BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO
(Southern Tagalog)
(Southern Tagalog)
July 9, 2009
Nalalapit na ang huling SONA ng Pangulo. Ang Global Financial Crisis (GFC) na nagresulta ng malawakang tanggalan sa trabaho at pagbabawas ng oras paggawa sa mga pabrika ay wala pa ding malinaw kung hanggang kailan ito matitigil at makakabangon ang lugmok na kabuhayan ng masang manggagawa at sambayanan.
Ang Cha-Cha (Con-Ass / HR 1109) na isinusulong ng mga Congressman sa House of Representative ay patuloy na pinagdududahan at kinukondena. Ang palanong automation voting ng COMELEC ay pinagdududahan din. Diumano’y, layunin lamang nito ang makapanatili sa mataas na pwesto ng ating pamahalaan ang kasalukuyang pangulo (GMA) at mga kaalyado nito.
Marami ang nababahala sa mga nagyayari ngayon. Umiiral ang Global Financial Crisis, Isinusulong ang Cha-Cha (Con-Ass Thru: HR 1109), ang COMELEC Automation Voting ay pinagdududahan, may naganap na mga pagsabog at nalalapit na din ang pambansa at local na halalan sa Mayo 14, 2010.
Marami ang nag-aalala na baka hindi na matuloy ang pambansa at lokal na halalan sa Mayo 14, 2010, kung ipipilit ang Cha-Cha bago ang 2010 election, kung hindi matitigil at magpapatuloy ang mga pagsabog (bombing). At higit na nakakabahala ang pangitain nang pagpapanumbalik ng bangungot na Martial Law. State of Emergency o Junta Militar.
Kaugnay nito, kami ay naniniwala, na ang anumang hakbangin o balakin, na hindi magsisilbi at makakabuti sa interes ng nakakaraming populasyon at sa halip, magsisilbi lamang sa personal na inters at personal na ambisyong pulitikal ay hindi makakabuti sa buong publiko at sambayanang Pilipino.
Dahil dito, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino - SouthernTagalog, Calabarzon Displaced Workers Association – CADIWA. Kapatiran para sa Seguridad sa Paninirahan – Calabarzon. SUMAPI Federation, Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Trasportasyon - PMT. At Makabayang Pilipinas-MP ay nananawagan na magkaisa, magkaroon ng mahigpit na ugnayan at maging mapagbantay (Vigilant) sa kasalukuyang takbo ng ating sitwasyon.
Nananawagan kami na tayo ay maglunsad ng mga pagpupulong o talakayan, para magtulong tulong na suriin ang kasalukuyang kalagayan. Sa panimula, kami ay nag-aanyaya sa inyo na dumalo at makibahagi sa ilulunsad na Malayang Talakayan (Multi-Sectoral Forum) na gaganapin sa mga sumusunod na lalawigan at Bayan, Upang paksain ang Temang: “SA GITNA NG GLOBAL FINANCIAL CRISIS, TANGKANG CON-ASS AT NALALAPIT NA 2010 ELECTION, ANONG KINABUKASAN ANG NAKAAMBA SA ATIN? ANO ANG NARARAPAT NATING GAWIN”:
CAVITE: July 19, 2009. Ganap na ika-1:00 ng hapon. Gaganapin sa Brgy. Madiran, Covered Court, General Mariano Alvarez-GMA.
LAGUNA: July 17, 2009. Ganap na ika-2:00 ng hapon. Gaganapin sa River View Conference Resort, Brgy. Parian, Calamba City.
BATANGAS: July 19, 2009. Ganap na ika-2:00 ng hapon. Gaganapin sa Brgy. Poblacion – 4 Sto. Tomas Batangas (Malapit sa Munisipyo ng Sto. Tomas)
QUEZON: July 23, 2009. Ganap na ika-1:00 ng hapon. Gaganapin sa CADIWA Office, Brgy. Masin Norte, Candelaria, Quezon. (Tapat ng Nursery Hospital)
At sa nalalapit na huling SONA ng pangulo ngayong July 27, 2009., tayo ay sama samang magtungo sa Batasang Pambansa upang sama-sama nating ipahayag at hilingin sa House of Representatives (SONA ni GMA), sa buong publiko at samabayanang Pilipino ang mga sumusunod:
1. TRABAHO, KABUHAYAN AT SIGURIDAD SA PANINIRAHAN! HINDI CON-ASS/CHA CHA NG MGA TRAPO AT ELITISTA!
2. PATAS, MALINIS AT MAPAYAPANG HALALAN, HINDI CON-ASS, KAGULUHAN AT DAYAAN!
3. CHA-CHA LABAN SA GLOBALISASYON AT GFC! HINDI PARA SA PERSONAL NA AMBISYONG PULITIKAL!
4. CON-CON DELEGATE NG MASA, HINDI NG MGA ELEITISTA!
5. NO TO MARTIAL LAW! NO TO CORRUPTION SA GOBYERNO!