Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Miyerkules, Marso 17, 2010

Apela sa Media mula sa Manggagawa ng Goldilocks

PAHAYAG
Marso 17, 2010

APELA sa MEDIA
mula sa Manggagawa ng Goldilocks

Kami po ay nakikusap sa mga myembro ng mass media na bigyan ng ispasyo ang posisyon ng unyon (BISIG-AGLO-BMP) sa nagaganap na labor dispute sa Goldilocks. Wala po kaming kapasidad na magpalathala sa mga pahayagan gaya ng paid-ad na inilabas ng Management sa Inquirer (PDI, March 16, A17).

Subalit - sa diwa ng kalayaan sa pamamahayag at balansyadong pag-uulat - umaasa kaming mapapagbigyan ang aming kahilingang marinig ng taumbayan ang aming panig, laluna ng mga tagatangkilik ng Goldilocks.

Humihingi kami ng pag-unawa sa mga regular na tagatangkilik ng Goldilocks. Kung walang suplay ng inyong mga paboritong produkto sa aming mga outlet, ito ay ibinunsod ng welga sa dalawang planta ng Goldilocks sa Mandaluyong simula noong Marso 11, 2010.

Hindi kami nagwelga para lamang guluhin ang operasyon ng Goldilocks tulad ng nais palabasin ng Management. Welga ang aming “huling opsyon” para matigil ang tanggalan sa pabrika na may layong (1) durugin ang unyong BISIG, at (2) palitan ang mga regular ng mas mura at mas maamong kontraktwal na empleyado.

Nagpasya kaming tumigil sa pagtatrabaho na isinasakripisyo ang sweldo na pambili ng arawang pagkain ng aming mga anak - sa layong ibalik sa trabaho ang 127 manggagawa na tinanggal ng kompanya noong Pebrero 8, 2010.

Ang mga tinanggal ay mga lider at aktibong kasapi ng aming unyon. Dahil dito, maliwanag para sa amin na ang tanggalang naganap ay iligal. Ito ay union busting. Isang unfair labor practice, na pinarurusahan ng batas at isa sa mga ligal na dahilan ng isang strike, ayon mismo sa ating Labor Code.

Ayon sa management, tinanggal daw ang mga manggagawa dahil sa patuloy na paglulunsad ng mga protesta sa harap ng mga planta ng Goldilocks na diumano'y “may pwersahang pagpigil sa mga delivery at pagharang sa mga empleyado na pumasok sa trabaho” (PDI, A17, 3/16/2010). Ito ay pawang kasinungalingan!

Bagamat hindi kami abogado. Alam namin ang aming karapatan. Nag-aral din kami ng Labor Code. Naglunsad kami ng “moving pickets” sa pagsapraktika ng Konstitusyunal na karapatan sa peaceful assembly upang ipahayag ang aming grievances sa kumpanya. Hindi namin hinarang ang malayang pagpasok at paglabas ng produkto dahil ito ay pagsagka sa “free ingress and egress”, na iligal sa timbangan ng batas.

Hindi biro ang magdesisyong magwelga. Pero nilubos na ng "lantay" na prosesong ligal o simpleng "labanang papel sa korte" ang aming pasensya kundi pati ang kumakalam na mga sikmura ng 127 manggagawang tinanggal sa trabaho. Humarap pa kami sa dalawang hearing ng NCMB (National Conciliation and Mediation Board) noong Pebrero 23 at 24. Subalit nagtetengang-kawali pa din ang Management.

Sabi ng Management, ang mga manggagawa raw ay tinanggal sa bisa ng naunang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) noong Mayo 2009 (halos isang taon na ang nakaraan). Gusto nilang ipakitang sila ang nagmamagandang-loob dahil hindi nila kaagad na tinanggal ang mga manggagawa. Pero ito ay hindi kusang-loob kundi inobliga ng apela ng unyon (Motion for Reconsideration) sa NLRC.

Pero nang ipinagkait ng NLRC ang aming mosyon - at inangkas sa kaso ang gawa-gawang iligal strike, ibig sabihin, itinuring na welga ang aming “moving picket” - nagpasya kaming hindi na iapela ang desisyon ng NLRC sa Court Appeals hanggang sa Supreme Court. Sa kabila ng aming solidong posisyon, hindi kami kinatigan ng NLRC. Natutukso kaming magduda na ang Komisyon ay may “komisyon” mula sa Goldilocks Management.

Inasahan na namin ang ganitong desisyon ng NLRC. Kaya naman naobliga kaming pumili sa dalawang ligal na larangan: (a) ang pag-apela sa Court of Appeals hanggang sa Supreme Court, o (b) ang paglulunsad ng welga - na ginagarantiyahan ng Konstitusyon at ng Labor Code of the Philippines.

Sa dalawang opsyon, ang pinakamadali ay ang pag-apela sa Korte. Subalit mas matagal ang paghihintay ng resolusyon. Hindi ito ang pinili namin. Sapagkat inaasahan namin ang tuloy-tuloy pang pagtatanggal ng mga trabahador ng Goldilocks Management para makatipid sa labor costs at durugin ang BISIG-AGLO-BMP.

Mas komplikado at mas mahirap ang landas ng pagwewelga. Pero mas dito matitiyak namin ang tagumpay sa aming mga kahilingan sapagkat ang kinakailangan lamang tiyakin ay ang pagsuporta ng mga manggagawa upang matigil ang operasyon.

Mga kababayan! Hinihingi namin ang inyong simpatya't pag-unawa. Prayoridad din namin ang mga tagapagtangkilik ng Goldilocks. Pero hindi naman kalabisang ikunsidera namin ang aming sariling kapakanan - ang kasigurahan sa trabaho at karapatang mag-unyon at makipag-CBA na amin ding mga Konstitusyunal na karapatan.

Kung inyo pong mamarapatin, hiling namin na pansamantalang huwag tangkilikin ang Goldilocks upang maobliga ang Management na ibalik sa trabaho ang 127 manggagawa. Lalupa't pinangangambahan naming gagamit ito ng dahas laban sa aming welga. Hindi na bago ang ganitong ganting reaksyon ng Goldilocks Management. Sa welgang hinarap nito noong 1991, tatlong unyonista ang namatay at 6 ang sugatan nang paulanan ng bala ang picket line.

Pagpalain nawa tayo ng Poong Maykapal. Mabuhay ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996