PAHAYAG NG PAKIKIISA
SA IKAWALONG KONGRESO NG
BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO
Isang maalab na pagbati ang ipinaaabot ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) sa pamunuan, kasapian, at lahat ng mga delegadong dumalo sa ikawalong Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).
Bago kami makulong ay nakibaka rin kami para sa kaginhawahan ng bayan. Hinuli kami dahil sa aming paniniwala. Naghirap sa kulungan, hanggang sa kami'y lumaya. Sa ngayon, kami na mga dating detenidong pulitikal ay nagkaisa ng inisyatiba sa pagtatag ng aming organisasyon, at kumikilos upang pagkaisahin at palakasin ang pagkukusa ng mga dating detenido. Adhikain naming isulong ang interes at kagalingan ng mga dating bilanggong pulitikal, ipagtanggol ang kasapian laban sa muling pag-aresto, at isulong ang kampanya sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal. Hanggang ngayon ay nasa bilangguan pa ang humigit-kumulang tatlungdaan limamping (350) bilanggong pulitikal.
Bilang mamamayan, tayo'y nahaharap ngayon sa samutsaring usapin tulad ng malaking delubyo ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa TRAIN (Tax Reform Acceleration and Inclusion), walang patumanggang pagpaslang (extrajudicial killings o EJK), kawalan ng paggalang sa karapatang pantao, pagpapalit ng istruktura ng pamahalaan sa pamamagitan ng mungkahing federalismo, ang pagpapalit ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987, at marami pang iba. Hindi tayo dapat magsawalang kibo na lamang sa lahat ng nangyayaring ito, bagkus ay kumilos para sa karapatan at kapakanan ng ating kapwa mamamayan.
Sa mga isyung panlipunang ito, kaming mga dating bilanggong pulitikal ay kaisa ng mga manggagawang Pilipino na ipaglaban ang nararapat na kaginhawahan ng lahat ng mamamayan, pagkawala ng takot bagkus kapayapaan ang umiiral, at tunay na pagbabago ng sistemang hindi na umiiral ang pagsasamantala ng tao sa tao.
Mabuhay ang uring manggagawa, ang hukbong mapagpalaya! Mabuhay ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino!
RODRIGO A. GUARINO
Pangulo
Ex-Political Detainees Initiative (XDI)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento