Para sa: Lahat ng Kasapi, Kaibigan at Kaalyadong Unyon at Asosasyon
Hinggil sa: Araw ng Paggunita sa Kamatayan ni Ka Popoy Lagman – Pebrero 6, 2011
Mula sa: Komiteng Tagapagpaganap
Petsa: Enero 31, 2011
Hamon kay P-Noy: Katarungan para kay Ka Popoy
at sa lahat ng biktima ng inhustisya!
Sa darating na Pebrero 6, 2011, ay araw ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy. Isang dekada na subalit magpahanggang ngayon ay wala pa rin itong kalutasan. Hindi mabilang kung tutuusin ang mga ganitong kaso mula sa panahon ni Marcos hanggang sa panahon ni Gloria Macapagal Arroyo. Si Ka Popoy ang pinakaunang biniktima ng administrasyon ni PGMA, halos isang linggo matapos syang makaupo sa Malakanyang. Ang kamatayan ni Ka Popoy ay nagsilbing hudyat ng tuloy tuloy at di mabilang na “extra judicial killings” sa buong bansa. Mga kasong hindi nabibigyan ng kaukulang kalutasan at hustisya.
Maraming paglabag sa karapatang pantao ang pwede nating mailahad sa ngayon na malinaw na wala pa ring kalutasan. Mga paglabag na kinasangkutan mismo ng mga militar at nasa kapangyarihan sa iba’t ibang panahon tulad ng Mendiola Massacre, pagpaslang kay Rolando Olalia, Masaker sa Hacienda Luisita, Maguindanao Massacre at marami pang iba.
Ngayon, mayroon tayong bagong pamahalaan na nangako ng pagbabago at tuwid na daan para sa masa at katarungan. Ang Komisyon sa Karapatang Pantao sa kasalukuyan ay pinamumuan ng isang kilalang lider ng mga progresibo. Isang bagay na puwede nating subukan upang muling buksan ang kaso at tuluyan nang makamit ang katarungan.
Balikan natin kung sino ba si Ka Popoy. Si Ka Popoy ang pangunahing lider na malaki ang naging kontribusyon sa kilusang manggagawa. Tagapagtatag ng ating organisasyon, ang BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilino), Sanlakas at marami pang iba. Si Ka Popoy ay walang humpay na nakibaka mula pa sa panahon ni Marcos, walang takot, di tumigil sa pakikibaka sa kabila ng banta sa kanyang buhay ng mga ahente ng Kapital.
Maituturing na bayani sa Kilusang Paggawa at tagapagbandila ng pakikibaka para sa tunay na pagbabago sa sistemang panlipunan, si Ka Popoy ay di lamang nag-iwan ng marka ng paglaban kundi mga aral at pananaw na magpahanggang ngayon ay ating pinaniniwalaan at isinasabuhay. Mga matibay na pundasyon na nagsisilbing suhay sa ating mga pang-araw-araw na pagkilos bilang mga puwersa sa pagbabago.
Ang okasyon sa Pebrero 6, 2011
Malaking martsa mula sa puntod ni Ka Popoy sa Loyola, Marikina hanggang sa UP. Magkita-kita tayong lahat sa Loyola ganap na ika-8:30 ng umaga.
Palahukin natin ang pinakamarami sa ating mga kasapi at ipinapanawagan natin sa lahat ng mga naging kabahagi ng kilusang Pagbabago mula noon hanggang ngayon na lumahok sa makabuluhang pagkilos na ito.
Ang BMP, Sanlakas, at lahat ng mga organisasyong ipinundar ni Ka Popoy, ay kabilang sa magtitiyak ng kanilang delegasyon kasama na ang mga dating puwersang may naging puwang sa kanila ang impluwensiya ni Ka Popoy sa kanilang buhay. Mga dating kumilos at naglingkod sa iba’t ibang sektor at hanggang sa kasalukuyan at nanalig sa naging kontribusyon ni Ka Popoy sa kilusan ng pagbabago.
Inaanyayahan din natin ang mga kilalang personalidad na may katulad din ng kaso ng inhustisya. Gayundin ang mga personaheng may kinalaman sa pagtataguyod ng karapatang pantao. Mga organisasasyon sa karapatang pantao at ang mismong Komisyon sa Karapatang Pantao.
Iluwal natin ang libu-libong kalahok sa paggunita sa araw ng kamatayan ni Ka Popoy!
Ang Pebrero 6 ay Linggo, marami sa ating mga pabrika ay walang pasok. Kung kaya’t magiging mainam para sa mga lokal na planuhin sa pinakamaraming kalahok ang mailuwal sa mga unyon. Itala ng mismong bayan ng Marikina na padaluhin ang sandaang porsiyento ng kanyang kasapian sa araw na ito. Ang FTLU at iba pang lokal sa Marikina ay sinupin ang plano upang matiyak ang makabuluhang partisipasyon ng mga manggagawa.
Gayundin ang lahat ng pagawaan at empresa sa buong kalakhang Maynila. Mailuwal natin sa pinakamarami sa ating kasapian at magkaroon ng malinaw na pagtitiyak ng mga kalahok sa araw na ito. Inaasahan din natin ang paglahok ng mga kalapit probinsya na magtityak ng pinakamaraming delegasyon na kanilang mapalahok, ang Gitnang Luzon at Timog Katagalugan.
Ang mga komunidad na nasasakupan ng ating mga kapatid na maralita na siyang bulto ng pwersa ng KPML-ZOTO at Sanlakas at iba pang mga organisasyon ay atin ding tiyakin ang kanilang paglahok.
Bukod sa BMP, inaasahan natin ang buong suporta ng iba pang mga organisasyon tulad ng Kalayaan!, KPP, MMVA, Makabayan Pilipinas, AMA, SDK, Sanlakas-Youth, PMT at PLM.
Sa hanay ng uring manggagawa, tiyakin natin ang buong puwersa ng MELF, SUPER at lahat ng independent unions na lumahok sa kanilang pinakamalaking bilang sa araw na ito.
Gawin ang mga sumusunod na tagubilin:
1. Pagpulungan ng mga lokal ang kanilang mga paniyak na delegasyon sa pinakamalaking bilang na kanilang mailuluwal.
2. Maglunsad ng mga iba’t ibang pamamaraan o gawain na magtitiyak ng paglahok ng lokal.
3. Tiyakin na ang lahat ng mga kalahok ay nakasuot ng pula bilang simbolo ng paglaban at muling pagbubukas ng kaso ni Ka Popoy.
4. Magdala ng mga placards na nanawagan ng Katarungan ni Ka Popoy at sa lahat ng biktima ng inhustisya.
5. Tiyaking makalahok sa martsa ang mga kasapian (Loyola to UP).
6. Magdala ng mga flag ng mga lokal at pederasyon.
7. Magbaon ng mga tubig at pagkain sa martsa.
8. Manawagan sa iba pang mga kasamahan labas sa pagawaan na sumama sa pagkilos na ito.