Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Lunes, Mayo 1, 2017

Oryentasyon ng BMP

Ano ang BMP?

Ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ay isang pulitikal na organisasyon ng manggagawa na nag-aadhikang mapaunlad ang kalagayan ng lahat ng manggagawa at iba pang napagsasamantalahang uri at pangkat, upang kamtin ang kalayaan ng lahat, at upang tiyaking mabubuhay ang lahat sa buhay na may dignidad at mapaunlad ang kanilang ganap na kaakuhan.

Naniniwala kaming marami pa ring manggagawa ang nananatiling naghihikahos o kaya'y laging walang katiyakan ang buhay - na pinagkakaitan ng anumang kakayahang alagaan ang kanilang mga sarili at kanilang mga mahal sa buhay, upang mapaunlad ang kanilang talino at kakayahan, upang kamtin ang kanilang mga pangarap, at upang maging ganap na malaya - sa kabila ng kanilang pagsisikap at mga sakripisyo dahil sa tipo ng sistemang pang-ekonomya at pampulitikang kinasadlakan nila: isang sistemang tinatawag na kapitalismo.

Sa ganitong sistema, ang mga kagamitan sa produksyon - lupain, pabrika, makina, at iba pa - ay pribadong pagmamay-ari ng iilang pangkat ng indibidwal, ang mga kapitalista. Ang sistemang ito ng pribadong pagmamay-ari ang nagbibigay-daan sa mga kapitalista upang pagsamantalahan at alipinin ang mga manggagawa - yaong mga, dahil sa di nila inaari at mga walang kakayahang mag-ari ng mga kagamitan sa produksyong ito, ay walang pagpipilian kundi maging manggagawa kung ayaw nilang mamatay sa gutom. Sa madaling salita, binibigyang daan nito ang mga kapitalista upang epektibong alipinin ang mga manggagawa sa ilalim ng sistema ng sahurang pang-aalipin. At natutulak rin nito ang mga kapitalista upang magpaligsahan at palaguin ang tubo sa pamamagitan ng pagbabarat sa sahod, pagpapalaki ng oras ng paggawa, at pagpapatindi ng paggamit ng likas-yaman.

Kasabay nito, pangunahing nakatuon ito sa pagkamal ng laksa-laksang tubo, maaaring panatilihin o mapalakas ang umiiral na mga ugnayan ng paghahari - tulad ng patriyarka, kapootang panlahi, o seksismo - upang patindihin pa ang kanilang pagsasamantala sa kababaihan, mga dayuhan, LGBTQ, o iba pang pangkat sagigilid o may dungis sa karangalan.

Kaya kami'y naniniwalang habang ipinagtatanggol ng manggagawa ang kanilang interes sa pamamagitan ng pakikibaka laban sa tangka ng kapitalistang pababain ang sahod at sagpangin ang mas malaking bahagi ng yamang kanilang nilikha, mapapabuti lamang nila at ng iba pang aping uri o pangkat ang kanilang mga buhay, makamit ang kalayaan, mabuhay ng may dignidad at mapaunlad ang kanilang ganap na kaakuhan sa pamamagitan ng pagpapalit sa kapitalismo, o itong sistema ng sahurang pang-aalipin, ng isa pang sistema: ang sosyalismo.

Sa ilalim ng sistemang ito, dapat na kolektibo at demokratikong inaari at kontrolado ng mga tao ang mga kasangkapan sa produksyon. Walang sinuman ang pinahihintulutang magsamantala at alipinin ang kanyang kapwa sapagkat, kung ang lahat ay may kakayahang pangasiwaan ang mga kasangkapan sa produksyon, walang dahilan upang matulak na magpaalipin ang isang tao sa iba upang mabuhay lamang. Dapat na ang produksyon ay nakabatay sa kooperasyon o pagtutulungan ng bawat isa - sa pagpaplano at pinag-isipang demokrasya - imbes na sa anarkikong kumpetisyon. Ang ating mithiin ay hindi na para magkamal ng limpak-limpak na tubo kundi ang pangalagaan ang bawat isa at ang inang kalikasan. Ang bawat isa'y dapat magkaroon ng mga mapagkukunang kailangan nila upang matugunan ang kanilang pangangailangan. Dapat manatiling nasa wasto ang oras ng trabaho upang magkaroon ng mas maraming oras ang tao upang paunlarin ang kanilang mga talento at maging taong maraming kakayahan. Dapat na mas maging makatuwiran ang paggamit ng likas-yaman upang matiyak na ito'y napangangalagaan.

Kasabay nito, ang pagkamal ng limpak-limpak na tubo ang hindi na pangunahing layunin ng anumang pangkat, dapat na mas kaunti o hindi na kailangan pang pagsamantalahan ang mga kababaihan, dayuhan, LGBTQ at iba pang pangkat sagigilid. Ang mga kalagayang nagpapatatag ng patriyarka, kapootang panlahi, o seksismo ay dapat na mabawasan kung hindi mawala man mawala nang tuluyan.

Ang ganitong sistema'y hindi kailanman maluwag sa kaloobang binuo ng lahat ng mga nakikinabang mula sa kasalukuyang sistema at yaong naghahari at ginagamit ang estado upang ipagtanggol o ipagpatuloy ang sistemang ito. Ito’y mabubuo lamang sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos ng lahat ng may interes upang mabago at mapalitan ang sistemang ito at wala nang pagpipilian, kung nais nilang palayain ang kanilang sarili, kundi ang agawin ang pampulitikang kapangyarihan at mawakasan ang kapitalistang paghahari.

Ito ang dahilan kung bakit tayo nagkakasama-sama upang itatag ang BMP: upang paunlarin ang makauring kamalayan ng manggagawa at pagbutihin ang kanilang samahang nagsasarili upang mapalakas pa nila ang kanilang kakayahang baguhin ang sistema at maitatag ang isang bagong lipunan, isang bagong kabihasnan kung saan sila – at ang iba pa – ay tunay  na malaya at tunay na makatao.

Ano ang kaibahan ng BMP sa iba pang mga unyon at pederasyon? Paano ba natin patatatagin ang mga unyon / pederasyon at ang BMP?

Naniniwala ang mga kasapi ng BMP na kaya at dapat ipagtanggol ng mga manggagawa ang kanilang mga interes sa loob ng kasalukuyang sistema ng sahurang pang-aalipin sa pamamagitan ng pakikibaka laban sa mga pagtatangka ng mga kapitalistang lalong baratin ang kanilang mga sahod, pagkaitan ng mas magandang benepisyo, o pagkaitan sila g kasiguruhan sa trabaho sa kanilang pabrika, industriya o sector. At upang mas maging epektibo sa paglulunsad ng ganitong pakikibaka, dapat labanan ng manggagawa ang palagiang pagtatangka ng mga kapitalista na paghiwa-hiwalayin sila sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng kanilang mga sarili sa unyon o pederasyong ng paggawa.

Ito ang dahilan kung bakit nakatuon kami sa pagpapatatag ng mga unyon at pederasyon: napakahalagang kasangkapan nito upang maipagsanggalan ng mga manggagawa ang kanilang mga kalamangan at pagbutihin pa ang kanilang kalagayan sa pamumuhay sa loob ng kapitalistang lipunan.

Subalit maaari – at napipilitan – ang mga manggagawa na ipagtanggol ang kanilang mga interes sa labas ng kanilang pagawaan, industriya o sector. Dapat nilang labanan ang mga pagtatangka ng mga kapitalista na ipasa ang gastusin sa tumaas na sahod o tanganan ang malaking bahagi ng yamang kanilang nalikha sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang presyo, sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang buwis at iba pang pananagutan (at kung gayon ay ang kanilang ambag sa pagbabayad para sa panlipunang serbisyo), o sa pamamagitan ng paggigiit ng iba pang batas na laban sa manggagawa at iba pang polisiyang nagpapahirap sa manggagawa upang mag-organisa at ipaglaban ang kanilang interes sa loob at labas ng kanilang kumpanya, industriya o saray.

At ang mga manggagawa’y kaya at dapat ding maipagtanggol ang kanilang interes at makibaka upang mapaganda ang kanilang pamumuhay hindi lamang makibaka para sa mas mataas na sahod, mas magandang benepisyo o may katiyakan sa trabaho - o sa tangkang tiyakin ang mas mabuting kabayaran sa kanilang sahurang pagkaalipin - sa loob at labas ng kanilang kumpanya o industriya. Kaya nila at dapat nilang ipagtanggol ang kanilang interes at pakikibaka upang paunlarin ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pakikibaka upang wakasan ang sistemang ito ng sahurang pang-aalipin at paglikha ng bago at naiibang lipunan - isang lipunang hindi na sila alipin - maging sila ma’y alipin mas mataas na kabayaran.

Kung di man nila gawin ito - o kung di nila tutugunan ang mga sistematikong dahilan ng kanilang problema upang labanan ang kapitalismo at magtayo ng bagong sistema, Maaari lamang mapabuti ang kanilang sariling mga partikular na kalagayan sa pamumuhay - ang kanilang mga indibidwal na interes o interes ng kanilang  unyon - nang may limitasyon. Ang mabuti, maaari silang maging mas mahusay na bayad na alipin na may maluwag na tanikala. Ang masama, dahil ang mismong kapangyarihan ng mga kapitalista ay nakasalalay sa patuloy nitong pagkontrol o pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon at ang kanilang kakayahang sagupain ang "mga malawakang welga," sila ay nakatali sa patuloy na paglulunsad ng mga depensibong pakikibaka upang hindi mawala ang kanilang napagtagumpayan. Sa madaling salita, maaari silang maging mas mahusay na bayad na alipin na nanganganib lalong higpitan ang tanikala. Tanging sa pagtugon sa ugat ng problema, o tanging sa pagdurog sa kapangyarihan ng burgesya sa pamamagitan ng pagpawi sa pribadong pagmamay-ari, na sila’y magiging ganap na malaya.

Upang mas maging epektibo ang mga manggagawa sa paglunsad ng mga pakikibakang ito - mga pakikibakang lagpas sa mga dingding ng kanilang sariling kumpanya o industriya, hindi sapat ang mga unyon at mga pederasyon. Kailangan din ng mga manggagawang buuin at palakasin ang kanilang sariling malinaw na pampulitikang organisasyon. Habang tumututok ang mga unyon at pederasyon sa pag-oorganisa ng mga manggagawa sa loob ng mga kumpanya, industriya, o saray upang mapagbuti ang kanilang kakayahang makibaka laban sa kanilang sariling mga kapitalista para sa mas mataas na sahod, mas mabuting benepisyo, dapat tumuon ang organisasyong pampulitikang ito sa pag-oorganisa ng mga manggagawa sa mga kumpanya, industriya at saray, o sa mas malawak na lipunan, sa pakikibaka laban sa buong uring kapitalista hindi lamang para sa mas mahusay na pagbabayad sa mga sahurang-alipin, kundi upang wakasan na ang sahurang-pang-aalipin ng mas mahusay na sistema kung saan ang mga manggagawa, at iba pang mga aping uri at pangkat, ay hindi na mamumuhay bilang mga alipin.

Kung gayon ay dapat sumali at palakasin ng mga manggagawa ang mga unyon / pederasyon at pampulitikang organisasyon tulad ng BMP. Kinakailangan ang mga iyon upang ipaglaban ang kanilang interes at mapaunlad ang kanilang mga buhay. Nakasalalay iyon sa bawat isa upang makamit ang kanilang layunin.

Kung sasali lamang ang mga manggagawa at magpapalakas ng mga unyon / federasyon subalit tumangging sumali at palakasin ang mga organisasyong pampulitika tulad ng BMP, malamang na ang anumang natamo o nakamit na tagumpay sa loob ng kanilang kumpanya o industriya ay babawiin lamang o aagawin sa kanila sa labas ng kanilang kumpanya at industriya sapagkat gagamitin ng mga kapitalista ang kanilang kapangyarihang pampulitika upang ipasa ang mga gastos ng mas mataas na sahod pabalik sa mga manggagawa sa anyo ng mas mataas na presyo o pinababang mga serbisyong panlipunan o upang ipasa ang mga batas laban sa unyon o mga hakbang na maaaring maging mas mahirap para sa mga unyon na organisahin. At kahit kamtin nila ang mga tagumpay sa  anyo ng mas mataas na sahod o mas mabuting benepisyo, mananatili silang walang kalayaan at hindi mapauunlad ang kanilang kakayahan bilang tao dahil patuloy pa silang magtrabaho at itinatalaga ang malaking bahagi ng kanilang buhay sa pagyaman ng mga kapitalista.

Gayunpaman, kasabay nito, ang kabaligtaran ay hindi rin gagana: Kung ang mga manggagawa ay sumasali at nagpapalakas ng mga pampulitikang organisasyon tulad ng BMP at tumangging sumali at magpalakas ng mga unyon / federasyon, maaaring hindi nila maipanaloa ng mas mataas na sahod at mas magandang benepisyo sa kanilang sarili kumpanya, industriya o saray. Malamang na hindi nila maisulong ang kanilang kakayahang lumaban lalo na sa mas malaking panalo o mapaunlad ang kanilang kakayahang magtatag at matanganan ang kapangyarihang pampulitika upang pawiin ang sahurang pang-aalipin at lumikha ng isang bagong lipunan. Sakali mang mangyari ito, hindi lamang sila mananatiling nakatanikala, mas lalong hihigpit ang kanilang tanikala at mas hindi kakayanin - isang kalagayang hindi makatutulong sa kanilang pakikibaka upang kamtin ang kalayaan. Sa madaling salita: hindi lamang sila mananatiling alipin, kundi aliping hindi pinasasahuran ng tama, napipigilan hindi lamang sa pagluwag kundi pati na rin sa pagwasak ng kanilang mga tanikala sa kabuuan.

Paano nagkakaiba ang BMP sa iba pang mga pulitikal na kapisanan ng mga manggagawa?

Tinatanggap, sinusuportahan, at pinaninindigan ng BMP ang pakikipagkaisa sa iba pang pampulitikang organisasyon ng manggagawa, ngunit iginigiit din nito ang kanyang awtonomya mula sa at higit pa sa mga ito dahil may iba itong layunin at ibang estratehiya upang kamtin ang layuning iyon.

Tulad ng iba pang pampulitikang organisasyon ng manggagawa, tulad ng Federation of Free Workers (FFW), the Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Kilusang Mayo Uno (KMU), o SENTRO, ipinaglalaban ng BMP ang mas mataas na sahod, mas magandang benepisyo, o mas mapabuti ang kalagayan sa trabaho ng mga manggagawa.

Subalit kaiba sa mga organisasyon tulad ng FFW at TUCP, hindi lamang nilalayon ng BMP ang katiyakan sa mas maayos na pasahod o mas mabuting kalagayan sa paggawa – ang mas malaking layunin nito ay ang palayain ang mga manggagawa at iba pang aping uri at pangkat mula sa kuko ng sahurang pang-aalipin at kapitalistang pagsasamantala. Naniniwala ang BMP na ang interes ng mga manggagawa ay hindi mapaliliit ng paglaki ng sahod o mas masaganang benepisyo; ang mas malawak nilang interes ay ang pagkakamit ng totoong kalayaan at ganap na pag-unlad ng tao. Hindi maisusulong ang interes na ito sa pagpapakinis lamang ng tanikala ng kapitalismo, kundi sa pagputol sa gintong tanikala ng kapitalismo, na siyang magwawakas sa paghahari ng mga kapitalista. Higit na tulad ng mga organisasyong pampulitika tulad ng KMU o SENTRO, nilalayon ng BMP na ang kapitalismo'y mapalitan ng sosyalismo.

Hindi tulad ng ibang organisasyong ito na nagsasabing nangangarap din ng sosyalismo, hindi kami naniniwalang ang landas patungong sosyalismo ay tutungo sa “panlipunang demokrasya”, tulad ng tinatanganan ng mga kasapi ng SENTRO, o sa pamamagitan ng “pambansang demokrasya”, na sinasabi naman ng mga kasapi ng KMU.

Kabaligtaran sa mga kasapi ng SENTRO, hindi kami naniniwalang ang pagreporma sa kapitalismo ay dahilan ng pagtitipun-tipon at magbubuo patungong sosyalismo, kaya ang mga manggagawa ay makikipagtulungan lamang sa mga kapitalista’t elitistang nag-iisip ng reporma at makapasok o palitan ang kapitalistang estado upang maitulak ang mga reporma at malikha ang isang tipo ng estadong ang kapakanan ay sosyal-demokratiko tulad ng nasa Kanlurang Europa.

Bagamat tinatanggap at sinusuportahan natin ang mga reporma sa loob ng balangkas ng kapitalismo, tinatanggihan natin ang pananaw na ang mga nasabing reporma'y tiyak na hahantong sa sosyalismo. Maliban kung ang mga repormang ito ay nagpapahina sa kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika ng burgesya at maliban kung gagamitin natin ito upang mapalawak ang mga litaw na antagonismo laban sa burgesya, hahantong lamang sila sa higit pang pagsasama ng paghahari ng burgesya at mas patindihin ang pagkakahati at kumpetisyon ng mga manggagawa, sa gayon ay higit na magpatuloy sa halip na mawakasan ang pagsasamantala sa mga manggagawa at kalikasan.

Tulad ng mga kasapi ng KMU, naniniwala kaming makakamit lamang ang sosyalismo hindi sa pamamagitang ng kampanyang repormista sa loob ng pampulitikang sistemang pinangingibabawan ng burgesya, kundi sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pagpapakilos laban sa gayong sistema – sa pamamagitan ng pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan, paglansag sa kapitalistang estado at pagbubuo ng isang sadyang naiiba, dahil sosyalistang, estado.

Gayunman, kabaligtaran sa KMU, hindi kami naniniwala na ang lipunang Pilipino ay semipyudal at semikolonyal pa rin at samakatuwid, na ang layunin ng rebolusyonaryong pagpapakilos ay dapat na unang dumaan sa yugto ng kapitalismo - na makipagtulungan muna sa mga tinatawag na “pambansang burgesya” laban sa “mga bansang imperyalista”, at matatag ang isang tipo ng “pambansang kapitalismo” bago tumungo sa pagtatatag ng sosyalismo. Kasunod nito, hindi rin kami naniniwalang ang mga magsasaka ang bumubuo sa mga rebolusyonaryong pwersa ngayon.

Naniniwala tayo, kahit nananatili ang mga labi ng pyudal na ugnayan, ang lipunang Pilipino sa katunayan ay paurong subalit nananatiling lipunang kapitalista, na pasok na pasok sa salikop ng pandaigdigang kapitalismo. Layunin ng rebolusyonaryong pagpapakilos ay hindi na ang pagtatag ng mga kondisyon para sa kapitalismo kundi upang tumungo na sa sosyalismo sa antas pambansa at pandaigdigan. At habang pinapakilos din natin ang mga magsasaka sa pagtataguyod ng kanilang mga kahilingan, ang ating maaasahan bilang pwersang rebolusyonaryo ay ang mga manggagawa - ang tanging uring magpapaluhod sa mga kapitalista at magdadala sa hapag ng negosasyon sa pamamagitan ng pagtangan sa kanilang kolektibong lakas-paggawa.

Habang nilalabanan din natin ang imperyalismo at sinusuportahan ang mga pagkilos upang putulin ang kakayahan ng puhunan na pagsamantalahan ang manggagawang Pilipino, naniniwala kaming ang lahat ng kapitaista – makabayan man o dayuhan – ay dapat labanan. Kasama sa ating mga kaaway ang mga burgesya ng lahat ng lupain, pangunahin sa kanila yaong mula sa mga dominanteng estado ng mga abanteng kapitalista na ginagamit ang kanilang kapangyarihan upang mangibabaw at pagsamantalahan ang ibang bansa – hindi ang proletaryado at iba pang aping uri ng ibang bansa – kundi pati na burgesya sa Pilipinas. Ang pagkampi sa “ating’ tinatawag na “pambansang burgesya” sa ngalan ng “pambansang demokrasya” ay inilalaban lamang tayo laban sa ating kapwa manggagawa sa ibayong dagat. Hahantong ito sa higit pang pagsasamantala sa manggagawa at sa kapaligiran, tungo sa pagpapalakas at pagpapatatag ng paghahari ng burgesya, at sa paghihiwa-hiwalay ng kilusan ng uring manggagawa rito at sa ibayong dagat, kaya inilalayo tayo sa halip na paglapit-lapitin patungong sosyalismo.

Para sa mga kasapi ng BMP, ang mga manggagawa sa Pilipinas ay dapat makipagkaisa sa mga manggagawa ng lahat ng bansa upang makubkob ang pulitikal na kapangyarihan, masakop ang mga estado, at agarang maitatag hindi ang "pambansang kapitalismo" kundi sosyalismo sa pambansa at pandaigdigang antas.

Ano ang mga nakamit ng BMP?

Simula nang maitatag ito noong 1993, pinangunahan ng BMP ang mga kampanya at mobilisasyon na kahit papaano'y nakapagpapigil upang di tuluyang malugmok ang buhay ng mga manggagawa.

Noong 1993, halimbawa, pinangunahan ng BMP ang pagbubuo ng Labor Alliance for Wage Increase (LAWIN 35), isang malawak na alyansa ng mga kapisanan ng paggawa na masiglang nangampanya para sa P35.00 pantay-pantay na pagtaas ng pinakamababang pasahod. Bumigay ang pamahalaan at nagbigay sa manggagawa ng P25.00 taas sa pasahod. Nang sumunod na taon, pinangunahan ng BMP ang pagbubuo ng multisarayal na Kilusang Roll Back o KRB na matagumpay na nangampanya upang mapababa ang presyo ng langis. Kaya napilitan si Pangulong Ramos na ibaba ang presyo ng mga produktong langis sa katampatang P1.00 kada litro.

Noong 1995, nadawit ang BMP sa pagmobilisa ng higit sa 80,000 katao sa martsa-protesta laban sa panukalang ipatupad ng sistemang pinalawak na value-added tax (E-VAT). Noong 2001, inorganisa nito ang mga manggagawa upang maging bahagi ng kilusang nananawagan ng pagpapatalsik sa noo'y Pangulong Estrada sa ilalim ng panawagang "Resign All!" Nang sumunod na mga taon, pinasimulan nito ang pagbubuo ng mga partido pulitikal na nagpatakbo at matagumpay na nangampanya para sa mga kandidato mula sa uring manggagawa sa mga pambansang halalan.

Magmula noon, nagsasagawa ang BMP ng di-mabilang na kampanya laban sa deregulasyon ng langis, mga diketiba laban sa welga, kontraktwalisasyon, pagmimina at iba pang patakarang nakasisira sa kalikasan, at iba pang patakarang laban sa manggagawa at mamamayan. Sinusuportahan din nila ang samutsaring pakikibakang lokal ng mga unyon na nakikibaka para sa mga karapatan ng manggagawa – kabilang na ang mga mapangahas na direktang pagkilos tulad ng pagsakop at pag-okupa ng mga opisina ng Kalihim ng Paggawa.

Ngunit di lahat ng mga kampanya at pagsisikap na ito ay nakapigil sa pagpapatupad ng mga polisiyang laban sa mga manggagawa. Subalit ang mga ito’y nakapag-ambag pa rin sa pagpapalakas ng kilusang manggagawa sa pagkakapitbisig ng mga manggagawa upang makibakang pulitikal – na di lamang pang-ekonomya – sa labas ng kanilang mga pagawaan, sa pamamagitan ng pagpapatampok sa mas malalim na sistemikong ugat ng mga suliraning kinakaharap ng manggagawa, at sa pagpapakita ng pangangailangan ng sistemikong alternatiba.

Ano ang mga kinakaharap na hamon ng BMP sa kasalukuyan?

Sa kabila ng mga tagumpay ng BMP sa pagtatatag ng radikal na kilusan ng uring manggagawa at paglalaan ng alternatiba, laban-sa-sistema at internasyunalistang diwa, nahaharap sa mabibigat na balakid ang BMP at ang mas malawak na kilusang manggagawa sa pagkakamit ng ating mga layunin sa kasalukuyan.

Salamat sa tumitinding kumpetisyong global sa pagitan ng mga kapitalista bilang resulta ng paikid na pagbulusok ng pandaigdigang ekonomya mula pa noong 1970, at ang mabalasik na pagsisikap ng Pilipinas at ng iba pang pamahalaan upang itaguyod ang "malayang kalakalan" at iba pang polisiyang neoliberal at laban-sa-manggagawa bilang tugon sa ganitong kawalang-pagsulong, maraming pabrikang isinara at inilipat sa mga bansang may "mas murang" lakas-paggawa at mas maka-negosyong polisiya, kaya maraming mga manggagawa sa Pilipinas ay naiwang walang trabaho o napilitang maghanap ng iba pang trabahong hindi-unyonisado dito sa bansa o sa ibayong dagat.

At dahil sa walang humpay na pagsisikap ng pamahalaan upang makaakit ng mga mamumuhunan sa pagtataguyod ng "kontraktwalisasyon" at sa pag-atake sa kakaunti na nga lang na proteksyon sa manggagawa na kanilang ipinagtagumpay sa tunggalian, marami sa libu-libong manggagawang pumasok sa trabaho ng mga nakaraang taon ay hindi nakasapi o nakapagtayo ng unyon dahil sila ay mga "kontaktwal" o dahil ang kanilang employer ay nakatagpo ng bagong pamamaraang ligal na makapagdudurog sa unyon at pipigil sa mga manggagawa upang maging organisado.

Ang resulta ay ang matalurok na pagbaba ng mababa nang bilang ng mga manggagawang organisado sa bansa. Kung noong 1996, halimbawa, 3,646,000 lamang ng 12,649,000 na sahurang manggagawa ang unyonisado at 542,223 lang ang sakop ng collective bargaining agreement (CBA), noong 2014, 1,874,000 lamang ng 22,555,000 sahurang manggagawa ay unyonisado at 257,406 lamang ang may CBA. Sa madaling salita, dumoble ang bilang ng sahurang manggagawa ngunit ang bilang naman ng manggagawang unyonisado ay nangalahati!

Ito’y maaaring maging kapahamakan para sa kilusan ng uring manggagawa. Kung hindi kabilang sa mga unyon, mas magiging lantad sa pagsasamantala ang mga manggagawa sa mga tangka ng kapitalista upang mapababa ang tunay na sahod, na di na maibalik sa dati, o makibaka laban sa mga batas na mas marahas sa manggagawa na patuloy na inuudyok ng pamahalaan. Kung hindi kabilang sa mga unyon, mas mahirap mapuntahan at maorganisa ang mga manggagawa sa mas malalaking pakikibakang pulitikal tulad ng bantang diktadura na inilalatag ng kasalukuyang administrasyon.

Dagdag pa, ito’y maaaring maging mapanirang siklo na maaaring lalong magpahina sa kilusan ng uring manggagawa: Kung paunti nang paunting manggagawa ang sumasapi sa unyon, maaaring paunti na rin ang mga rekursong kinakailangan sa pag-oorganisa ng manggagawa o sa pagtatalaga ng mga organisador sa mga pabrika upang tulungan ang mga palabang manggagawa upang magbuo ng mga unyon, sa gayon ay mas humirap pa ang pagbubuo ng mga unyon.

Ang resulta ay maaaring ang patuloy na pagkawasak ng mga organisadong kilusan ng uring manggagawa - na di magawang mamobilisa ang malaking bilang ng manggagawang lumalaban para sa mas mabutng pasahod para sa mga sahurang-alipin, hayaan nang magwakas ang sistema ng sahurang pang-aalipin na nagpapababa sa pagkatao ng manggagawa.

Subalit maaari din itong magbukas ng mga oportunidad: Ang mga manggagawang patuloy na nahaharap sa banta sa kanilang kalagayang mabuhay habang inaagaw ng mga kapitalista ang kanilang mga nakamit na tagumpay, kasama ang pamahalaang hindi kayang tumupad sa mga iinangako nito upang umunlad ang buhay ng mga manggagawa, kasama na ang mga liberal o "dilawan" pati na ang iba pang mas militanteng partido o kapisanan ng manggagawa na hindi makapagbigay ng tunay na kalutasan sa krisis, hinog na rin ang kalagayan upang parami ng parami ang mga manggagawang sumasama sa pakikibakang "depensibo" upang protektahan ang kanilang interes sa loob ng balangkas ng kapitalismo - pati na ang mas "opensibang" pakikibaka upang isulong ang kanilang interes sa labas ng balangkas ng kapitalismo.

Mahigit sa dalawampung milyong sahurang manggagawa ang hindi unyonisado at hindi organisado: napakaraming manggagawa niyan na ating maoorganisa at mapapasapi sa ating kilusan. Hindi pinaniniwalaan o nawawalan na ng pagkalehitimo ang iba pang alternatibong pwersang pulitikal: ang mga "dilaw" ay may kaunti na lang kredibilidad sapagkat nang itinuloy ng pamahalaang Aquino ang mga polisiyang neoliberal ay sinayang na nito ang tiwala at pag-asang ibinigay ng mga tao sa kanila, habang ang ibang "pulahan" ay nawawalan na ngayon ng kredibilidad dahil sa kanilang pakikipag-alyansa sa neoliberal din (at nagiging awtokratikong) pamahalaang Duterte. Naglalatag ito ng pambihirang oportunidad na maglatag ng tunay na alternatiba.

Anong dapat nating gawin?

Dapat nating harapin ang panganib sa pamamagitan ng pagsunggab sa pagkakataon. Ngayon na ang panahon upang pagsikapan nating organisahin ang mga manggagawa, paunlarin ang kanilang makauring kamalayan at muling itatag ang nagsasarili nilang kapisanan upang mas mapahusay pa ang kanilang kakayanan upang baguhin ang sistema at magtatag ng bagong lipunan.

Upang magawa ito, kailangang patindihin natin ang ating mga pagsisikap upang maitatag at mapalakas ang mga unyon at pederasyon upang ipaglaban ang karapatan ng manggagawa sa antas ng pabrika o sa industriya. At kasabay nito, dapat din nating patindihin ang ating mga pagsisikap na matitatag at mapalakas ang ating kapisanang pulitikal, ang BMP. Dapat na sabay sila sapagkat kung gaano kalakas ang ating mga unyon at pederasyon ay gayon din kalakas at kaepektibo ang BMP; kung gaano kalakas at mas epektibo ang BMP, gayon din kalakas ang ating mga unyon at pederasyon.

Sa praktika, nangangahulugan itong pag-uukol n gating limitadong lakas at rekurso tungo sa batayang tungkuling organisahin ang mga unyon at pederasyon sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mas maraming organisador ng BMP upang magtayo ng mga unyon sa mga walang unyon o upang suportahan at mapahusay ang kanilang pagiging epektibo kung saan sila kumikilos; sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng malawakang kampanyang edukasyon upang makontra ang mga propaganda at kampanyang edukasyong taliwas ng mga kapitalista at mahawakan sa leeg ang mga pangkat ng manggagawa; at sa pagmomobilisa laban sa mga umiiral at panukalang patakaran ng pamahalaan na lalong nagpapahirap sa pagtatag at pagpapanatili ng mga unyon at pederasyon.

Gayunman, kasabay nito, nangangahulugan itong pagpapatindi n gating pagtatangkang magpaunlad ng mga indibidwal na sosyalista at mga sosyalistang pangkat o “buklod” sa maraming pagawaan – lalo na sa mga istratehikong sector. Ang mga indibidwal na ito at ang kanilang buklod – ang batayang yunit ng BMP – ay dapat magpanimulang hakbang sa kanilang tangkang makalikha o makapagpatibay ng mga unyon o pederasyon sa kanilang mga pabrika o sector. Dapat nilang malikha ang isang independyenteng pwersa sa loob ng bawat kampanya, pagtutulak, pagsuporta – at kung kinakailangan, brasuhin ang liderato ng unyon upang makibaka para sa karapatan ng mga manggagawa sa antas-lokal, pambansa at pandaigdig. Kung wala ang mga buklod na ito, iilang unyon lang ang maitatatag at yaong mga naitatag na’y baka mabuslo sa “ekonomismo”, na nakatutok lang sa pagsusulong ng kanilang sariling partikular na interes imbes na interes ng buong uring manggagawa at ng ibang aping uri at pangkat. Sila’y maaaring masakal ng tagapamahala o tumungo sa mga pwersang sipsip at dilawan; ang malala, sila’y maging tiwali, na umaakto bilang “aristokrata sa paggawa” na pinakikintab lang ang sistemang mapagsamantala sa kapwa manggagawa imbes na putulin ito.

Tanging sa pamamagitan ng pakikisangkot sa pakikibakang "pang-ekonomiya" at "pampulitika" sa loob at labas ng pabrika ay mapipigilan natin ang kasalukuyang panganib na ating kinakaharap: isang pamumunong awtoritaryan, kung hindi man pasista, at samakatuwid ay rehimeng laban sa manggagawa at laban sa sosyalista, na magpapanatili - at magpapatindi - sa pagsasamantala sa mga manggagawa at iba pang aping pangkat. Tanging sa sabay-sabay na pagharap sa "depensiba" at "opensibang" kampanya sa lokal, pambansa at pandaigdigagang antas maaari nating mailatag ang landas para sa isang bago, at mas mapagpalayang lipunan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996