ng mga sakuna at sa panahon ng pagreretiro. Ganundin, magkaiba man ang aming pananaw sa partikular na isyung ito, hindi nababawasan ang respeto ng BMP kay kasamang Danny Edralin ng Alliance of Progressive Labor (APL) na nasa SSS board.
Gayon, inirerehistro ng BMP ang susumunod na mga kadahilanan ng aming paninindigan:
• Una, magkaiba ang ating barometro ng "malaki" at "maliit". Ito ay relatibong usapin. Sa kumikita ng mas mataas sa minimum wage, maari itong ituring na barya. Ngunit para sa mga minimum wage earner, laluna sa kontraktwal at sa mga nasa probinsya na mas maliit ang sinisweldo, ang dagdag na kaltas ay pagkakait sa isang pamilya ng isa't kalahating kilo ng bigas kada buwan. Kung dalawa ang nagtatrabaho sa isang household, katumbas na ito ng tatlong kilo.
Kalabisang dagdagan ang kaltas sa sahod ng manggagawa dahil ang kanilang tinatanggap ay wala pa sa kalahati ng "cost of living" o living wage (mahigit P1,000 kada araw sa pamilyang may anim (6) katao), na isang Konstitusyunal na obligasyon ng gobyerno na tiyaking binibigay sa mga empleyado.
• Ikalawa, ang bagong kaltas na ito ay panibagong pasaning buwis sa manggagawa. Nakakainsultong dagdagan pa ng kaltas sa sweldo ang mga empleyado. Kami na nga ang pinamasugid na taxpayer sa bansa kumpara sa mga negosyante't propesyunal, ayon mismo sa kamakailan lang na pahayag ni BIR Commissioner Kim Henares. Ang sinisweldo, may withholding tax. Ang overtime, napupunta sa tax. Kapag gumamit ng kuryente't tubig, may 12% VAT. Sobra-sobra na ang buwis sa manggagawa.
• Ikatlo, nais po naming ilinaw na ang ganitong pagtutol ay nagmumula sa konsiderasyon sa abang kalagayan ng sektor ng paggawa. Kulang na kulang na nga ang sweldo ay kakaltasan pa! Lalupa't tumataas pa ang presyo ng mga pangangailangan ng taumbayan (kuryente, langis, tubig, atbp.), na kinukumpirma ng mga datos sa inflation rate ng NEDA at NSO.
Pero sabihin mang nagmumula ito sa "katigasan ng ulo", nais naming sisihin ang mga kapitalista at ang gobyerno dahil sila mismo ang aming pinamamarisan. Sa mga negosasyon ng collective bargaining agreement (CBA) at sa mga regional wage board, tila dumadaan sa butas ng karayom ang bawat pisong dagdag sa sweldo na aming hinihiling. Bakit ngayon na ang pagtutol sa bawat pisong ikakaltas sa sahod ng manggagawa ay ituturing na "pagmamatigas"?
Bilang counter-proposal, at patunay na handa kaming makipagkompromiso, papayag po ang BMP na dagdagan ang employees' contribution sa kondisyong itaas muna ang sweldo ng mga manggagawa. Mas mainam kung ang SSS board ay maging ganap na kakampi ng manggagawang kanilang sineserbisyuhan, sa pakikiisa sa aming kahilingang isabatas ang isang nationwide, across-the-board na wage increase. At habang hindi naisasabatas ang umento, dapat solong karguhin ng mga employer ang kinakailangang kontribusyon upang hindi lumubog sa pagkalugi ang SSS.#