Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Miyerkules, Agosto 4, 2010

Tunay na Boss ni P-Noy: Kapitalista, Trapo at Elitista

KAPITALISTA, TRAPO AT ELITISTA
ANG BOSS NI P-NOY HINDI ANG MASA!

Kompleto na ang ating batayan para magbigay ng kongklusyon kung ano ang kahihinatnan nating mga manggagawa sa administrasyon ni Noynoy Aquino. Tapos na ang SONA, ang huling okasyong ating hinihintay upang alamin ang opisyal nyang plano para sa mga manggagawa at sa masa ng sambayanan.

Walang plano para sa masa! Ipagpag mo man ng sampung beses ang walong pahinang speech ni Noynoy Aquino noong sona, wala kang makikitang kongkretong programa para pabutihin ang kalagayan ng mga manggagawa at ng iba pang naghihirap nating kababayan.

Inubos ang oras sa pagbubulgar ng katiwalian at kurapsyon ng nagdaang administrasyon at sa waldas na pamumuhay ng mga opisyal ng pamahalaan at manager ng mga korporasyong pag-aari ng gobyerno. Popular ang naging presentasyon para sa masa, subalit hindi lang ang paglaban sa katawalian at korapsyon ang solusyon sa ating problema bukod pa sa katotohanang hindi kailan man mawawala ang korapsyon sa ilalim ng kapitalistang sistema.

Hindi totoong kung walang kurap ay walang mahirap. Mali at mapanlinlang ang linyang ito ng katwiran. Pero, kahit ipagpalagay nang walang kurap sa loob ng gobyerno, kung walang trabaho ang marami sa ating mga manggagawa ay magpapatuloy ang kahirapan. Kahit walang kurap, kung kinukunsinte ng gobyerno ang mga kapitalista na kontraktwal ang sistema ng pagtatrabaho, mababa ang sweldo at pagkalipas ng limang buwan ay tapos na ang kontrata sa trabaho ay siguradong may mahirap pa rin. Kahit walang kurap kung di naman mapipigilan ang mga kapitalista sa pagtataas ng presyo ng bilihin at serbisyo ay patuloy na lalaganap pa rin ang kahirapan.

Ang kanyang pagbubulgar ay ginawa lamang upang ipuslit ang kanyang planong ipagpatuloy ang patakarang pribatisasyon (Hal. MWSS, North Luzon HighWay at Navy HQ) at hingin ang pang-unawa ng masa dahil inubos na ng kampo ni Gloria ang pondo.

Bakit pagpapaubaya na naman sa pribado ng mga pag-aari ng gobyerno ang solusyon sa kawalan ng pondo? Bakit hindi ang gawin ay ang matagal na nating panawagang huwag munang magbayad ng utang? Kung magagawa ito, humigit kumulang P500 bilyon agad ang matitipid na pondo sa loob ng isang taon lamang. Bakit ayaw bawasan ang kikitain ng mga kapitalista at bakit patuloy pang bibiyayaan?

Hindi tuwid na daan ang landas ni P-Noy para sa Masa. Ang tuwid na daan ay para sa mga kapitalista. Ang mga kapitalistang lokal at dayuhan ang patuloy na mamamayagpag sa administrasyon ni P-Noy. Walang banta sa kanilang hanay na katulad ng banta sa mga kurap na opisyal ng pamahalaan. Business as usual para sa kanila, tuloy ang ligaya.

Ipinwesto na sa mga importanteng posisyon sa loob ng Gobyerno ang mga kinatawan ng mga malalaking korporasyon sa bansa tulad ng CEO ng SM ni Henry Sy, CEO ng Maynilad, CEO ng Manila Water, President ng Makati Business Club at si Purisima na tagapagtaguyod ng interes ng mga kapitalista.

Higit dito, ipagpapatuloy ang patakarang Pribatisasyon,Deregulasyon, Liberalisasyon, at Labor Flexibilization. Mga patakarang pang-ekonomiya na ipinatupad ng mga nagdaang administrasyon. Patakarang nagbigay ng laya kina Henry Sy ng SM, Gokongwei ng URC and Comp., Lucio Tan, Pangilinan, Ayala at Lopez na magkamal ng limpak-limpak na tubo kapalit ng labis na pagdarahop ng masang Pilipino.

Pansinin na lang ang parang malalaking kabuting nagsusulputang SM Mall sa halos lahat ng lugar, ang tripleng tinubo ni Gokongwei noong 2009 at ang P38B na kinita ng PLDT ni Pangilinan noon ding 2009 mula sa P27B noong mga nagdaang taon.

Masama ang privatization dahil kapag napasakamay na ng mga kapitalista ang ano mang pag-aari ng gobyerno para sa serbisyo, ito ay natatransporma bilang negosyo. Pinagtutubuan at dahil may deregulasyon sa pagpepresyo, walang hanggang pagpapatong ng tubo ang ginagawa ng mga kapitalista. Katulad ng bayarin sa tubig, langis, kuryente, bahay, iskwela, hospital, toll fee at pamasahe. Tumaas ito mula 600% (Tuition Fee) hanggang 2,500%. (Toll fee sa NLEX)

Masama rin ang Deregulation. Dahil nagbunga ito ng walang habas na pagsasamantala ng mga kapitalista sa pagpepresyo ng produkto at serbisyo. Tulad halimbawa ng deregulation sa pagpepresyo ng produktong petrolyo. Dahil deregulated, walang Kontrol ang Gobyerno, sinasamantala ng mga kapitalista at walang tigil sa pagpapataas kayat halos 3 doble na ang itinaas nito kaysa sa dati.

Ang liberalisasyon naman ay masama dahil nagbubunga ito ng monopolyo ng mga malalaking kapitalista at sa huli ay ang wala ring tigil na pagtaas ng presyo ng likhang produkto at serbisyo.

Kaya dahil sa patakarang Pribatisasyon, Deregulasyon at Liberalisasyon, mabilis at legal na napunta sa kamay ng iilang negosyante ang yamang likha at pinagpaguran ng mamamayan. Higit na napalaki pa ang kinamal na kita dahil naman sa patakarang Labor Flexibilization, na wala namang ibang ibig sabihin kundi ang transpormasyon ng mga regular na manggagawa tunggo sa pagiging kontraktwal. Mababa ang sahod at walang karapatang magreklamo o lumaban dahil hirap na sumali o magbuo ng unyon.

Resulta: sa gitna ng kasaganaan ng iilan, nalublob sa matinding krisis ang buhay ng masa. Dumami ang bilang ng pamilyang nakakaranas matulog ng di naghahapunan at nagkakasakit nang di nadadala sa hospital.

Mapagpahirap at mapang-api ang mga patakarang ito. Mga patakarang dikta ng mga malalaking kapitalista at institusyon sa mundo na ipinatupad nina Cory, Ramos, Erap at Gloria Arroyo.

Ang masama ngayon ito pa rin ang riles ng pang-ekonomiyang patakaran ni Noynoy Aquino.

Hindi rin tayo ang totoong Boss ni P-Noy. Ang totoong Boss nya ay ang mga kapitalista, ang Liberal Party na kanyang partido at ang mga elitista. Kaya ang boses at ang kagustuhan ng mga kapitalista, mga elitista at trapo ang masusunod at hindi tayo.

Wala syang ipinagkaloob sa hanay ng masa. Walang lider ng kilusang masa ang ipinasok at pinahawak ng importanteng posisyon sa loob ng gobyerno. Wala ring ibinigay sa mga kahilingang ipinaabot ng iba't ibang grupo at kilusan ng masa sa kanya noong panahon ng kampanya at nitong siya ay pangulo na.

Hindi pinakinggan ang ating mga kahilingang:

1. Itigil ang kontraktwalisasyon at ang Marahas na demolisyon!

2. I-repeal ang Oil Deregulation at Automatic Appropriation Law.

3. Isabatas ang Nationwide Accross the Board Wage Increase at ang pagbubuwag sa Wage Board!

4. Ang pagsasabatas ng Unemployment Insurance at ang Mandatory Trust Fund ng Manggagawa.

5. Ang Pagtatapos ng Repormang Agraryo at Pagpapalaya sa mga Bilanggong Pulitikal.

Hindi totoong ang pagresolba sa kahirapan at kaapihan ng masa ang programang bitbit ni P-Noy kundi ang pag-iistabilisa at pagpapatuloy ng paghahari ng mga kapitalista, trapo at elitista sa ating bayan. Wala tayong maasahang pagbabago kay P-noy sa kabuhayan at kaapihan ng masang Pilipino.

Kaya't sa ngayon ay di na natin dapat pag-usapan pa kung ano ang magagawa sa atin ni P-Noy dahil wala syang magagawa para sa masa ng sambayanan. Ang mas mainam na pag-usapan ay kung ano ang magagawa natin para obligahin ang administrasyon ni P-Noy na gumawa para sa atin!

Kaya palakasin natin ang ating kilusan, palakasin natin ang ating partido!

BMP August 2010

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996