Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Martes, Abril 29, 2014

Presscon ng Sanlakas at BMP, re: Pagbisita ni Obama


Abril 29, 2014 - Naglunsad ng press conference ang grupong Sanlakas at Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) kanina sa Chicken Bacolod restaurant sa Quezon Memorial Circle upang ipahayag ang kanilang paninindigan hinggil sa pagbisita ni Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos.

Ang mga naging tagapagsalita ay sina Atty. Aaron Pedrosa, secretary general ng Sanlakas; Rasti Delizo, political affairs officer ng Sanlakas; Ka Leody de Guzman, pangulo ng BMP; at Tita Flor Santos ng Sanlakas at Metro Manila Vendors Alliance (MMVA).

Kalakip nito ang pahayag ng BMP:

PRESS STATEMENT
April 29, 2014

Depensahan ang Uri!
Proteksyunan ang Bayan!

Ang eksaherado't maluhong pagtanggap ng gobyerno ng Pilipinas kay Presidente Barack Obama ng Estados Unidos ay insulto sa milyon-milyong gutom na Pilipino.

Nakakainsultong Piging

Maging sa ating kaugalian, walang masamang paghainan ng masarap ang mga sumasadya sa ating tahanan. Lalo kung malayo pa ang kanyang pinanggalingan at kung ang mga dumayong panauhin ay itinuturing nating matalik na kaibigan. Ngunit - kung ginagawa ito - habang nagugutom ang iyong pamilya, ito ay hindi na "Filipino hospitality" kundi simpleng kayabangan.

Sa mamamayang mayorya ay mahihirap, kalabisang mapanood pa nila sa telebisyon ang pagpapakabusog at pag-aaliw ng mga opisyal ng burukrasya sa ginanap na "state dinner". Habang natutulong ng mahimbing ang mga dumalo sa magarbong "state dinner", ang masang Pilipino ay hindi pinapatulog ng kumakalam nilang mga sikmura! Malamang nga'y mababangungot pa sila habang naalala ang pekeng ngiti at magagarang damit ng mga pulitikong nagpapasasa sa kaban ng bayan!

Ngunit maari namang sabihin ng Malakanyang na naturang piging ay minsanang pagkakataong nararapat igawad sa isang tapat na "alyado" at "partner" ng mga Pilipino - tulad ng talumpati ni Noynoy na tila "nagmamakaawa" pa nang ilitanya ang kawalan natin ng mga eroplanong pandigma. Hindi lang masabi ng derechuhan, pero pinapaypayan ni Noynoy ang nagbabagang sentimyento ng publiko sa pambubrusko ng Tsina na humahantong sa desperasyong makakuha ng tulong mula sa isang makapangyarihang bansa.

Aral ng Kasaysayan

Nais nating ipaalala sa taumbayan ang mga aral ng kasaysayan. Kailanman, ang Estados Unidos ay hindi manunubos ng mamamayang Pilipino. Hindi minsan na nilang ginamit ang mga enggrandeng salita gaya ng "freedom" at "democracy" para bigyang-katuwiran ang kanilang kolonyalistang ekspansyon.

Sa ngalan ng "kalayaan" sa mga Kastila, ang Pilipinas ay binili at naging buong-buong pag-aari ng mga kolonyalistang Amerikano (Treaty of Paris 1898). Matapos ang World War 2, naniwala ang mga Pilipino na "pinalaya" tayo ng Estados Unidos mula sa pananakop ng pwersang Hapon. Dahil dito, sa isang plebisito, binigyang-karapatan ("1947 parity rights") ang mga Amerikano na magmay-ari sa likas-yaman ng bansa. Sa kabila ng pagmamalaking ito ang balwarte ng demokrasya sa buong mundo, ang Estado Unidos ang padrino ng pasistang diktadurang Marcos (1972), isang papet na rehimeng nagtatanggol sa interes ng mga transnasyunal na korporasyon ng Amerika sa loob ng ating bansa.

Walang binago ang pagbisita ni Obama sa ugnayan ng mga gobyerno ng Estados Unidos at Pilipinas. Nananatili itong relasyon ng emperyo sa sakop na teritoryo. Gaya ng mga emperyong Ehipto't Romano sa mga Hudyo sa yugto ng lipunang alipin, pero nasa modernong mga anyo: sa ugnayan ng imperyalistang bansa sa atrasadong mga ekonomya, ng nagmamay-ari sa pandaigdigang monopolyo sa mga manggagawa't mamamayan ng buong mundo - na ang kaibuturan - ay ang mapagsamantalang relasyon ng kapital at paggawa.

"Rekolonyalisasyon": Ang Nakatagong Motibo ng Pagbisita ni Obama

Ang hayag na dahilan ng pagbisita ni Obama ay makikita sa dalawang kasunduan: ang Trans-Pacific Partnership Agreement (TPPA) at ang “Enhanced Defense Cooperation Agreement” (EDCA).

Ang kasuduang TPPA, sa pagitan ng Estados Unidos at labing-isang (11) bansa sa rehiyong Pasipiko, ay direktang nagsusulong sa pang-ekonomikong interes ng mga Amerikanong korporasyon. Layon nitong palawigin ang mga medicine patents, palakasin ang intellectual property rights ng kanilang mga korporasyon, baklasin ang mga patakaran nagbibigay proteksyon sa mga pambansang ekonomya, pagpapahintulot sa korporasyon na kasuhan ang mga gobyerno sa rehiyon at labagin ang mga batas ukol sa kalikasan at sa paggawa.

Sa bilateral na kasuduang EDCA, kahit ibinasura ng Senado ang "bases treaty" noong 1991, patagong manunumbalik ang mga base- militar ng Estados Unidos sa bansa sa pagpapahalintulot na magtayo sila ng sarili't ekslusibong mga pasilidad sa mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Alinsunod ito sa kanilang pangkalahatang plano ng "rebalancing" (dating tinawag na "pivot") sa Asya upang mapalibutan ng hukbo ng Estados Unidos ang kanilang mga potensyal na kakumpetensya, gaya ng Tsina. Anim sa bawat sampung barkong pandigma ang plano nilang ilipat sa Asya, kasama ang pagdedeploy ng mga "rotational troops" sa naturang rehiyon at ang pagtatayo ng bagong base sa Japan, South Korea at Guam. Ang tropang Amerikano sa loob ng Australia ay nasa 1,150 ngayong taon at tataas nang 2,500 sa 2016.

Kiskisin ang mga pabalat-bunga ng mga tratadong TPPA at EDCA at makikita ang nakatagong motibo sa pag-iikot ni Obama sa rehiyong Pasipiko: ang "rekolonyalisasyon" ng mga ekonomya ng iba't ibang bansa!

Depensahan ang Uri, Proteksyunan ang Bayan

Ibinabandera ng TPPA ang panawagang "free market". Lipas na daw ang patakaran ng "proteksyonismo". Alisin daw ang mga nalalabing mga restriksyong ibinabakod ng mga bansa sa pagpasok at paglabas ng kapital at kalakal. Palitan ang mga batas na naglalayong proteksyunan ang pambansang interes. Tanggalin ang mga batas na nagkokontrol sa dayuhang pamumuhunan at kalakalan. Sa ganitong layunin, isinusulong ng ilang pulitiko (gaya ni Speaker Belmonte) ang Charter Change.

Ang "free market" sa panahon ng mga monopolyo ay "malayang pandarambong" ng dayuhang kapital sa ekonomya ng Pilipinas. Dito masusubukan ang patriyotismo ng iba't ibang uri at sektor ng lipunang Pilipino. Ang BMP ay handang makipagkabit-bisig sa mga pwersang magtatanggol sa ating bayan laban sa panananalakay ng dayuhang kalakal at kapital.

Maaring bigkisin ang komon na interes ang uring manggagawa at makabayang mga negosyante para sa proteksyon ng pambansang ekonomya't soberanya ng bansa. Gayundin, may oportunidad ding mabigkis ang interes ng mga mamamayan sa rehiyong ASEAN laban sa dayuhang monopolyo-kapital, na kinaluna'y maaring tumulad sa Community of Latin American and Caribbean States (CELAC).

Subalit, habang hindi magdadalawang-isip ang BMP na suportahan ang anumang "kilusang bayan", bibigyan namin ng prayoridad ang pagsusulong sa independyenteng "makauring kilusan" ng manggagawa.

Sapagkat matagal nang dinedelubyo ang mga karapatan at ang kagalingan ng manggagawang Pilipino, bunga ng Neoliberal na mga patakarang pang-ekonomya (na tulad ng TPPA ay nagtataguyod ng "malayang kalakalan"). At dahil din may buobuong mga sektor na magiging kakampi ng manggagawa sa "linyang makabayan", ngunit - sa pagsusulong ng interes ng aming uri - wala kaming maaasahan kundi ang aming mga sarili.

Upang depensahan ang uring manggagawa, dapat baguhin ang Labor Code alinsunod sa rekognisyon sa paggawa ng 1987 Constitution bilang "primary socio economic force" at sa pagbibigay ng "full proteksyon to labor". Ilan sa mga amyendang ipinapanukala ng BMP ay ang pagsasabatas ng living wage, pagbabawal sa kontraktwalisasyon ng "usually necessary and desirable" work, pagluluwag sa mga rekisito't proseso sa pag-uunyon, pagkukulong sa abusadong kapitalista, 36-hour workweek na may 50% OT premium at paglilimita ng obertaym sa apat na oras, atbp.

Sa pagmamartsa ng libo-libong nakapulang manggagawa ngayong Mayo Uno, hangad ng BMP na tumatak sa malapad na kilusang unyon ang "Labor Legislative Agenda". At mula sa susunod na State of the Nation (SONA 2014) hanggang 2016, ilalaban namin - sa Kongreso at lansangan - ang adyendang ito bilang mga detalyado at kongkretong mga panukalang batas.#




Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996