KASAMA
Katipunan ng mga Samahan ng Manggagawa
Room 313 Jiao Bldg., 2 Timog Avenue, Quezon City
Reg. No. 11865(FED)-LC
KAPATIRAN NG SEKTOR SA PAGGAWA TUNGO SA
"PAGPUPUNDAR NG GOBYERNO NG URING MANGGAGAWA"
(MENSAHE NG PAKIKIISA NG KASAMA SA IKA-8 KONGRESO NG BMP)
Isang maalab na pagbati ang ipinaaabot ng KASAMA sa ika-8 Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)! Ang pananatili ng iba't ibang samahan sa gitna ng tumitinding globalisasyon sa mundo ay patunay lamang ng patuloy na pagtangan ng uring manggagawa at iba pang sektor ng lipunan sa mga tagumpay ng lokal at internasyunal na larangan.
Ang pampulitikang kalagayan sa bansa sa kasalukuyan ay ang patuloy na bangayan ng magkabilang kampo ng burgesya habang patuloy ang pagkasadlak sa pang-ekonomyang kalagayan, kasabay ng paglikha ng mga mapaniil at mapanlinlang na batas tulad ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration ang Inclusio) na tinagurian nating killer sa uring manggagawa. Killer ito dahil katumbas nito ang ibayong pagtaas ng mga pangunahing bilihin, kuryente, tubig, gasolina, tax sa pabahay at iba pa. Naipasa ang batas na ito habang ang mga sektor ay abala sa pagtuligsa sa war on drugs, EJK at martial law na kumitil ng libo-libong buhay na di dumaan sa due process.
Sa simula pa lamang idiniklara na nating kinatawan ng burgesya si Duterte. Pinatunayan niya iyan sa DO 174, ang pagbibigay pabor sa mga kapitalista at employment agency, ang programa niyang pang-ekonomiya na nagpapatuloy lamang ng mga ginawa ng mga nagdaang rehimen, ang service-oriented economy, taliwas sa ating panawagang pagsasagad sa kanyang programang pang-ekonomiya na industrialization. Ang tuloy-tuloy na war on drugs, martial law, revolutionary government at itong huli ang pag-ugong ng Cha-Cha, ang lahat ng ito ang litaw na motibo nito ay ang pagsusulong niya ng pederalismo na kung saan ang nais lamang ay ang pagsisiguro sa kapangyarihan sa pulitika ng mga elitista at burgesya.
Kung kaya, sa makasaysayang okasyon na ito, nananawagan kami sa KASAMA na paigtingin ang kapatiran at pagsusulong ng isyung may kinalaman sa kagalingan ng uring manggagawa at iba pang batayang sektor ng ating lipunan.
Tungkulin ng manggagawa at iba pang sektor ng lipunan na ipaglaban ang kagalingan ng buong sangkatauhan, hindi lang ang kagalingan ng iilan.
Ibig sabihin, kailangang aktibong makialam ang mga manggagawa at iba pang sektor sa pagpupundar ng gobyerno ng uring manggagawa. Matutupad ito sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagpapalakas ng organisasyon ng uring manggagawa.
Nawa'y magsama-sama tayo, upang itaguyod ang layunin na ito upang wakasan ang kahirapan sa lipunan at upang ang bawat tao ay magkaroon ng tunay na dignidad.
Maraming salamat po.
Mula sa:
Pambansang Konseho ng KASAMA
27 Enero 2018
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento