26 Setyembre 2013
Para masagot ang privilege speech ni Jinggoy
COA sinabihan na ibunyag lahat ng report sa PDAF at Malampaya Fund
‘Di inalinta ang pamamaril kuno sa tanggapan ng Commission on Audit (CoA), rinalihan ng mga miembro ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang ahensya upang ipanawagan ang pagsisiwalat ang lahat ng linalaman ng audit report ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Malampaya Fund.
Hindi kuntento sa mga pahayag ng mga opisyal ng Palasyo na maingat at tinipid ni Pangulong Noynoy Aquino ang paggamit ng kanyang discretionary funds, hiniling ng BMP na ilabas ng CoA ang kumpleto at walang kinikilingang audit report ng Malampaya Fund para sa mga taong 2010 hanggang 2012, sa termino ng Pangulo at hindi lamang yaong sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo.
“Si Noynoy mismo ang mahilig magbida sa adbokasiya niya ng mabuting pamamahala. Puwes, nararapat lamang na ang Malampaya Fund ang unahin ng CoA. Kahit na si Commissioner Grace Pulido-Tan ay itinalaga sa CoA ng mismong Pangulo, obligasyon niya na itaguyod ang Seksyon 28, Artikulo 2 ng Konstitusyong 1987 na nagasasaad ng “ipatutupad ng Estado ang patakaran ng lubos na pagsisiwalat ng lahat ng transaksyon nito na pumapatungkol sa interes ng publiko,” sabi ni Leody De Guzman, Pangulo ng BMP.
Nitong Enero lamang, inilabas ng Komisyon ang Sirkular 2013-04 na nagbibigay alam sa lahat ng departamento, ahensya, korporasyong pag-aari ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan na tumupad sa kaparehong probisyon ng Konstitusyon.
“Hindi na dapat magtaka ang CoA kung bakit ito pinuputakte ng kritisismo mula sa lahat ng kampo, nasusuka ang masa sa direksyong pinatutunguhan ng piling-pili at maka-isang panig na audit reports na pangunahing magsisilbi sa mga opisyal ng Palasyo at hindi para bigyang hustisya ang ating mga kababayan, bintang ng lider-manggagawa.
Dagdag pa ni De Guzman, “Ang atake sa opisina ng CoA ay maaring para takutin ang mga empleyado ng ahensya na isiwalat ang buong katotohanan sa mga abuso ng mga opisyal ng pamahalaan. Umaapila ang mga manggagawa’t maralita ng katwiran, sa pag-asang makikinig ang CoA sa sigaw ng taumbayan para sa hustisya. Hindi kami umaasa sa sindakan dahil ito’y nakabase sa takot kaysa sa mahinahong lohika”.
Gayundin, tinanong ng grupo kung bakit walang nababanggit sa kanilang Special Audit report kung paano winaldas ng noo’y Senador na si Noynoy Aquino ang kanyang alokasyong PDAF sa mga taong 2007 hanggang 2009. “Lumalabas na ayaw pakialaman ng CoA ang Pandora’s box ng korapsyon dahil mabubunyag nito ang kaparehong modus operandi ni Aquino at mga kapartido nito sa Liberal sa pagbuburiki nila sa kaban ng bayan,” pahayag ni De Guzman.###
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento