MENSAHE SA HUMAN RIGHTS DEFENDERS SUMMIT 2018
ni Ka Leody de Guzman, ang kandidato natin sa Senado
Isang maalab at makabuluhang pagbati sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Families of Victimes of Involuntary Disappearance (FIND), Medical Action Group (MAG) at sa Asian Federation Against Involuntary Disappearances (AFAD) sa inyong matagumpay na paglulunsad ng Human Rights Defenders Summit ngayong taon.
Maraming salamat din po sa pag-imbita niyo sa aming organisasyon, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at Partido Lakas ng Masa (PLM) para sa pagkakataong maibahagi ang pananaw ng manggagawa sa usapin ng karapatang pantao. Partikular sa tumitinding represyon sa kalayaang sibil at pampulitikang mga karapatan sa ilalim ng pasistang rehimeng Duterte.
Kaisa po ninyo ang mga manggagawa sa inihahapag niyong panukalang batas para proteksyunan ang mga nagtataguyod ng karapatang pantao laban sa karahasan, diskriminasyon at iba pang anyo ng mga panunupil.
Sa pananaw ng manggagawa, napapanahon ang inyong panukalang "HRD Protection Law". Sapagkat may nagbabadyang unos sa hanay ng manggagawa, na sa ngayon pa lamang ay makikita na sa pag-igting ng mga labor dispute sa antas-pabrika ngayong taon.
Nagbabadyang Unos sa Hanay ng Paggawa
Nitong 2018, naging saksi tayo sa kapangahasan ng mga manggagawa na maglunsad ng sama-samang pagkilos, kabilang ang pag-ehersisyo sa karapatang magwelga. Tumataas ang bilang ng mga aktwal na nagwelga. Dumadami rin ang naghahain ng notice of strike. Mas marami pa ang naglulunsad ng iba't ibang porma ng pagkilos sa antas-establisimyento.
Ilan lamang dito ay ang welga ng mga manggagawa sa Pacific Plaza Towers sa BGC, Bestank sa Valenzuela, DBSN Agriventures sa Leyte, Fortune Tobacco sa Marikina, NutriAsia sa Bulacan, Sumifru sa Compostela Valley, Oishi sa Cebu, atbp. Kasama dito ang okupasyon ng mga magbubukid sa mga asyenda sa Negros at sa Mindanao. Ano ang nagbunsod ng kakaibang kapangahasan na pinapakita ng mga manggagawa ngayong taon?
Ang tumitinding kahirapan na ramdam nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sumirit ang presyo ng mga bilihin bunga ng oil excise tax ng Train Package 1. Umabot sa mahigit 6% kumpara sa "manageable level" ng DBM at DOF na nasa 4.5% lamang.
Sinagot din ng kilusang paggawa, laluna ng mga dating pasibong kontraktwal na manggagawa ang mga pabago-bagong patakaran ng rehimeng Duterte ukol sa kontraktwalisasyon - ang Labor Advisory 10 ng 2016, ang Department Order 174 ng 2017 at ang Executive Order 51 ng 2018. Marami sa kanila ang umasa sa "Change is coming" na ipinangako ni Duterte noong eleksyon. Marami sa kanila ang dumulog sa DOLE, nagpa-inspeksyon ng labor-only-contracting sa kanilang pabrika, at nagbuo ng mga unyon at asosasyon, na hinarap naman ng tanggalan at pagbabanta ng kanilang mga employer.
Hindi ilan sa mga welgang ito ang nakaranas ng marahas na represyon, gaya ng tampok na dispersal sa NutriAsia sa Bulacan. Kahit ngayon na tayo ay nagpupulong, nagkaroon ng pagtatangkang paslangin ang isang lider-manggagawa sa Sumifru, isang exporter ng saging sa Davao na pag-aari ng mga Hapon.
Hindi na bago ang karahasan para supilin ang mga karapatan ng manggagawa. Ganito rin ang tugon ng diktadurang Marcos, sa unti-unting lumalakas na kilusang paggawa sa dulong bahagi ng dekada '70 at sa maagang parte ng dekada '80.
Ngunit kung may makukuha ngang aral mula sa malagim na yugtong ito ng ating kasaysayan, ito ay ang simpleng katotohanang hinding-hindi mapipigilan ng mga kapitalista (at kanilang mga armadong tuta sa estado) ang muling pagbangon ng kilusang paggawa para mulatin, organisahin, at pakilusin ang kanilang mga kauri, hangga't umiiral ang nagbabanggang interes ng mga uri sa lipunan.
Hindi ito nagawang pigilan ng hayagang diktadura ni Marcos. Hindi rin ito magagapi ng isang aspiranteng diktador sa katauhan ng isang Rodrigo Duterte.
Ang Hamon sa mga Human Rights Defenders
Para sa manggagawa, ang kabuluhan ng karapatang pantao ay hindi lamang nasa pagsusulong ng kanyang pang-ekonomikong mga karapatan. Magkadugtong ang bituka ng economic rights at political rights.
Sapagkat sa pagsusulong ng kanyang mga karapatan para mabuhay ng disente't marangal ang kanyang pamilya, hindi maiiwasang banggain ng manggagawa ang mga batas at patakaran ng gobyerno, na kumakatawan lamang sa nagkakaisang kapasyahan ng mga kapitalista't asendero para sa kanilang tubo at pag-aari.
Ang tunggalian ng "property rights" ng minoryang mayayaman at may kapangyarihan at ang "right to decent life" ng mayoryang walang pag-aari at nagtatrabaho ay nasa larangan ng pulitika, sumasaklaw sa usapin kung paano itinatakda ang mga batas at patakaran sa lipunan.
Kung kaya, para sa BMP, isang atrasadong pananaw ang ikahon ang kilusang paggawa sa simpleng mga pang-ekonomikong isyu. Ang "ekonomismo" ay palasukong aktitud laluna sa isang rehimen na hindi magdadalawang-isip na gumamit ng dahas sa anumang grupo na nagsusulong ng pagbabago sa pamamagitan ng independyenteng pagkilos ng mga inaaping uri at sektor sa lipunan.
Kung gayon, buong-buo ang suporta ng BMP sa ating mga panukala para sa "HRD Protection Law". Subalit, gaya ng aming mga karanasan sa mga lokal na pakikibaka, hindi tayo dapat umasa sa simpleng pwersa ng katwiran. Iba ang pamantayan nila ng tama at mali, ng ligal at iligal.
Para sa mga kapitalista, tama ang mababang sahod at kontraktwalisasyon. Para sa manggagawa, ang makatuwiran ay ang sahod na makabubuhay ng pamilya at regular na trabaho. Subalit paano maitatali ang kamay ng kapitalista para kilalanon ang katuwiran ng mga manggagawa? Sa pamamagitan ng pwersa ng katuwiran na ang longkretong anyo ay ang sama-samang pakikibaka at pagkakaisa ng mga manggagawa.
Gayundin, sa "HRD Protection Law", sumandig tayo sa lakas ng sariling pagkakaorganisa ng mamamayang sumusuporta at nagsusulong sa karapatang pantao, hindi sa iilang pulitiko't burukratang hindi nangingiming gumamit ng dahas at panlilinlang para proteksyunan ang kanilang yaman.
Umasa kayong kasama ninyo sa laban para sa "HRD Protection Lw" ang BMP at ang buong kilusang paggawa, na sa ngayon ay nasa gitna rin ng laban para iluklok ang kanyang mga kinatawan sa loob ng kongreso't senado. Sapagkat kahit hindi magiging mayorya sa loob ng bulwagan ng mga buwaya at baboy ng lehislatura, mas malaking bentahe sa pagpapalakas ng pakikibaka ng uri at bayan kung sila ay may boses sa loob ng reaksyunaryong estado para dalhin ang mga adyenda't mensaheng dati ay nakareserba lamang sa parlyamento ng lansangan.
Sapagkat, sa huling pagsusuri, tanging sa pagpapalakas ng kilusan ng manggagawa't mamamayan tunay na maitatayo ang isang demokratikong estado na totong magagarantiyahan ang karapatan, kalayaan, at demokrasya ng higit na nakararami sa lipunan. Isulong ang HRD Protection Law! Ipaglaban ang proteksyon at emansipasyon ng uring manggagawa!#