Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Martes, Nobyembre 24, 2009

memo para sa nobyembre 30

Para sa: Lahat ng Unyon, Asosasyon at Buklod
Hinggil sa: Pagkilos sa Nobyembre 30
Mula sa: Komite Sentral
Petsa: Nobyembre 22, 2009
_____________________________________________________________________________________

Martsa Laban sa Krisis at Kahirapan!
Martsa para sa Gobyerno ng Masa!

Ang Sitwasyon

Bagamat mahigit isang buwan na ang lumipas mula ng manalasa sa bansa ang tatlong sunod sunod na bagyo (Ondoy, Pepeng at Santi) di pa rin mabura sa isipan ng mga naging biktima ang delubyong inihatid ng tatlong bagyo. Laman pa rin ng mga pag-uusap ang kani-kanilang masamang karanasang naglublob at nagwasak ng kanilang naipundar na kabuhayan.

Wala halos nailigtas ang marami sa mga naging biktima dahil walang ginawang pag-abiso ang gobyerno na magpapakawala ng malaking bolyom ng tubig mula sa dalawang dam sa kasagsagan ng malakas na ulan. Wala ring paghahandang ginawa ang gobyerno sa pagharap sa ganoong klase ng kalamidad kayat daan daang bilang ng tao ang nangamatay.

Nalantad ang pagkabangkarote ng gobyerno sa pag-agapay sa mamamayang nangangailangan ng kalinga nang mapag-iwanan ito ng pribadong sektor sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng grabeng pagbaha.

Subalit ang higit na masakit, matapos ilubog sa kahirapan ng tatlong bagyong nagdaan, nakaamba naman ngayon ang demolisyon sa tahanan ng mga kapatid nating maralita na nakatira sa baybay ilog, lawa at creek na idineklara ng pamahalaan na Danger Zone. Masakit ito dahil walang tiyak at matinong lugar na paglilipatan. Kung mayroon man, ito ay napakalayo, walang tubig, kuryente, ospital, eskwelahan at higit sa lahat walang ikabubuhay.

Hindi malayo ang kalagayang ito sa katayuan ng mga manggagawa sa pabrika na bago pa man ang bagyo ay tinatanggal na sa trabaho dulot ng kapitalistang krisis ng sobrang produksyon. Tambak ang produkto sa mga warehouse at merkado resulta ng matinding kompetisyon na naglatag ng kondisyon sa di planadong paglikha. Sobra ang produkto sa mga taong may pera upang ikunsumo ito. Mas maliit ang bilang ng may kapasidad bumili sapagkat marami na ang walang trabaho o kung mayroon man, karamihan sa mga manggagawa ay kontraktwal na napakababa ang suweldo.

Maging ang lumalaking bilang ng sektor ng transportasyon ay umaangal sa walang patid na pagtaas ng presyo ng langis at galolina. Di na makahabol ang halaga ng kanilang kinikita sa presyo ng kanilang arawang pangangailangan. Problema ng sektor ang patakarang deregulasyon ng pamahalaan sa industriya ng petrolyo na nagbibigay ng buong laya at kapangyarihan sa mga dambuhalang kompanya ng langis na magtaas ng magtaas ng presyo sa halagang gusto nila.

Sa lahat ng problema at pasakit na dinaranas na ito ng masa ng sambayanan, wala tayong masilip na pagmamalasakit mula sa Gobyerno ni Gloria Arroyo at maging sa mga pumapagitnang kandidato na nagpepresenta ng sarili bilang kapalit ng kasalukuyang administrasyon. Walang makabuluhang programa at tindig para sa pagbabago matapos ang eleksyon sa susunod na taon.

Lahat ay umaangkas lang sa mga popular na isyu tulad ng OFW, Kalikasan, Kurapsyon, paggogobyerno subalit walang umuupak sa salot ng kapitalismo o kahit sa neo-liberal na patakarang pang-ekonomiya na siya naman talagang puno’t dulo ng krisis at kahirapan ng masa ng sambayanan. Tulad din ni Gloria at ng lahat ng naging presidente ng ating bansa sa nakaraan, lahat sila ay taga pagtanggol ng interes ng kapitalista, naghahangad lang na pumuwesto sa MalacaƱang kapalit ni Gloria. Makapaghari, protektahan at higit na palaguin ang kanilang kayamanan.

Ang ating Paninindigan

Sa ganitong sitwasyon natin gugunitain ang paparating na araw ng dakilang bayaning si Gat Andres Bonifacio. Nakalubog pa rin sa kahirapan at kaapihan ang masa ng sambayanan sa kabila nang inabot na pag-unlad at produktibidad ng lipunan sa nakalipas na 146 na taon.

Walang ipinagbago, mas lumala pa nga. Umabot na sa 15.7 % ng mamamayang Pilipino ang nakakaranas ng di pagkain sa nakalipas na tatlong buwan bago ang bagyo. Labinlimang milyong kabataang ang di nakakapag-aral. Mahigit 4 na milyong pamilya ang walang matinong tahanan. 15 milyon ang mga manggagawang wala at kulang sa trabaho, mababa ang sahod at ang buong mamamayan ay nahihirapang abutin ang napakataas na presyo ng bilihin at serbisyo.

Nagaganap ito dahil una, kurap ang gobyerno. Halos P 400 bilyon ng taunang budget ay ninanakaw. Ikalawa, may gobyerno nga tayo pero walang malasakit sa mamamayan dahil sa bukod sa magnanakaw ay elitista at tuta ng mga kapitalista’t asendero. Ikatlo, ang mga batas at patakaran ay pabor sa mga kapitalista’t asendero kayat 90% ng likhang yaman ng bansa ay napupunta sa kamay ng 5% ng populasyon at ang natitirang 10% ay pinag-aagawan ng 95% ng mamamayan.

Ang naganap na bagyo ay nagpalala lamang sa dati nang hirap at aping kalagayan ng masa ng sambayanan. Wala pa man si Ondoy, Pepeng at Santi ay gumagapang na sa hirap ang masang manggagawa, sistematikong pinagsasamantalahan ng mga trapo, kapitalista at asendero ang sambayanan. Sistema ang problema. Kapitalistang sistema. Ito ang salot na nagbuhos ng sobra sobrang kayamanan sa iilan at nagsadlak sa kahirapan at kaapihan sa milyong bilang ng mamamayan.

Ang ating Panawagan

Tuloy-tuloy na isulong ang sinimulang rebolusyon ni Gat Andres Bonifacio. Gamitin natin ang mga datos ng pagsasamantala at kahirapan upang pakilusin ang malawak na masa ng sambayanan, wakasan ang elitistang paghahari at itayo bilang kapalit ang Gobyerno ng Masa!

Kasabay nito’y ipanawagan natin ang mga kagyat at ispesipikong kahilingan;

1. Ipagtanggol ang paninirahan! Walang demolisyon kung walang matinong relokasyon.
2. Labanan ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis at gasolina!
3. Ibasura ang Oil Deregulation Law!
4. Itigil ang kontraktwalisasyon! Regular na trabaho para sa lahat!

Ang kondukta ng Pagkilos sa Nov 30

Ika-9 ng umaga ang pagkikita sa gate ng Dole sa Intramuros, Manila. Magkakaroon dito ng dalawang oras na programa at matapos ito ay magmamartsa patungong Liwasang Bonifacio kung saan ay makakasama natin ang iba pang mga pambansang organisasyon ng mga manggagawa at maralita.

Magkakasama-sama sa martsa ang BMP, SUPER, MELF, KPML, PMT, AMA, MMVA, PLM, SANLAKAS, ZOTO, SDK, KALAYAN, KPP at PK.

Matapos ang maikling programa sa Liwasang Bonifacio, ang lahat ay sama-samang magmamartsa tungo sa Mendiola upang iparating kay Gloria Arroyo ang pagkasuklam ng masa ng sambayanan sa kanyang gobyerno.

Tagubilin

Maglunsad ng pulong ng Pamunuan at kasapian upang pagkaisahin sa mga isyu’t paninindigan ng ating organisasyon at tiyakin ang kanilang partisipasyon sa Nobyembre 30. ######

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996