Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Biyernes, Hulyo 21, 2017

Pahayag sa Unang Taon ng Rehimeng Duterte

Unang Taon ng Rehimeng Duterte: Bogus na Pagbabago ng Kapitalista’t Reaksyonaryong Gobyerno

ISANG taon na ang rehimen. Kung dati’y sinasabi ng marami na maaring pagbigyan si Duterte dahil siya ay nasa transisyon pa mula sa dating meyor ng Davao tungo sa pagiging pangulo ng bansa, maari nang husgahan ang kanyang isang taon sa pagitan ng dalawang SONA.

Sa ikalawang SONA ni Duterte, ni anino ng “Change is coming” ay hindi pa rin naaaninag ng mamamayang Pilipino, laluna ng masang manggagawa. Napako ang lahat ng mga pangako. Naglaho na tila bula ang mga repormang itinalumpati para makuha ang boto ng 16 milyong Pilipino. Kung mayroon man tayong nasasaksihang pagbabago, ito ay ang tuminding kahirapan, karahasan, at kaguluhan sa buhay ng mayoryang mahihirap!

Tumitinding Kahirapan

Iba si Duterte sa nagdaang mga pangulo. Walang pretensyon sa pagiging modelo ng “good manners and right conduct” bilang pangulo ng bansa. Isang butangero. Magaspang. Matapang magsalita. Subalit iba ang kanyang ginagawa. Kabaliktaran ng kanyang mga salita.

Kontraktwalisasyon: Para sa manggagawang sahuran, ang pinakamapait na kasingalingan ni Duterte ay ang pangakong “contractualization must stop”. Sapagkat walang nagbago. Tuloy ang endo. Tuloy ang ligaya, hindi lamang ng mga contractor at subcontractor kundi ng mga prinsipal na employer na patuloy na masusuplayan ng mura at maamong kontraktwal na manggagawa.  Ang nilabas na Department Order 174 ni DOLE Sec. Bello ay kabaliktaran sa ipinangako ni Duterte. Ngunit hindi siya kinakastigo ng Palasyo! Wala ring Executive Order para iwasto ang kalokohan ni Sec. Bello. Trabahong regular, hindi kontraktwal!

Tax reform: Nagmamalaki ang gobyerno na “pro-poor” daw ang kanilang panukalang pagrereporma sa sistema ng pagbubuwis. Kailangan daw ito sa mga proyekto ng “build, build, build” na papakinabangan ng taumbayan. Pero sino ang kakargo ng pasaning pagbubuwis? Ang mga mahihirap! Sapagkat ang itataas nila ang excise tax sa mga produktong petrolyo at inuming may-asukal. Pasasaklawin din ang VAT. Tatanggalin ang eksempsyon sa VAT sa renta o pangungupahan na nagkakahalagang P10,000 kada buwan.

Tataas ang presyo ng mga bilihin sa balak na tax reform. Sapagkat ang pangunahing dadagdagan ng tax ay ang produktong petrolyo, na ginagamit sa transportasyon ng mga tao at mga produkto – at sa paglikha ng kuryente. Tataas ang upa ng mga maliit na komersyante, dahil sa VAT, at babawiin nila ito sa presyo ng kanilang mga paninda. Hindi na din eksempted sa VAT ang low-cost at socialized housing!

Nagkukunwari pa silang ibabalanse daw ang sistema ng pagbubuwis dahil itataas sa P250,000 ang eksempsyon sa personal income tax. Kalokohan! Ang milyon-milyong manggagawa, na karamiha’y kontraktwal sa maliliit na mga establisyemento at kumikita ng minimum wage, ay hindi na kinakaltasan ng withholding tax. Ang mahihirap na 60% ng mga pamilyang Pilipino ay hindi nabubuhay sa sahod, kumikita ng mas mababa sa minimum wage, at nasa underground economy. Hindi sila kasali sa income tax exemption! Ang mga mayayaman ang mas makikinabang sa pagtataas ng eksempsyon sa income tax! At tila hindi pa sila nasiyahan dito, ibaba din nila ang buwis sa kita ng mga korporasyon at estate tax (buwis sa mga pag-aari ng isang yumao bago ipamana sa kanyang benepisyaryo). Tax the rich, not the poor!

Mababang sahod. Nananatili ang kontraktwalisasyon. Mababa pa rin ang sweldo. Hindi na nga sapat para mabuhay ng disente’t marangal ang isang pamilya ng manggagawa. Lalo pa itong liliit sa pagsasabatas ng TRAIN o Tax Reform Acceleration and Inclusion sa 2018, na magtataas sa presyo ng mga bilihin at magbabagsal sa tunay na halaga ng sweldo. Isabatas ang living wage, buwagin ang mga wage board!

Demolisyon at pabahay. Sabi ni Duterte, wala raw madedemolis kung walang relokasyon. Subalit maraming pampublikong proyekto – kasama ang mula sa mga local government, ang nagreresulta sa pwersahang ebiksyon ng mga maralita, kahit hindi pa naisasayos ang kanilang relokasyon.

Ilan lamang dito ang sa Tatalon sa Quezon City, sa Minuyan sa Bulacan, at Langaray Market sa Malabon. Dadami pa ito sa binabalak na “golden age of infrastructure” sa termino ni Duterte. Wala pa ring policy ang Palasyo ukol sa mura at disenteng pabahay sa masang maralita.

Kaya’t sa mga proyektong pang-relokasyon (tulad ng nabulgar sa pabahay na inokupa ng Kadamay sa Bulacan), nananatili ang problema ng kawalan ng serbisyo. Malayo sa hanapbuhay, sa paaralan, sa ospital, atbp. Nasa liblib na karatig-probinsya ng Metro Manila. Minsa’y problema pa ang mismong linya ng tubig at kuryente. Ang masahol, napakamahal pa! Kaya’t tuloy pa rin ang problema ng foreclosure sa mga residenteng hindi makapagbayad ng mga amortisasyon, atbp. Binabawi lamang ng bangko. Habang tumatabo sa tubo ang mga real estate developer, mga opisyal ng local government, at mga bangko’t pinansyer, na tanging nakinabang sa mga proyektong pabahay ng gobyerno. Maayos na relokasyon bago demolisyon! Ipatupad ang Konstitusyunal na probisyon sa mura, ligtas at disenteng pabahay para sa masa!

Pag-atake sa oligarkiya. Aatakehin daw ni Digong ang “oligarkiya” o ang iilang mga pamilya na patuloy sa pagyaman sa kabila ng lumalalang kahirapan ng nakararami. Noong Agosto 2016, ang pinagsamang pagaari ng 50 pinakamayaman sa bansa ay nagkakahalagang $79.47 Bilyon o 27.58% ng gross domestic product o GDP. Mas mataas kumpara noong 2013, na nasa $65.8 Bilyon o 24% ng GDP.

Katunayan, ang pondong tutustos sa mga proyektong pang-imprastraktura ng Dutertenomics - na nagkakahalagang walo hanggang siyam na trilyong piso (P8-9 trilyon) hanggang 2022 - ay magmumula sa bagong buwis (na papasanin ng mahihirap) at bagong mga pautang.

Sa mga uutangin, 80% ay mula sa mga domestic loans (ibig sabihin, BDO ni Henry Sy, BPI ni Ayala, Metrobank ni Ty, RCBC ni Yuchengco, atbp. na pawang mga oligarkiyang sinabi ni Duterte na kanyang tutugisin!). Habang 20% ang mula sa dayuhang pautang (kasama ang Asian Infrastructure Investment Bank o AIIB), na pinangunahan ng Tsina at kanyang binantaan noon laban sa paghihimasok at pag-angkin sa mga isla sa West Philippine Sea!). Redistribusyon ng yaman!

Pag-atake sa Estados Unidos: Si Duterte raw ay para sa isang “independyenteng patakarang panlabas”. Ayaw daw niya sa panghihimasok ng Amerika. Ngunit hindi niya nilalansag ang kasunduang militar gaya ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement, Enchanced Defense Cooperation Agreement, atbp. Bumaliktad din siya sa mga nauna niyang pagkontra sa pagpasok ng tropang Amerikano, pinayagan niya itong sumali sa operasyon laban sa grupong Maute.  Lansagin ang dominasyon ng imperyalistang Amerika sa ekonomya’t pulitika ng bansa!

Pagwasak ng Kalikasan at Pagmimina. Dati animo’y kumakampi si Duterte kay Gina Lopez para proteksyunan ang kalikasan. Subalit hinayaan niya itong malaglag sa Senado. Binabawi na ni DENR Sec Cimatu ang mga suspensyon sa pagmimina na iginawad ni Lopez. Ang pagkawasak sa kalikasan ang sisira sa agrikulturang pangunahing ikinabubuhay ng ating mga kababayan sa kanayunan. Labanan ang mapanira at malakihang pagmimina at pagtotroso!

Umiigting na Karahasan at Kaguluhan

Panghuli, at higit sa lahat, sa unang taon ni Duterte, naging saksi tayo sa kaliwa’t kanang patayan at pagkawalang-bahala sa proseso ng batas. Libo-libo na ang pinatay ng “War on Drugs”, karamiha’y mga mahihirap na adik at tulak. Ngayo’y idinidikit na nila ang isyu ng droga sa gyera kontra terorismo. May mga nagpapanukala pang patagalin at/o palawigin ang Batas Militar sa buong bansa upang magamit ang kamay na bakal na estado sa lahat ng kalaban ng republika.

Nililikha ng mga pwersa ng reaksyon ang isang klima ng takot, pananahimik, at pag-aatubiling punahin ang mga ginagawa ni Duterte, na kung hahayaang magtagumpay ay tutungo sa tuluyang paglusaw sa ating mga demokratikong karapatan. Laluna sa kalayaang lumaban sa pang-aapi’t pang-aabuso ng iilang mayyaman at may-kapangyarihan - sa pamamagitan ng malayang pagtitipon, sama-samang pagkilos, at sariling pag-oorganisa.

Ang klima ng takot at pagsawalang-kibo ang pinakapaborableng kondisyon para sa malawakang pandarambong, hindi lang ng mga burukrata’t opisyal na magpipiyesta sa pinalaking buwis na kokolektahin ng gobyerno kundi ng mga malalaking kapitalista magiging kasosyo’t pinansyer sa mga proyektong pangimprastraktura, mga kontrata sa pagtotroso at pagmimina, at sa lahat ng likas at likhang yamang mula sa kalikasan at paggawa sa Pilipinas. Labanan ang pasistang atake sa mga kalayaang sibil at karapatang pantao!

Mga kauri at kababayan! Huwag tayong magpaloko sa mga pretensyon ni Duterte. Bogus ang ipinangakong pagbabago ng “Change is coming”! Kiskisin natin ang nakalambong na ilusyon upang tumambad sa atin na ang kasalukuyang pangulo ay tagapagpatupad lamang ng interes ng malalaking kapital. Ito ang katotohanang aming ipinababatid sa milyon-milyong umaasa pa rin sa kanilang bulaang manunubos. Sama-sama nating isulong at ipagtanggol ang ating mga karapatan at kabuhayan tungo sa tunay na pagbabagong matagal nang inaasam ng manggagawa’t mamamayang Pilipino. # 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996