Pagsipi: Luke Espiritu, National President, Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Nakarating sa amin ang balita na noong Abril 1, 11 magsasaka ang iligal na inaresto ng kapulisan at militar sa Barangay Sebucauan, Isabela, Negros Occidental sa maling akusasyon na New People’s Army (NPA) raw sila. Siyam sa mga magsasakang ito ang kinulong sa asuntong murder sa napaslang na konsehal Jolomar Hilario ng bayan ng Moises Padilla (Magallon) sapagkat ang dalawang iba pa ay mga menor de edad.
Nangyari ang pag-aresto habang hinahabol ng mga militar ang mga nakaengkwentrong ARMADONG mga kalalakihan na diumano'y NPA matapos makipagpalitan ng putok. Ang 11 magsasaka ay naglalakad patungo sa bahay ng kanilang lola ng may-ari ng tubuhan para kumain matapos ang maghapong pagsaka. Wala silang dalang anumang armas—tanging mga kasangkapan lamang sa pagsasaka ang kanilang tangan.
Mismong ang Barangay Kapitana ng Sebucauan na si Amy Locsin ang nagpatotoo sa pamamagitan ng isang sertipikasyon na mga lehitimong residente ng barangay ang 11 magsasaka at sila'y mga ordinaryong mamamayan lang doon.
Ayon kay Denmar Recto, isa sa mga menor de edad na inaresto, “inimbitahan” lang sila ng mga pulis na nagpakilalang taga-Bacolod sa Barangay Hall ng Sebucauan para “beripikahin” ang kanilang pagkakalilanlan. Ang mga pulis ang nagsilbing blocking force habang nagaganap ang bakbakan sa pagitan ng militar at diumano’y NPA.
Ayon sa salaysay ni Recto, nang makarating sila sa Barangay Hall, sapilitan silang isinakay sa trak ng pulis. Pinatotoo ng lahat ng mga kagawad ng barangay na ang mga inaresto ay hindi NPA kundi mga lokal na residente at sila ay mga tapasero ng tubo. Ang sabi ng pulis dadalhin sila sa istasyon ng Isabela. Doon naman nagtungo at sumunod ang mga kagawad ng barangay. Ngunit, dinala ang 11 sa police station ng bayan ng Moises Padilla.
Bandang alas siyete ng gabi, dumating ang isang babae at dalawang lalake na pawang nakatakip ang mga mukha at nagturo na tila’y mga makapili. Napansin ni Recto na nag-uusap ang mga nakamaskarang tao at mga pulis subalit hindi niya marinig ang kanilang pinag-uusapan.
Bandang alas otso ng gabi, dumating si Kapitana Locsin at tinanong ang mga pulis kung makakauwi na ang mga dinakip na magsasaka. Ang sabi ng mga pulis, makakauwi sila matapos ang imbestigasyon. Hindi ito nangyari sapagkat agad silang isinailalim sa inquest proceedings sa piskalya ng probinsya ng Negros Occidental at inasuntuhan ng kasong murder. Matapos nito, ikinulong sila sa himpilan ng Negros Occidental Police Provincial Office sa Bacolod.
Diringgin sa mga susunod na araw ang kasong murder sa piskalya ng Bacolod. Kapag nakitaan ng "probable cause," makukulong nang walang piyansa ang 9 na magsasaka.
Kasalukuyang tinutulungan ng pinagsanib na pwersa ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), at PLM - Partido Lakas ng Masa party-list ang mga nakulong na magsasaka.
Magsasaka ang nagpapakain sa mamamayan! Wag nating hayaan ang gobyerno na sila'y paglaruan!
#FreeSebucauan9