34 na manggagawang pinaslang sa Marikana, South Africa, ginunita
Nakiisa sa paggunita sa mga pinaslang na manggagawang minero sa Marikana, South Africa ang ilang kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Agosto 16, 2012 nang pinaslang ng mga pulis ang mga nagwewelgang manggagawang ang tanging hiling ay itaas ang kanilang sahod. Ang buong pangyayari ay ipinalabas sa dokumentaryong "Miners Shot Down" na dinirihe ni Rehad Desai.
Malaki ang nagawa ng media upang makunan ng actual video ang ilang araw na welga bago ang masaker, ang aktwal na masaker, ang pagbaril ng mga pulis, ang mga naghambalang na mga bangkay, ang panayam sa Commission of Inquiry, at ilang mga panayam sa mga abogado ng minahan at mga lider-manggagawa. Kasama rin sa dokumentaryo ang mismong police footages. Naganap ito sa kabundukan ng Marikana, at ang may-ari o namamahala ng minahan ay ang Lonmin Mining Property.
Ayon sa ilang balita, nagkataong naroon ang direktor na si Rehad Desai upang kunan lamang ang welga ng mga manggagawa ng Lonmin, na ang nais lamang ay gumawa ng pelikula o dokumentaryo hinggil sa di-pantay na pamamalakad na kinakaharap ng mga pamayanang minerong nagmimina ng platinum. Ngunit hindi niya inaasahan ang mga sumunod na mga pangyayari, lalo na nang pagbabarilin ng mga pulis ang mga minero. Ngunit naroon si Desai na nakakuha ng totoong larawan ng buong pangyayari. Sa isang panayam kay Desai, sinabi niya, “I couldn’t ignore it, it was much too big, much too dramatic and upsetting for me. I had to do something for these miners. I just felt that I had to give them a voice. If authority strikes in such a brutal fashion, artists have to pick a side and indicate which side they’re on. (Hindi ko ito maipagwawalang-bahala, napakalaki nito, sobrang nakakaiyak, at napakasakit para sa akin. Dapat akong may gawin sa mga minerong ito. Dapat ko silang bigyan ng boses. Kung kayang pumaslang ng ganito kabrutal ang mga awtoridad, dapat pumili ng papanigan ang mga nasa sining at ipakita nila kung saan silang panig naroon.)”
Ang naganap na masaker ay front page sa lahat ng pahayagan sa Katimugang Aprika, tulad din nang pinag-usapan ang naganap noong masaker sa Hacienda Luisita at sa Maguindanao. Ang Marikana strike massacre ang kauna-unahang trahedya sa South Africa matapos ang Apartheid.
Ilang araw bago ang masaker sa Marikana ay ipinalabas ang panayam sa mga minero, pulitiko, abogado at ilang tao mula sa Farlam Commission of Inquiry. Nais ng mga manggagawa, na makikita sa kanilang mga kayumangging plakard ang panawagan nilang maitaas ang sahod at hiniling nilang R12,500 isang buwan ang kanilang matanggap. Direktor ng kumpanyang Lonmin ang ngayon ay deputy president ng South Africa na si Cyril Ramaphosa. Ipinakita rin sa dokumentaryo ang labanan sa pagitan ng dalawang malalaking samahan ng manggagawa sa minahan - ang Association of Mineworkers and Construction Union (AMCU) at ang National Union of Mineworkers (NUM). Ang mga minero sa welgang iyon ay hindi pinaboran ng NUM, kaya ang inasahan ng minero ay ang AMCU.
Kitang-kita ang ebidensya. Kitang-kita kung paano pinagbabaril ng mga pulis ang 34 na minero. Wika nga ng isang komentarista, "Yes, the police are that hardened, yes the miners are that desperate, yes the capitalists are that greedy. (Oo, napakatigas ng mga pulis, oo, napakadesperado na ng mga minero, oo, napakasakim ng mga kapitalista.)
Ang Agosto 16 ay itinanghal na Global Day of Remembrance bilang paggunita sa mga manggagawang pinaslang sa Marikana.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento