HAMON NG MANGGAGAWA SA BAGONG ADMINISTRASYON AT PANGULO:
PROTEKSYON SA PAGGAWA
PROTEKSYON SA PAGGAWA
Sa siyam na taon ni Gloria Macapagal-Arroyo sa Malakanyang, lalong naghirap ang kabuhayan ng manggagawang Pilipino at lumala ang paglabag sa mga pantaong karapatan ng manggagawa. Hindi nito pinakinggan ang boses ng paggawa at konstitusyunal na karapatan ng mga manggagawang Pilipino.Na: Nasasaad sa Art. 13, Sec. 3 ang mga deklarasyon at katagang. . . “The State affirms labor as a primary social economic force. It shall protect the rights of workers and promote their welfare”. “The State shall afford full protection to labor, local and overseas, organize and un-organize, and promote full employment and equality of employment opportunities for all.” “It shall guarantee the rights of all workers to; Self Organization, Collective Bargaining and Negotiations, Peaceful Concerted Activities, including the right to Strike in accordance with law. “They shall be entitle to; Security of Tenure, Human Conditions of Work, and a Living Wage. “They shall; Participate in Policy and Decision Making Processes Affecting their Right and Benefits. “The State shall regulate the relation between workers and employers, recognizing; the right of labor to its just share in the fruits of production. Ngayong may bago ng pangulo, bagong administrasyon, narito ang hamon natin sa administrasyon ni P-Noy:
1. SEGURIDAD SA TRABAHO
Problemang malaki ang laging end contract ng trabaho tuwing 5 buwan. O kaya ay ipapasa sa isang contractor ang trabaho sa mababang halaga ang pasweldo at benepisyo sa contractor o subcontractor. Nawala ang security of tenure ng manggagawa. Di rin makapagtayo ng union at makabuo ng CBA dahil nga kontraktwal. Karamihan sa kontraktwal ay di natatamasa ang mga mandatory benefits gaya ng SSS, PhilHealth atbp. At pag muling nag-aplay ng trabaho gagastos na naman ng di bababa sa P2,500.00 sa mga requirements. Dagdag pa, pinauso na din ng mga employer ang Agelimit sa pagtanggap ng empleyado (18-23 years old) ang tinatanggap. Ang mga 23 years old pataas ay nawawalan na ng opportunidad na matanggap pa sa trabaho. Ang iba naman dahil sa re-contract ng re-contract sa empleyo tumatanda walang benepisyon matatamasa.
Gawa yan ng labor-only contracting (LOC) na pinauso ng mga kapitalista na naglipana sa kasalukuyan. Mga manpower o recruitment agencies na nagsusuplay ng empleyado sa mga kumpanya, kabilang dito ang trabahong janitorial at security. Paglabag yan sa Artikulo 106 at 280 ng Labor Code. Labag din sa Konstitusyon ng Pilipinas Artikulo 13, Seksyon 3 xxx. Dapat na may karapatan sila [manggagawa] sa katatagan sa trabaho.xxx Dahil sa walang itinakdang parusa sa mga lumalabag, nagpapatuloy ito na kinukunsinti ng mga opisyal ng gubyerno.
Solusyon sa problema:
1.1. Alisin ang Age Limit (18-25 years old) na pinauso ng mga kapitalista. Ganap na ipagbawal ang labor-only contracting at iba pang tipo ng kontraktwalisasyon at parusang multa at pagkakulong sa mga lalabag dito.
1.2. Alisin ang preventive suspension na karaniwang ginagawa ng kumpanya sa manggagawang
pinaghihinalaang nagkasala. Pinarurusahan na agad ang di pa napatutunayang nagkasala.
1.3. Direct Hiring ng nangangailangang kumpanya; walang dadaan sa agency. Gawing regular employee sa ikaanim (6) na buwan ng pagtatrabaho sa mga karaniwan, natatangi at kinakailangan sa arawang negosyo ng kompanya.
2. MAKABUBUHAY NA SAHOD AT BENEPISYO
Problemang malaki ang kaliitan ng sahod. Di magkasya kahit 16 na oras kang magtrabaho. Pinag-ibaiba pa ng mga Regional Wage Boards ang sweldo sa iba’t-ibang lugar. Maliit nga ang sweldo kaya di nakakapag-ipon para sa pagtanda. Iilang kumpanya lang ang may retirement pay o separation pay para sa kanilang empleyado. Ang iba naman ay tumatakas matapos isara ang kumpanya. Naiiwanang walang nakuhang benepisyo ang manggagawa. Kaya ang mga manggagawang nagpayaman sa kumpanya ay parang kalamansi na itinapon matapos sipsipin ang katas nito. Di nasusunod ang karapatan ng manggagawa na sinasabi sa Artikulo 13, Seksyon 3 ng Konstitusyon xxx Dapat may karapatan sila…..sa sahod na sapat ikabuhay.xxx
Ang solusyon sa problema:
2.1.Isabatas ang living wage o sweldong makabubuhay ng pamilya. Tanggalin ang mga Regional Wage Boards at ibigay sa Kongreso ang pagtatakda ng living wage sa buong bansa batay sa consumers price index.
2.2. Isabatas ang paglalagay ng Trust Fund para sa retirement pay, separation pay ng manggagawa. Para hindi na maulit ang nangyari sa NPI, Gelmart at maraming iba pa.
2.3. Isabatas ang unemployment insurance sa mga mawawalan ng trabaho para may pambuhay sa pamilya habang naghahanap ng panibagong trabaho.
2.4. Sa kalagayan ng pagsasara ng kumpanya at pagtakas ng may-ari sa mga pampinansyang
Responsibilidad nito sa mga manggagawa, aakuin ng gubyerno ang responsibilidad.
3. MAKATAONG KALAGAYAN SA PAGTATRABAHO
Maraming employer ang lumalabag sa Minimum wage law, di sumusunod sa Labor Standard Law at health and safety. Di na nga sapat ang minimum wage, di pa sinusunod ng maraming employer kaya naman kulang sa nutrisyon ang pamilyang manggagawa. Bukod pa, delikado sa kalusugan at kaligtasan ang maraming pagawaan na nagdulot ng malalang pagkakasakit at kamatayan. Bukod pa sa pagkasira ng kapaligiran. Di nasusunod ang karapatan ng manggagawa na sinasabi sa Artikulo 13, Seksyon 3 ng Konstitusyon xxx Dapat magkaroon sila ng karapatan sa makataong mga kalagayan sa trabaho xxx
Solusyon sa Problema:
3.1. Isabatas ang kaparusahang multa at pagkakulong sa mga employer na di tumutupad sa Labor Standard Law at health and safety.
3.2. I-deputized ng Department of Labor and Employment ang mga lider manggagawa bilang inspector ng Labor Standard at Health and Safety sa mga kumpanya.
3.3. Pahigpitin ang inspeksyon sa mga bago at dati ng kumpanya na nagbubuga ng nakakalasong usok at likido na sanhi ng maraming sakit ng manggagawa at pagkasira ng kapaligiran.
4. GANAP NA KALAYAAN SA PAG-OORGANISA, PAKIKIPAGTAWARAN AT SAMA-SAMANG PAGKILOS
Problemang malaki ang AJ o Assumption of Jurisdiction ng Secretary of Labor. Ito ay may terror effect sa mga manggagawa, unyon at kilusang paggawa kagaya ng nangyari sa Hacienda Luisita, Nestle Phils, Niukko Material Phils. at marami pang iba. Lahat ng konstitusyunal na karapatan ng manggagawa sa ilalim ng social justice provision ng konstitusyon ay nilalabag ng AJ pati ang likas na karapatang mabuhay. Paglabag ito sa karapatang pantao at di konstitusyunal. Ang pakikialam ng management sa pagtatayo ng unyon at iba pang aktibidad ng unyon ay sagabal sa mabilis na pagtatayo at pagdami ng unyon. Humahantong ang pakikialam ng management sa pananakot, pagtanggal sa trabaho at pagpatay ng lider. Ang simpleng pakikialam ng management ay paglabag sa Artikulo 246, 248 at 277 ng Labor Code.
Dahil sa walang takdang parusa, nagpapatuloy ang ganitong gawain ng management. Kapag walang unyon, di nakakakuha ng mas malaking sahod at benepisyo ang manggagawa. Ang manggagawa sa ngayon ay nakagapos ang kamay kapag kailangan nitong labanan ang pang-aapi at pambabarat ng mga kapitalista sa sweldo at benepisyo. Ito’y dahil sa sari-saring requirements at mahabang proseso bago makapagwelga. Problema din ang kapos na kaalaman ng napakaraming manggagawa sa kanilang mga karapatan bilang manggagawa at mamamayan.
Solusyon sa problema:
4.1. Alisin ang (Art. 263 (g) sa labor code) Assumption of Jurisdiction ng Kalihim ng Paggawa at Empleyo dahil niyuyurakan nito ang mga karapatang nakasaad sa Konstitusyon ng Pilipinas pati na ang karapatang mabuhay ng mga manggagawa.
4.2. Isabatas ang boluntaryong pagkilala at agarang pakikipag-CBA sa unyon sa kalagayang walang incumbent union sa isang kumpanya. Mandatory membership sa unyon o close shop policy sa mga bagong manggagawa.
4.3. Alisin ang “no union” option sa certification election.
4.4. Pagbawalan ang management ng kumpanya na makialam sa pag-uunyon. Parusahan ang
management at/o mga may-ari ng kumpanya na nakikialam sa proseso ng pag-uunyon. Kung opisyal ng gubyerno ang nagkasala, pagbawalang maupo sa anumang pwesto sa gubyerno habang-buhay at pagkakulong.
4.5. Alisin ang mahabang prosesong requirement para makapagwelga gaya ng 30 days cooling-off period, 7 days grace period. Alisin din ang napakaraming bawal sa panahon ng welga gaya ng free igress and engress. Ipagbawal ang pakikialam ng pulis at militar sa mga piket, welga o anumang mapayapang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa para kamtin ang kanilang kahilingan sa kumpanya. I-Repeal ang Herrera Law. R.A. 6715 at 6727.
4.6. Ibalik ang ala-CIR na sistema ng pagdinig sa mga kaso sa paggawa. Takdaan ng isang taon ang pinakamatagal na proseso ng isang kaso. Para sa pinal na Order at Writ of Execution nito.
5. PARA SA MANGGAGAWA SA TRANSPORTASYON
5.1. 20% discount sa gasolina, diesel, langis at spare part sa mga TODA, JODA, Taxi.
5.2. Ibaba ang bayarin sa prangkisa at renewal ng rehistro at drivers licence.
5.3. Health and accident insurance ng gobyerno sa lahat ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan.
5.4. Ibasura ang Oil Deregulation Law
6. PAMBAYANG USAPIN
6.1. Ibaba ang tuition fee at baguhin ang sistema ng edukasyon.
Sapagkat marami ng kabataang di nakapag-aaral. Ang mababang sweldo ng manggagawa ay di kayang magpaaral ng anak.
6.2. Ibaba ang presyo ng mga bilihin, kuryente at tubig. Itigil ang pribatisasyon sa mga basic service facilities gaya ng tubig, kuryente (generation, transmission at distribution), transportasyon gaya ng mrt/lrt at provincial trains, hospitals, expressways. Ipawalambisa ang EPIRA Law.
Sapagkat ang pagtaas ng presyo ng mga ito ay sasakmal ng malaki sa kakarampot na sweldo ng
manggagawa. At ang walang tigil na pagpapalaki ng tubo ng mga pribadong kompanyang may hawak nito ay mangangahulugang malaking bahagi ng sweldo ay mapupunta sa mga bayaring ito.
6.3. Pabahay na abot-kaya ang upa/bayad.
Sapagkat sa liit ng sweldo, wala ng manggagawang makakatira sa desenteng bahay na matatawag na tahanan. Nakatira sila sa maliliit na kwartong paupahan o sa mga slum areas na makakatipid sila.
6.4. Pawalambisa ang Automatic Appropriations Law sa pagbabayad-utang. Moratoryum ng
pagbabayad sa lehitimong utang. Hindi babayaran ang mga maanomalyang utang.
Sapagkat lubog na sa utang ang gubyerno. Uunahin mo pa bang ibayad sa utang kaysa ipakain sa
nagugutom mong anak? Malaking bahagi, 40%-50%, ng badyet ng gubyerno ay naibabayad sa utang. Marami sa mga utang ay maanomalya at di pinakinabangan ng taumbayan. Sa panahong ito na kailangang-kailangan ang pera para makaahon ang Pilipinas sa pagkakalugmok, maramat lamang na gastusin ang pera sa pagpapaunlad ng ekonomya, edukasyon, kalusugan ng mamamayan at pabahay. Hindi ito pambabalasubas sa pinagkakautangan, laluna sa mga nagpautang na alam na alam nila ang anomalya dapat sila ang magbayad. Ito ay makatwiran.
6.5. Palakihin ang badyet sa mga batayang serbisyo sosyal gaya ng edukasyon, kalusugan at
pabahay. Alisin ang pork barrel sa mga Congressman, Senador at Pangulo.
Sapagkat ginagamit sa pulitika ang kaban ng bayan. Marapat lang na mapunta sa mga
nangangailangan ang pera ng bayan.
6.6. Ipatupad ang Progressive Taxation—buwisan ang mayaman hindi ang mahirap. R-VAT Alisin.
Sapagkat kakarampot na nga ang kita, kokotongan pa ng buwis ang naghihirap na manggagawa at mamamayan.
6.7. Paunlarin ang agrikultura para magkaroon ng maraming trabaho at matiyak ang food sovereignty ng bansa. Sapagkat napakalaking potensyal ng sektor ng agrikultura para lumikha ng maraming trabaho sa kanayunan. Lulutasin din nito ang pagsisiksikan ng tao sa mga kalunsuran. Lulutasin nito ang kakapusan ng batayang mga pagkain. Lulutasin nito ang mataas na presyo ng pagkain.
6.8. Pawalambisa ang Oil Deregulation Law. Ibaba ang presyo ng langis. Sapagkat pinababayaan ng gubyerno ang mga kumpanya ng langis sa gusto nilang presyo. Dapat lang na may regulasyon sa presyuhan.
6.9. Ipatupad na ang sektoral na representasyon sa mga lokal na pamahalaan. Sapagkat matagal na itong nakasaad sa Local Government Code. Di ito maipatupad dahil walang mekanismo o kulang ang batas para ito tuluyang maipatupad.
6.10. Parusahan ang mga grafters at corrupt sa pangunguna ni Gloria, kasama na ang mga tiwali sa DOLE at NLRC.
Ang pagtugon ni P-Noy sa mga kahilingang ito ang sukatan kung siya nga ay tatahak sa TUWID NA LANDAS, kung tototohanin ang salitang KUNG WALANG, CORRUPT WALANG MAHIRAP at ang KAYO ANG AKING LAKAS na diniinan niya sa kanyang inagurasyon sa mga katagang WALANG WANGWANG, WALANG COUNTER FLOW. KAYO ANG AKING BOSS. WAKASAN NA ANG BALUKTOT NA DAAN. DITO NA TAYO SA MATUWID NA DAAN.