PAGPASLANG SA MGA PALESTINO SA GAZA, KINONDENA NG BMP AT NG IBA PANG ORGANISASYON SA PAGGAWA
Agosto 6, 2014 - Inilunsad ng mga manggagawa ang isang pagkilos sa Boy Scouts Circle sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon bilang protesta sa nangyayaring pagpaslang sa mga sibilyang Palestino sa Gaza.
Lumahok sa pagkilos na ito ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Alliance of Progressive Labor (APL) - SENTRO, Partido ng Manggagawa (PM), Socialista - National Confederation of Labor (NCL), NAGKAISA, Coalition Against Trafficking in Women - Asia Pacific (CATW-AP), Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at marami pang iba. Nagkakaisa nilang tinuligsa ang nangyayaring masaker ng mga sibilyang Palestino sa Gaza. Nakikipagkaisa sila sa lahat ng manggagawa sa daigdig na nanawagang dapat nang itigil ang karahasan laban sa mga Palestino.
Nauna rito'y idinaos muna ang isang maikling talakayan sa conference room ng Alliance of Progressive Labor (APL). Ang pangunahing tagapagsalita rito ay si Herbert Docena, kung saan ipinaliwanag niya ang tunggalian sa pagitan ng mga Israeli at Palestino, pati na ang kasaysayan ng labanang ito, ang paghahati sa teritoryo ng lupa noong 1947, ang 1967 six-days war, ano ang Zionismo, at iba pa. Nagpaliwanag rin siya hinggil sa mga katanungan kaugnay sa Hamas at ISIS (Islamic State of Iraq and Syria).
Ipinakita rin ni Docena ang pahayag ng iba't ibang unyon ng manggagawang Palestino, tulad ng Palestinian General Federation of Trade Unions - Gaza, General Union of Palestinian Workers, at sinusuportahan ng Congress of South African Trade Unions.
Nagsimula ang talakayan bandang ikaapat at kalahati ng hapon. Matapos iyon ay nagtungo sila sa Boy Scouts Circle ng ikaanim ng gabi.
Napadaan naman sa pagkilos na iyon ang artistang si Kylie Padilla, na anak ng aktor na si Robin Padilla. Doon ay ipinahayag niyang nasasaktan siya sa nangyayaring pagkamatay ng mga sibilyan, lalo na ng mga bata, sa Gaza dahil sa ginagawang opensiba ng Israel laban sa mga Palestino, at nanawagan din siyang matigil na ang karahasan doon.
Bandang ikapito na ng gabi nang matapos ang pagkilos.
Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento