16 December 2013
Contact person:
Gie Relova
0915-2862555
Noynoy, “pinutulan ng mga manggagawa”!
Sa gitna ng dose-dosenang problema mula sa kamakailan lamang inaprubahang “makasaysayang pagtaas” ng singil sa kuryente ng Meralco at ang malawakang epekto nito sa mga pangunahing bilihin hanggang sa banta ng pagtataas ng pasahe sa public utility jeeps, LRT at MRT hanggang sa karagdagang kaltasin para sa SSS at PhilHealth contribution ngayong Enero 2014, simbolikong nagbigay ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ng “notice of disconnection” kay Pangulong Noynoy Aquino sa ngalan ng 39 na milyong manggagawang kumakatawan sa buong lakas paggawa ng bansa sa tahanan nito sa Quezon City.
Binatikos ng mga manggagawa ang tila koordinado at tuloy-tuloy na atake ng mga korporasyon sa mga vital industries sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan nito sa administrasyong Aquino laban sa mga manggagawa. Ayon sa kanila ang Malakanyang ang pangunahing responsable sa tatluhang-atake,” Matagal nang naglulunsad ng hindi-deklaradong giyera ang gobyernong Aquino laban sa mga manggagawang Pilipino. Ang mga pag-atakeng ito na naglalaman ng pagtataas ng presyo ng mga batayang pangangailangan, dagdag na kaltas sa dati nang tabas-tabas at kakaramput naming sahod at ang kawalan ng sapat na subsidyo sa panglipunang serbisyo ay mga sistematikong ipinapataw sa amin”,paliwanag ni Rodelito Atienza, Pangulo ng National Capital Region at Rizal Chapter ng BMP.
Nakatakdang magpulong ang bicameral conference committee upang ipinalisa ang pagtatapyas ng subsidyo sa dalawapu’t-anim (26) na state colleges and universities bago maisabatas ang 2014 General Appropriations Act, pito dito ay kasama sa mga winasak ng bagyong Yolanda.
“Hindi na kayang sikmurain pa ng mga manggagawa ang isang pangulo na sadyang pinarurusahan ang mamamayan sa pamamagitan pagpapalala pa ng kalunos-lunos na naming kalagayan. Kahit nga ang mga ekonomista ng pangulo ay aminadong walang signipikanteng pagtataas ng umento sa sahod buhat ng siya ay maluklok noong 2010, mabilis na nauubos ang regular na trabaho habang ang kakulangan ng trabaho ay patuloy na tumataas nitong huling tatlong taon,” ayon kay Atienza.
“Salamat sa garapal na pangangayupapa ni Aquino sa interes ng mga malalaking korporasyon ng mga elitistang iilan, ang masa ang magdurusa sa hagupit ng bigong patakarang deregulasyon sa mga vital industries,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Atienza na, “Nakakadismaya si Aquino ngayong 2013 ngunit mas lalala pa ang peste na naghihintay sa atin sa 2014. Kumbinsido kami na siya talaga ang Chief Executive officer ng buong sugapa-sa-tubo, mapang-aliping sistemang pulitikal at dahil dito ay dapat lang na “putulan” na siya ng tiwala ng manggagawang Pilipino.
Ang mga dagdag na pahirap sa kabuhayan na sinasabing delubyong ipapataw ng administrasyong Aquino ay binubuo ng pagtataas ng presyo ng bilihin resulta ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, LPG at kuryente, pagtaas ng pasahe sa jeep, LRT, MRT, ang dagdag na kaltas sa SSS, PhilHealth at ang ikalawang yugto ng dagdag na buwis sa alak at sigarilyo sa ilalim ng Sin Tax Reform Law.
Marami ang nangangamba na ang presyo ng langis at LPG ay tataas isa o dalawang beses pa bago matapos ang taon dahil kadalasan itong nangyayari sa panahon ng taglamig.
Sinalungat din ng BMP ang pahayag ni Deputy Spokesperson Abigail Valte noong Biyernes na ang ngitngit ng publiko laban sa pagtaas ng presyo ng kuryente ay hindi nakapatungkol kay Aquino. “Paano niya ito maitatanggi, gayung sa mismong bahay ni Noynoy nagaganap ang mga protesta, sumasalamin ito sa galit ng bayan sa kanya at mga polisiya niya? Hindi kataka-takang napuputulan ang pangulo ng tiwala dahil sa pagkakaroon ng mga nananaginip-ng-gising na mga tagapagsalita,” patutsada ni Atienza.
Sa protesta sa Times St., binigyan ng mga manggagawa si Aquino ng isang “disconnection notice”, kahalintulad ng sinasapit ng daang-libong kustomer ng Meralco sa tuwing hindi makabayad ng napakamahal na kuryente.
Kasama sa litanya ng mga manggagawa ang kabiguan ng administrasyon na pigilan ang malawakang pagtataas ng mga presyo, pagtalikod sa tungkuling ipatupad ang mga probisyong Living wage at Security of tenure ng Konstitusyon, patuloy na pagpapatupad ng deregulasyon, pagabandona sa panglipunang serbisyo kapalit ng praybitisasyon, palpak na pamamahala sa relief at rehabilitation sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda, ang kapit-tukong pagdepensa sa pork barrel system at ang pamamayagpag ng trapong politika.
Idineklara ni Atienza sa ginanap na protesta na, “Lahat ng isyung hindi tinugunan at mga lantarang paglabag ay sapat upang putulin ang tiwala at simpatya namin sa isang elitista at walang-silbing laki-sa-layaw na Presidente”.
Iminungkahi ng BMP na magpatupad ng kagyat na pang-ekonomikong remedyo upang maibsan ang epekto ng parating na delubyo sa mamamayan gaya ng pagbasura sa VAT sa langis at kuryente, paggamit ng pondo ng Malampaya, moratorium sa pagbabayad ng utang at ituon na lamang sa edukasyon, kalusugan at pabahay at ang pagpapaliban ng dagdag singil ng SSS at PhilHealth.
“Lahat ng ito ay mga pang-tapal na solusyon lamang, ang pagbasura sa EPIRA Law at Oil Deregulation Law, pagsasabatas ng Living wage at ang pagbasura sa kontraktuwalisasyon bilang mga mayor na pagbabago sa polisiya ang tunay na magbibigay ng pang-ekonomikong hustisya” paglilinaw nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento