PRESS RELEASE
21 November 2012
Tuloy ang laban! -- PCART
PAG-AAPRUBA NG SIN TAX LAW SA SENADO KINONDENA
KAMING mga mahihirap na manggagawa't magsasaka ang nagtanim, mga pulitiko at kapitalista ang aani! Ito ang pagkondena ng grupong Peoples Coalition Against Regressive Taxation o PCART sa naging resulta ng botohan sa Senado hinggil sa isinulong na Sin Tax Reform Law kung saan 15 senador ang pumabor habang dalawa ang tumutol.
Giit ng PCART, milyong manggagawang Pilipino, magsasaka at maralitang taga-lungsod ang tanging papasan sa hirap na idudulot ng dagdag-buwis sa alak at sigarilyo habang ang mga pulitiko ang makikinabang sa bilyong makokolektang buwis at ang mga kapitalista naman ang magpapakasasa sa trilyong halaga ng tutubuin sa mga nasabing produkto.
Anila, malinaw na may sabwatang naganap sa pagitan ng mga pulitiko at mayayamang negosyante kung saan ang pag-apruba sa Sin Tax Reform Law ang pinakamatindi kuntsabahan mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.
Ayon kay Gie Relova, Secretary-General ng National Capital Region at Rizal chapter ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP-NCRR), "Lumabas uli ang tunay na kulay ng Senado at pinatunayan lamang nila na bulag, pipi at bingi sila sa tunay na kalagayan at kapakanan ng taumbayan. Habang hinahalikan naman nila sa paa ng mga elitista at dayuhang kapitalista."
"Kasabay ng pag-apruba sa nasabing panukala, maraming trabaho at kabuhayan ang naging biktima ng masaker kung saan ang Senado ang nagsilbing sepulturero, ang Department of Finance ang berdugo habang nagsilbing hitman si Senator Franklin Drilon at ang mastermind walang iba kundi si Pagulong Aquino," dagdag pa ni Relova.
Ayon naman kay Rodel Atienza, pangulo ng unyon ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation, "Habang nagdiriwang at nagbabatian sa isa't isa ang mga senador, isinusumpa naming mga manggagawa, magsasaka at maralitang tagalungsod na sa amin pa rin ang huling halakhak."
"Tuloy ang laban, mas malaking puwersa ang nakahanda at sisiguraduhin namin ang kampanya laban sa mga nagsabwatang pulitiko at kapitalista sa Sin Tax Reform Bill at pagbabayaran nila ito sa darating na eleksyon." ani Atienza.
Kaugnay nito, nangangako ang BMP at mga kaalyadong organisasyon nito na ipagpapatuloy nila ang laban tungo sa isang ganap na progresibong sistema ng pagbubuwis.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento