Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Para sa: Lahat ng Unyon, Organisasyon, Asosasyon at Indibidwal na Kasapi
Hinggil sa: Kampanyang Mayo Uno 2011
Mula sa: Komiteng Tagapagpaganap
Petsa: Marso 29, 2011
Gugunitain natin ngayong 2011 ang Mayo Uno (Pandaigdigang Araw ng Paggawa) sa gitna ng papatinding krisis ng sistemang kapital ng mundo at mga papet na rehimen nito. Ang pumutok na Global Financial Crisis (GFC) noong 2008 ay hindi pa nakakabangon. Wala pang nakikitang solusyon ang mga kapitalista ng mundo. Umiiral ito hanggang sa kasalukuyan at papalala pa.
Mula Enero 2011, wala pa sa tatlong buwan ang lumipas ay walong (8) ulit nang tumaas ang presyo ng langis o mga produktong petrolyo. Sa kasalukuyan ay P56.00 per liter na ang gasolina at P46.00 naman per liter ang krudo. Ayon sa American Investment Bank Merrill Lynch, “global oil prices surging to $144 per barrel based on the Brent crude benchmark in the next three month given the political unrest in the Middle East and North Africa”.
Ibig sabihin, palala pa ang krisis at patuloy na tataas ang presyo ng mga bilihin, bayarin sa serbisyo at pagdami ng walang trabaho ng masang Pilipino at manggagawa ng mundo sa kabuuan.
Katunayan, sa nakalipas na dalawang linggo hanggang sa kasalukuyan ay tumaas na ang lahat ng mga produktong petrolyo, gasolina - P5.00 per liter ang itinaas, krudo - P4.00 per liter, kerosene - P3.00 per liter, LPG - P1.00 per kg. Ang presyo ng pagkain, bigas, karne, delata, bawang, sibuyas, gulay at iba pa ay tumaas na ng halos 29.2%. Tumaas na rin ang bayarin sa serbisyo sa kuryente at tubig, P1.00 dagdag-pamasahe sa jeep at bus, P10.00 plug down naman sa taxi.
Ang usapin ng paglikas ng ating mga kababayang OFW sa Libya, Japan at iba pa na umaabot sa 1.5 milyong OFW ang dapat na kagyat na mailikas ay hindi mailikas. Ang iba naman ay nagpasya na lang manatili sa mga lugar na iyon kahit na mapanganib dahil sa pananaw na matatapos din naman ang kaguluhan at gutom din naman ang sasapitin nila sa Pilipinas kapag umuwi sila dahil sa kawalan ng matatag na empleyo at kabuhayan sa ating bansa. Walang trabahong mapapauokan sakaling umuwi sila ng bansa. Mismong galing ito sa bibig ni DFA Secretary Albert Del Rosario.
Ang kalamidad na tumama sa Japan at nagaganap na pag-aaklas ng mamamayan sa Middle East at North Africa ay nagdudulot ng epekto sa ating ekonomiya at empleyo. Dahil sa pag-uwian ng ating mga OFW liliit ang remittance (Tax) na papasok sa gobyerno at darami ang walang trabaho. Dagdag pa ang napipintong tanggalan sa Calabarzon Area ng mga Japanese Company. Katunayan, halos 100 Japanese firms na ang naghain ng notice for retrenchment sa DOLE-1V-A-Calabarzon.
Kampanyang Mayo Uno
Sa ganitong kalagayan at konteksto natin gugunitain ang nalalapit na Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Ilantad natin sa okasyong ito ang tuluy-tuloy na pananalasa ng krisis na likha mismo ng mga kapitalista at paglilinaw sa kahalagahan ng pagbabago at sosyalismo bilang natatanging solusyon sa krisis ng kapitalismo. Kasabay na ilantad ang patakarang kontra manggagawa at maralita ng rehimeng P-Noy at gamitin ito sa pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa ng sambayanan.
Ang Medium Term Development Plan (MTDP) ni P-noy na nakaangkla sa Public Private Partnership Program (PPPP) ay pagpapatuloy lamang sa patakarang Liberalisasyon, Deregulasyon, Pribatisasyon at Labor Flexibility na nagresulta ng kawalan ng kontrol sa presyo sa pamilihan, paglaganap ng iskemang kontraktwalisasyon sa paggawa na naghubad sa batayang karapatan ng mga manggagawa na maregular sa trabaho, magkaroon ng unyon at CBA, tumaas ang sweldo at magkaroon ng maayos at ligtas na paninirahan.
Ang Order ni P-Noy sa isyu ng PALEA (Affirmation sa Order ni DOLE Secretary Baldoz) na legal ang management prerogative na tanggalin sa trabaho ang 2,600 manggagawa ng PAL at pagsang-ayon na isailalim ang mga ito sa contractual employees ay malinaw na pagwasak sa konstitusyunal na karapatan nating mga manggagawa sa Security of Tenure at ito’y masaker sa ating mga unyon at CBA.
Ang ating mga Kahilingan at Panawagan:
1. Trabahong regular at sahod na makakabuhay ng pamilya. Tax Exemption sa mga manggagawang sumasahod ng P956.00/day pababa.
2. Unemployment Insurance at Mandatory Trust Fund sa Retirement Benefit ng mga manggagawang tumagal na ng isang (1) taon sa empleyo.
3. Subsidyo/Discount sa presyo ng pagkain at mga bayarin sa: Housing Monthly Amortization, Hospitalization, Matrikula, Electric at Water monthly bills
4. Freeze Price: sa presyo ng mga produktong petrolyo at pagkain sa dating presyo nito bago ang kaguluhan sa Middle East at North Africa, at dagdag na parusa sa mga lumalabag sa price control.
5. Tanggalin ang VAT sa produktong petrolyo. Makakatipid ang mga tsuper dito ng halagang P6.00 sa bawat litro ng krudo o gasoline.
6. Ibasura ang oil deregulation law. Para makaalis sa pagkatali ang ating gobyerno sa pagbili ng langis.
Ang mga problema at kahilingan nating ito ay naihapag na natin sa unang araw, SONA at ika-100 araw ng panunungkulan ni P-Noy. Ngunit hanggang sa ngayon ay walang nagawa maliban sa pag-antala sa mga demolisyon sa maralita at tanggalan sa mga manggagawa ng PAL.
Ang ating Tungkulin: Sampung libong (10,000) Mobilisasyon ngayong Mayo Uno sa buong bansa!
Tapos na ang Moratorium sa Demolisyon. May order na rin si P-Noy sa isyu ng PAL. Ibig sabihin tuloy ulit ang mga demolisyon kahit walang tiyak na maayos at ligtas na relokasyon sa mga kapatid nating maralita. Tuloy ang tanggalan sa 2,600 manggagawa at kontraktwalisasyon hindi lamang sa mga manggagawa ng PAL kundi sa buong bansa.
Malinaw na hindi na tayo dapat pang mag-ilusyon sa administrasyon ni P-Noy na pakikinggan at ipagkakaloob ng kusa ang ating mga kahilingan. Kailangan na nating kumilos, palawakin ang pagkakaisa at paigtingin ang ating mga pakikibaka, upang obligahing pakinggan ang sigaw at karaingan ng mga manggagawa at maralita.
Sa unang Mayo Uno ng administrasyon ni P-Noy, isang pambansa at malakihang kilos protesta ang ilulunsad natin, na siyang maghuhudyat ng kabiguan ng mga manggagawa at masang Pilipino sa mga pangakong pagbabago ni P-Noy at tatapos sa natitira pang mga ilusyon. Si Lucio Tan at mga kapitalista ang Boss ni P-Noy, hindi ang masang Pilipino. Sistema at interes ng mga kapitalista ang pinoprotektahan ni P-Noy, hindi ang kagalingan at interes ng masang Pilipino.
Mga Kasama, kasabay nito’y salubungin natin ang matagumpay na paglulunsad (Launching) ng Atty. Hermon and Filemon “Ka Popoy” Lagman Workers’ Foundation ngayong Mayo Uno ng isang pambansa at malakihang pagtitipon na maglalantad sa malalim na krisis ng kapitalismo at mga elitistang Estado nito. Na ang nagaganap na pag-aalsa sa Middle East at North Africa ay di malayong maganap sa ating bansa kung ipagpapatuloy ni P-Noy ang mga patakarang Anti-Labor at Anti-Poor ng kanyang administrasyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento