Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Martes, Hunyo 10, 2014

Luksang Parangal para kay Ka Romy Castillo, Isinagawa

LUKSANG PARANGAL PARA KAY KA ROMY CASTILLO, ISINAGAWA

Sa payak na burol ng isa sa batikang lider-manggagawa ay isinagawa ang luksang parangal sa huling gabi ng lamay, Hunyo 9, 2014, mula ikaanim ng gabi hanggang ikasampu ng gabi. Iba't ibang luksampati ang ipinahayag ng mga naging kasama ni Ka Romy Castillo (Marso 8, 1952 - Hunyo 5, 2014) sa burol nito sa Heaven Saint Memorial Homes sa Montalban, Rizal.

Si Ka Romy Castillo ang deputy secretary general ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) bago ito namayapa. Siya rin ang unang pangulo ng BMP noong ito pa ay Bukluran ng Manggagawa para sa Pagbabago mula 1993 hanggang 1996. Siya'y dating manggagawa ng Philippine Blooming Mills (PBM), nakulong, na-tortyur, at napalaya matapos ang pag-aalsang Edsa noong 1986.

Sa nasabing luksang parangal, ang tagapagpadaloy ng programa ay si Evelyn Jimena ng Teatro Pabrika. Nagbigay ng pambungad na awitin ang mga kasapi ng Teatro Pabrika. Unang nagbigay ng luksampati si Ka Leody de Guzman, pangulo ng BMP. Matapos nito ay umawit naman ang grupong ChopSuey.

Nagbigay din ng luksampati at pagpupugay sina Ka Domeng Mole, pangulo ng BMP Southern Tagalog (BMP-ST) chapter; Victor Briz, pangulo ng unyon ng Gelmart at isa sa tatlong bise-presidente ng BMP; Hernan ng PhilipMorris Fortune Tobacco Labor Union (PMFTC-LU); Lito Rastica at Jun Colocado ng Metro East Labor Federation (MELF); Anthony Barnedo, secretary general ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML); Tita Flor Santos ng Sanlakas at Metro Manila Vendors Alliance (MMVA). Nag-alay naman ng tula si Greg Bituin Jr. na pinamagatang "Si Ka Romy, Sosyalista, Internasyunalista".

Nagbigay din ng pahayag ang isang pinsang babae ni Ka Romy na kanyang kababata. Nagsalita rin si Muzo, na kapatid ni Ka Romy.

Binasa rin sa luksang parangal ang pahayag na ipinadala roon ng Partido ng Manggagawang Pilipino (PMP) - Pinagsanib bilang pagpupugay kay Ka Romy.

Matapos noon ay nag-alay ng pulang rosas ang mga nangaroon bilang pagpapakita kung gaano ba nila kamahal ang namayapang lider-manggagawa.

Nagsalita rin sa harapan ang dalawang anak ni Ka Romy na sina Raisa at Riel. Nagpasalamat si Raisa sa pagdalo ng mga naroon, at ikinwento pa ni Raisa kung gaano sila kamahal at gaano sila inaruga ng kanilang ama bagamat salat sa buhay. Si Riel naman ay binasa ang inihanda niyang makahulugang pahayag na nakasulat sa Ingles.

Tinapos ang programa sa pag-awit ng Lipunang Makatao at ng awiting Internasyunal kung saan taas-kamao silang umawit. Kahit ang kapatid ni Ka Romy ay taas-kamao ring sinabayan ang kanta.

Nakatakda namang i-cremate ang mga labi ni Ka Romy kinabukasan (Hunyo 10).

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

1 komento:

  1. Sa pisikal, umalis na si Ka. Romy pero iniwan nya ang kanyang mga alaala, ang kanyang laban, ang kanyang prensipyo at ang kanyang liderato..nasa atin ngayon ang baton upang ituloy ang LABAN NG URI..LABAN NG MAMAMAYAN TUNGO SA GANAP NA PAGBABAGO..Maraming salamat Ka. Romy..humimlay ka ng payapa

    TumugonBurahin


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996