Memorandum: Hinggil sa paggunita sa ika-25 taong anibersaryo ng Edsa Peoples Power One.
Mga kasama,
Dalawampu’t limang taon na ang lumipas matapos ang 1986 Peoples Power na nagresulta ng pagbagsak ng pasistang diktadurang pamahalaan ni Marcos at nagluklok kay Ginang Cory Aquino bilang Pangulo ng isang transisyunal na pamahalaan na tinawag na Provisional Rebolutionary Government (PRG). Mag-iisang taon na din ang administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino (P-Noy). Parang kailan lang pero lumilinaw ang mga kaganapan kung paano natin bibigyan ng paghuhusga ang dalawampu’t limang taong lumipas at halos isang taon ni P-Noy sa Palasyo. Kung sa pananaw ng mga Elitista ay tagumpay ang 1986 Peoples Power sa Edsa, sa pananaw ng malawak na masang sambayanang Pilipino ay bigo ang tunay na diwa nito. 25 years + 25 years = 0. Zero sa pananaw ng sambayanan, walang nabago sa kalagayan at buhay ng masa. Kung may nabago man ay ang pagtindi pa ng kahirapan at paglala ng katiwalian sa pamahalaan.
Nariyan pa rin ang laganap na kagutuman sa lunsod at kanayunan, kawalan ng seguridad sa trabaho ng mga manggagawang Pilipino, kawalan ng tiyak at ligtas na tirahan ang mga maralita sa lunsod at kanayunan, kawalan ng lupang masaka ng ating mga magsasaka sa kanayunan, kawalan ng proteksyon sa kababaihan at kabataan, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa serbisyo at buwis, paglala ng katiwalian sa lahat ng ahensya at istruktura ng ating pamahalaan, kawalan ng sapat na serbisyong panlipunan at inhustisya sa ating pamayanan.
Ang mga inaasahan ng mamamayan sa panunungkulan ni P-Noy ay tila mauuwi sa wala. Mga inaasahang magpapabago sa kanilang kalagayan at hahango sa kahirapan na siyang ipinangalandakan ng bagong administrasyon na ito’y maka-mahirap at lumalandas sa matuwid na daan. Walang duda na ang pinaglilingkuran “Boss” ni P-Noy ay mga Elitista, hindi ang masa ng sambayanan.
Ang patakarang (Private Public Partnership-PPP) ni P-Noy ay tuwirang pagkiling sa malaganap na pagsasapribado ng mga negosyo sa batayang serbisyo ng mamamayan, pagbibigay halaga sa mga namumuhunan sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng magandang klima ng pagnenegosyo at kaakibat na patakarang kaugnay nito.
Hindi maiksi ang halos isang taon na ni P-Noy sa panunungkulan. May mga palatandaan na ang landas na tinatahak ni P-Noy ---Ang landas ng pagpapanatili ng mga elitista sa tuktok ng lipunan. Pagpapanatili sa demokrasya ng iilang elitista, hindi ng demokrasya ng masa ng sambayanan.
Halimbawa nito ang walang pakundangang pagkiling ng administrasyon ni P-Noy sa malaganap na iskemang kontraktwalisasyon sa paggawa at husga nito sa kaso ng PALEA na tanggalin sa regular na empleyo ang 2,600 manggagawa at gawing Contractual Employees sa mga service providers ni Lucio Tan (outsourcing) ang tawag nila dito. Ang pagsuporta ng bagong administrasyon ni P-Noy sa pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tubig, kuryente at langis. Walang binabagong patakaran si P-Noy, bagkus ipinagpapatuloy lang nito at nagiging tagapagmana sa mga nakaraang administrasyon. Ang kaibahan lang nito ay ang layunin nitong linisin daw ang katiwalian sa gobyerno. Hindi pa natin mahuhusgahan ang magiging kahihinatnan ng krusada niyang ito. Pero ang tanong natin, handa na ba talaga si P-Noy na gibain ang pwersang pundasyon ng sistemang elitista? Ang pundasyon ng kapitalismong sistema? Ikalawa; Itatakwil na ba talaga ni P-Noy ang kanyang pagiging elitista at uring pinagmulan? Ikatlo; Papayag kaya ang mga utak pulburang mga Heneral na basta ma-itsapwera sa kapangyarihan at makulong gaya ni ERAP? Dito tayo may pagdududa sa krusada ni P-Noy.
Pero malabo na itakwil ni P-Noy ang ugaling Elitista. Katunayan kauupo pa lang sa Palasyo agad nang bumili ng Sports Car na Porsche na nagkakahalaga ng P12 milyong piso. Sa kabila na ang mga maralitang mamamayan ay walang makain, nagugutom at walang matirahan. Tampulan ng biruan sa barberya na Weather Weather lang yan sa kalakaran ng mga naging Pangulo ng bansa. Lahat na yata ng naging Pangulo ng bansa ay may Trade Mark ng kaluhuan sa buhay at pagtatampisaw sa karangyaan sa kabila ng nagugutom na malawak na masa ng sambayanan.
Ang nagaganap sa kasalukuyan ay nagpapatunay lamang kung anong klase ng demokrasya mayroon ang ating bansa kung saan ang ipinaiiral ay ang kagustuhan ng iilan at sa kabilang banda walang boses ang masa ng sambayanan na siyang mayorya (80%) ng populasyon. Demokrasya ng elitista ang landas ni P-Noy, hindi demokrasya ng masa. Hangga’t ang umiiral na sistemang ito na siyang gumagabay sa administrasyon ni Pinoy walang duda na lalala pa ang kalagayan ng ating mamamayan. Hindi maaampat ang kahirapan, hindi mapipigilan ang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at bayarin sa mga batayang serbisyo, walang mahihitang katarungan sa lahat ng mga inhustisya sa mamamayang Pilipino.
Huwag na tayong mangiming ilantad natin ito sa bagong administrasyon. Ipamukha natin ito lalo na’t may bonggang paggunita ito sa darating na Pebrero 25. Kabalintunaan na ipagdiwang ng ating gobyerno ang diwa ng EDSA na siyang nagbigay daan ng demokrasya ng masa. Kaipokrituhan ng gobyernong ito ang tagumpay ng “masa” na siya mismo ay nagpapairal ng demokrasya ng iilan at ilitista.
Narito ang ating papel na igiya ang masa sa ganitong tunay na kulay ng administrasyon ni Noynoy Aquino na walang saysay ang kanyang islogan na walang mahirap kung walang kurap. Ang islogang ito ay magiging tumpak lang kung may totoong demokrasya ang masa at ang mga kaaakibat na patakaran ng gobyerno ay naglilingkod sa interes at kagalingan ng mamamayan. Ang korapsyon ay kaakibat na katangian ng bulok na sistema ng kapitalismo na siyang may kinalalaman sa patuloy na pagkasadlak ng mamamayan sa kahirapan.
Kung kaya’t importante na bigyang pansin ang darating na selebrasyon ng Pebrero 25. Ilantad ang tunay na pinaiiral na demokrasya ng administyrasyon ni Noynoy at itulak ang kanyang gobyerno na harapin ang totoong problema ng masa ng sambayanan, pagkakaloob ng sapat na proteksyon, karapatan at kagalingan sa lahat ng sektor ng ating lipunan ang dapat na adyenda.
Ang mobilisasyon sa Enero 24 at Marso 8.
Mas pinili nating maglunsad ng hiwalay na pagkilos para gunitain ang anibersaryo ng EDSA Uno. Ang ating gobyerno ay magdiriwang ng Pebrero 25 sa mismong EDSA Monument. Tayo ay ganon din pero sa halip na ating sabayan, tayo ay maglulunsad ng pagkilos sa ika-24 ng Pebrero sa EDSA People Power Monument kasama ang FDC (Freedom from Debt Coalition) na siyang pangunahing mag-iisponsor ng malaking pagkilos na ito.
Sa Pebrero 24, magkita-kita tayo ng mula alas otso hanggang alas nwebe ng umaga (8-9am) sa paanan ng MRT Cubao. Magmamartsa tayo mula Cubao patungong EDSA People Power Monument sa ganap ng ikasiyam ng umaga (9:00 am). Bitbit natin ang mga islogang maglalantad sa tunay na katangian ng demokrasyang pinaiiral ng bagong administrasyon at mga isyung may kinalaman sa mga batayang kahilingan ng mamamayang Pilipino.
Sa Marso 8, tayo ay magmamartsa mula Quezon City Hall hanggang Batasan. Sa ganap ng alas-dose ng tanghali (12nn), tayo ay magkikita-kita sa harapan ng opisina ng NHA sa may Elliptical Road, Quezon Memorial Circle. Tutulak tayo ng martsa sa ganap na alas-dos ng hapon.
Tayo ay magluwal ng maraming puwersa sa mga na araw na ito at makiisa tayo sa panawagan. Magtiyak ang lokal ng mga kinatawan at planuhin kung pano magagawa ito. Obligadong detalyehin ng mga pamunuan ng lokal ang delegasyon at partisipasyon sa mga nasabing pagkilos.
Narito ang mga islogan na ating dadalhin:
1. 25 years + 25 years = Zero! Bigo ang tunay na Diwa ng EDSA!
2. Demokrasya ng Masa, Hindi ng elitista!
3. Trabaho, Tirahan, Kabuhayan, Karapatan. IPAGLABAN!
4. Sahod itaas! Presyo ibaba!
5. Regular na Trabaho, Hindi kontraktwal!
6. Karapatan at kagalingan ng kababaihan ipaglaban!
7. Oil deregulation law! Ibasura
8. RH Bill! Isabatas!
9. 25 limang taon ng EDSA, walang napala ang masa!
10. Itaguyod ang tunay na demokrasya ng masa!
11. Pabahay na serbisyo hindi negosyo!
12. Lupang pansakahan para sa magsasaka
Komiteng Tagapagpaganap - BMP
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento