Isang maalab na pagbati sa mga kasama sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)! Ngayong 27 at 28 ng Enero sa taong 2018 isinasagawa ang ika-8 Pambansang Kongreso ng BMP. Sa pagpasok ng isang panibagong siglo, inaalala natin na patuloy ang laban tungo sa isang mapagpalayang lipunan.
Nakikiisa ang Freedom from Debt Coalition sa adhikain ng BMP laban sa mga isyung patuloy na nagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino, mga isyu ng di sapat na sahod, kakulangan sa seguridad, kontraktwalisasyon, ang patuloy na paglabag sa karapatan ng malayang pagoorganisa, at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Hinahamon namin ang mga huwad na repormang hindi kinikilala ang mga pangangailangan ng mga mamamayan, tulad ng tinatawag na Tax Reform for Acceleration and Inclusion ng gobyerno o TRAIN.
Nakikiisa ang Freedom from Debt Coalition sa adhikain ng BMP laban sa mga isyung patuloy na nagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino, mga isyu ng di sapat na sahod, kakulangan sa seguridad, kontraktwalisasyon, ang patuloy na paglabag sa karapatan ng malayang pagoorganisa, at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Hinahamon namin ang mga huwad na repormang hindi kinikilala ang mga pangangailangan ng mga mamamayan, tulad ng tinatawag na Tax Reform for Acceleration and Inclusion ng gobyerno o TRAIN.
Sinasabing ang repormang ito ay komprehensibo at para sa mga mahihirap, kung kaya't isa sa mga pangunahing katangian ng unang pakete ng TRAIN ay ang pagbabawas sa Personal Income Tax ng mga manggagawa, o tuluyang pagtanggal sa pagbubuwis nito sa mga kumikita ng mas mababa sa PHP250,000 kada taon. Sa esensya, magiging benepisyal ang aspetong ito ng TRAIN para sa mga minimum wage worker na maiuuwi na ng buo ang kanilang sahod ng walang pinapataw na buwis. Ang karagdagang epekto ng reporma sa mga susunod na taon ay inaasahan ring makalikha ng mas maraming trabaho, imprastraktura, at magpa-unlad sa ekonomiya ng bansa.
Ngunit ang kapalit na titiisin ng mga tao ay ang sabay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at 'sugar-sweetened beverages', na tatamaan rin ang mga maliliit na konsumer. Ang pagpapataw ng buwis na ito sa tinatawag na consumer goods ay tinitignan nating regresibo at mas makapaminsala. Maliit na sakripisyo man itong ituring ng mga mas nakatataas ang hirerkiya sa lipunan, malaking dagok ito sa mga manggagawa, karaniwang empleyado, at mga pamilyang dumedepende sa mga produktong ito para sa kanilang pang-araw-araw na ikabubuhay.
Kung tunay ang hangarin ng reporma sa tax, taasan na lamang ng buwis ang mga malalaking kapitalista, ang mana ng mga pinakamayayamang pamilya sa bansa, at ibalik ang ninakaw ng pamilyang Marcos sa mga Pilipino. Hindi lamang nito mapupunan ang pagkukulang sa kinikita ng gobyerno para maipatupad ang mga proyektong panlipunan nito, magagamit na rin sa wakas ang pera ng bayan para sa kanilang ikauunlad.
Sa kabila ng mga pagsubok buhay ang diwa ng pakikibaka sa mga kasama. Ilang dekada na nating dinadala ang mga isyu natin sa kalsada at sa mga opisina ng opisyal para marinig ang ating mga panawagan. Muli, pinapaabot ko ang aking pakikiisa sa manggagawang Pilipino sa pagpapatuloy na laban ng kasalukuyan at hinaharap.
Salamat sa inyong pakikinig.
Mabuhay ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino!
Eduardo C. Tadem, PhD
President
Freedom from Debt Coalition
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento