DIGNIDAD NG NARSES, KARAPATANG
PANGKALUSUGAN NG MAMAMAYAN
Nakakapanindig-balahibo ang paglalahad ng ilang mga registered nurse sa telebisyon, radyo at iba’t-ibang pahayagan sa sinasapit ng libu-libo nilang mga kabaro o kapwa mga rehistradong narses. Ito ay ang talamak na pagpapatupad ng forced volunteerism sa mga hospital pribado man o pampubliko.
Ang forced volunteerism ay isang kalakaran kung saan ang mga propesyunal nating mga narses ay nagbabayad (ng pera) sa mga ospital upang maging volunteer nurse at makapagbigay ng serbisyo alinsunod sa kanilang propesyon sa mga ospital at mga pasyente nito ng libre.
Sa halip na tratuhin na mga empleyado dahil gumagampan sila ng lahat ng mga gawain ng isang regular na narses ay tumatanggi ang mga tagapamahala ng ospital na kilalanin ang obligasyon bilang employer tulad ng tamang suweldo at benipisyo sa tamang trabahong ibinibigay ng mga narses.
Dahil sa kawalan ng employee-employer relation hindi lamang ang kawalan ng sweldo ang problema kungdi ang kawalan din ng proteksyon sa panahong malagay ang mga narses sa iba’t-ibang panganib sa kanilang buhay at kalusugan. Sa mga kaso ng mga banta sa kalusugan mag-isang haharapin ng mga narses ang pagpapabakuna bilang proteksyon at pagbili ng mga kagamitan para pangalagaan ang kanyang kalusugan. Sa panahong sila ay dapuan ng sakit solo nila (o kanilang mga magulang) ang gastusin sa pagpapagamot ng kanilang sarili.
Sakaling maharap sa kasong legal o ma-demanda sa paggampan ng kanilang “sinumpaang tungkulin” bahala ang nars sa sarili na humanap ng sariling manananggol o abogado. Hindi obligasyon ng may-ari o tagapamahala ng ospital ang magbigay proteksyon dahil hindi sila mga empleyado.
Nangyayari ang talamak na kalakarang ito ng forced volunteerism dahil sa paniwalang sa pagtatrabaho bilang volunteer ay mabibigyan sila ng certificate o katibayan ng paglilingkod sa ospital na maari nilang magamit upang makapag-trabaho sa ibang bansa. Siyempre pa ay wala namang bisa ang makukuhang certificate dahil hindi naman certificate of employment ang ibinibigay sa kanila na siyang hinihingi ng mga employer sa ibang bansa.
Itinuturo rin na dahilan ay ang tinatawag na over supply ng mga narses sa bansa kung kaya’t pinag-aagawan ang anumang oportunidad na “makapagtrabaho” makakuha lang ng experience. Sa konserbatibong taya ay nasa 280,000 na ang bilang ng mga walang hanap buhay na narses at madaragdagan pa ito ng humigit-kumulang 42,000 ngayong parating na buwan resulta ng nursing board exam.
Sobra na! Tama na! Wakasan na!
Panahon ng wakasan ang karumal-dumal na gawaing ito ng pagpapatupad ng forced volunteerism sa mga ospital mapa-publiko man o pribado. Hindi katuwiran na dahil sa sobrang dami na ng mga narses ay maari na silang tratuhing mga alipin at aabusuhin. Hindi lamang mga narses ang nagdurusa sa ganitong tiwaling kalakaran. Kung nasalaula na ang dignidad ng kanilang propesyon, kung nayurakan na ang kanilang mga dangal at dignidad – pinagkaitan na rin tayong mga mamamayan ng pagkakataong mapangalagaan ang ating kalusugan.
Kung ipatutupad lamang ng gobyerno ang pamantayang nurses to patient ratio (npr) na 1 is to 7 (isang nars sa bawat pitong pasyente) sa mga pampublikong ospital ay mababawasan o maiibsan ang sinasabing over supply ng mga narses sa bansa. Sa pag-aaral ng isang grupo may mga ospital na ang npr ay 1 is to 100. Isang nars ang nangagalaga sa buhay ng isandaang pasyente, isang nars na sasagupa sa ngit-ngit ng nag-aalburutong isandaang kaanak na hindi matanggap na hindi mapangalagaang mabuti ang kanilang kaanak na pasyente dahil sa dami ng kailangang asikasuhin ng kawawang nars.
Marami sa atin ang naiinis sa mga narses sa mga pampublikong ospital at kadalasang hindi na naghahangad ng medikal na atensyon dahil sa ganitong kalagayan sa mga pampublikong pagamutan. Karaniwan na kung ganun na maraming Pilipino ang namamatay ng hindi man lang nakakakita ng nars gayung may sinasabing may “over supply” ng nars sa bansa.
Nitong mga nagdaang araw ay umingay sa midya ang anunsyo ng Department of Health na ipatigil ang forced volunteerism kasabay ito ng pagtangging nagaganap ang forced volunteerism sa lahat ng klase ng ospital. Nag-alok din ito ng 10,000 trabaho sa lahat ng mga rehistradong narses sa ilalim ng programang RN HEALS na umani rin ng maraming batikos dahil sa kakapusan o limitasyon ng programang ito na tugunan ang problema ng unemployment ng mga narses.
Mga Kababayan, unawain natin na klarong hindi lamang problema ng mga narses ang forced volunteerism. Apektado tayo ng problemang ito ng patakaran ng gobyerno kaugnay ng pondo para sa kalusugan nating mamamayan. Ang pang-aabuso sa mga narses sa mga pribado at pampublikong ospital ay katumbas ng pagbabalewala ng pamahalaan sa karapatan ng mamamayan sa kanyang kalusugan.
Samahan natin ang mga narses na ibangon ang dignidad ng kanilang propesyon, ang maibalik ang dangal nila bilang tao at tamasahin ang karapatang mabigyan tayo ng kaukulang medikal na pangangalaga mula sa mapagkalingang kamay ng isa sa pinakamagagaling na tagapag-aruga sa buong mundo - ang mga Pilipinong narses.
Sumama tayo sa inilulunsad na SIGNATURE CAMPAIGN AGAINST FORCED VOLUNTEERISM sa layuning makakalap na isang milyon o higit pang lagda na ihahatid natin sa Malakanyang o sa ating pangulo Benigno C. Aquino III upang ipag-utos ang kagyat at totohanang pagpapatigil ng forced volunteerism kasabay ng pag-repaso ng mga polisiya ng gobyerno sa naghihingalong patakarang pangkalusugan ng bansa.
FORCED VOLUNTEERISM, ITIGIL!
TAMANG TRABAHO, TAMANG SUWELDO, TAMANG SOLUSYON!
BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO (BMP)
February 5, 2011
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento