PRESS RELEASE
December 5, 2013
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Contact person:
BMP National President
Leody de Guzman 09205200672
Militante sinugod ang Meralco dahil sa P3+/kwh na dagdag-singgil:
"Para maibalik ang kuryente sa Bisayas, dapat magmula sa
pondong Malampaya at ‘di sa bulsa ng konsumer"
SUMUGOD sa tanggapan ng Meralco ang mga militanteng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod(KPML) para iprotesta ang napipintong pinakamataas na karagdagang singgil sa kuryente sa kasaysayan ng Meralco. Balak nitong ipatupad ang dagdag singgil ngayong buwan.
Bitbit ng mga raliyista ang mga plakard na may slogang: "Meralco: Ganid", "Meralco: Swapang", "Binagyo na, Pagsasamantalahan pa!"
Inanunsyo kamakailan ng Meralco na magdadagdag sila ng mahigit P3 kada kilowatthour (kwh), tinatayang tataas ang bayarin ng P600 ng isang pamamahay na regular na kumokonsumo ng 200 kwh kada buwan. Ayon sa Meralco, ang pagtaas ay sanhi ng pagpapalit sa diesel mula sa mas murang natural gas dahil sa naka-skedyul nitong maintenance. Ang natural gas na nakukuha sa Malampaya ang ginagamit sa halos kalahati ng demand sa kuryente ng buong Luzon. Dagdag pa, ang mga konsumer ng Meralco ang siyang papasan sa 6.5 bilyong pisong rekonstruksyon ng mga nasirang linya ng kuryente dahil sa bagyong Yolanda.
Dineklara ni Leody de Guzman, pambansang taga-Pangulo ng BMP na,”Dapat lang na bitayin ang Board ng Meralco dahil sila’y mga ganid sa tubo. Ang pagsamantalahan ang pighati ng mamamayan ay pagpapakita lamang ng kawalan ng puso ng kumpanya.” Kung ang maintenance ng Malampaya ay totoong naka-skedyul, dapat lang na pinaghandaan ito ng Meralco at ng gobyerno para protektahan ang mamamayan sa hindi makatwirang mga singgil. Ngunit nanahimik at hinayaan ng gobyerno ang pinakahuling kaluputin na sinapit ng taumbayan. Ang katotohanan, makikinabang din kasi ang gobyerno sa mataas na kuryente dahil sa mas mataas na VAT na kokolektahin nito, dagdag ni De Guzman.
“Para maibalik ang kuryente sa Bisayas, dapat magmula sa pondong Malampaya at ‘di sa bulsa ng masa. Kung may silbi man ang programang Public-Private Partnership ng gobyerno sa mamayan, dapat lamang na pareho nilang pondohan ang rekonstruksyon ng mga nasirang planta at linya ng kuryente sa Kabisayaan. Ang pondong Malampaya na dineklara ng Korte Suprema na eksklusibo para sa programang elektripikasyon ang dapat gamitin sa mga dinaanan ng bagyong Yolanda” paglilinaw ni De Guzman.
Hinirit ni De Guzman na, "Hindi dapat magdalawang isip ang gobyerno na mamuhunan sa industriya ng kuryente para garantisadong magmumura ang presyo ng kuryente sa bansa. Gayung ito ang sentral na dinadahilan ng mga imbestor sa kanilang hindi pagnenegosyo sa Pilipinas". ###
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento