Ang taong 2009 at parating na 2010
(Nagbabadya ang masamang pangitain)
Taon ng matitinding krisis at dilubyo ng bansa:
Ang taong 2009 ang nagpatingkad sa tunay na katangian ng rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Nagpakita ng tunay na kalagayan ng ating bansa, sa larangan ng ekonomiya, pulitika, kultura at relasyong panlabas. Tumama ang Global Financial Crisis, binayo ng magkasunod na bagyong Ondoy at Pepeng, pagkalantad sa laganap na katiwalian sa pamahalaan, walang habas na pagtaas sa persyo ng langis at mga bilihin, laganap na paglabag sa karapatang pantao at kagutuman, pinakahuli ang karumaldumal na Masaker sa Maguindanao at Self Serving Martial Law Declaration. Para pagtakpan ang mga Ampatuan Clan at pagkabunyag ng laganap na dayaan sa mga nakalipas na halalan noong 2004 at 2007.
Unang kwarto ng 2009, naganap ang malawakang tanggalan sa trabaho at sarahan ng mga pabrika. Nagresulta ng 1. 2 milyong manggagawang nawalan ng trabaho at kabuhayan. Hindi pa kabilang ang domino “effect” nito sa hanay ng mga manggagawa sa transportasyon, vendors at mga bahay-kainan at pasyalan.
Ikalawang kwarto ng 2009, naganap ang walang habas na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin sa pang-araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya. Na hanggang sa kasalukuyan ay hindi maampat ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Nagaganap at patuloy na magaganap ito, dahil sa istelong sindikatong (MAFIA) pamumuno ng Malakanyang.
Ikatlong kwarto ng 2009, tumama sa ating bansa ang bagyong Ondoy at Pepeng, na puminsala sa buhay at ari-arian, dislokasyon sa paninirahan ng milyon-milyon nating mga kababayan. Pinsala na halos kapantay ng pinsalang dulot ng WW II. Ang tanong: Sino ang may sala at salarin? Sa gera (WW II) tukoy kung sino ang may sala at salarin, tukoy kung sino ang nanakop sa ating bansa.
Pero sa nagdaang bagyong Ondoy at Pepeng, nakakubli/nakatago ang mga tunay na may sala at salarin. Nagkukubli sa salitang parusa ng “Tadhana”, pero ang mga gahaman sa TUBO na mga kapitalista at mga tiwaling Politiko (TRAPO) ay hindi nakakapagtago kay Urban planner and architect Felino Palafox Jr. Aniya: “Government agencies and private developers are jointly liable for the massive loss of life and property in several Metro Manila cities for practicing poor urban planning and allowing commercial and residential structures to be built in flood-prone areas”.
Huling kwarto ng 2009, naganap ang karumaldumal na MASAKER at MARTIAL LAW sa Maguindanao na kumitil sa 57 sibilyan na karamihan ay mga kapatid natin sa Mass Midya. Matapos mag-alaga ng mga War Lords, mga Mandaraya sa Election, mga Magnanakaw sa kaban ng Bayan, mga Mamamatay-tao at maganap ang karumaldumal na masaker sa 57 sibilyan at mamahayag. Heto! Martial Law daw ang solusyon. Kailangan daw ang Martial Law para sawatain ang War Lords. Sawatain? o pagtakpan ang kanyang mga alyado?
Malalim ang pinag-uugatan ng naganap na Masaker at Deklarasyong Martial Law ni GMA. Hindi lamang Unconstitutional at Illegal, kundi behikulo ito ni GMA para sa habang panahon niyang panunungkulan sa mataas na pwesto sa gobyerno. From President into Congresswoman. Congresswoman to Speaker of the House into Prime Minister.(Big Boss muli ng bansa).
1. Palubog na ang barko (Administrasyon) ni GMA. Dahil sa sunod-sunod na mga korapsyon, paglabag sa karapatang pantao ng pamahalaan, laganap na kagutuman, dislokasyon sa paninirahan, malawakang tanggalan sa trabaho, epekto ng pandaigdigang crisis at Bagyong Ondoy.
2. Bangkarote ang administrasyon ni GMA, na maaaring ikatalo ng kanyang mga ”manok” sa nalalapit na halalan ngayon May 10, 2010.
3. Nanganganib na siya’y makulong ng walang pyansa. Kahit pa manalo siyang Congresswoman sa Pampanga dahil sa 31 niyang kasong Pandarambong, Kapabayaan at pagtataksil sa Bayan (treason).
4. May bali-balitang may minahang bubuksan sa Maguindanao, hindi ito masimulan dahil sa dami ng taong naninirahan.
5. Testing the Water ito, para sa posibleng Failure of Election o deklarasyon muli ng Martial Law hind lamang sa Maguindanao, kundi sa buong kapuluan.
Nakakabahala ang naganap na Masaker at Deklarasyon ng Martial Law sa Maguindanao. Dahil ang Commander-in- Chief ng AFP/PNP at mga War Lords, gaya ng mga Ampatuan ay si GMA mismo. Kung kaya hindi imposible na mapagtakpan ang mga Ampatuan sa nilikha nilang krimen, Gayundin ang pag-abuso ng mga Militar sa Otoridad na ipinagkaloob sa kanila ni GMA. Sa dulo, mamamayang-Moro at Sambayanang Pilipino (mga sibilyan, manggagawa’t maralita) ang naging biktima at napinsala sa Martial Law ni Arroyo.
Mga kasama at mga kababayan, maging mapagbantay tayo sa bawat oras at panahon. Hindi magandang pangitain ang ipinamalas ng taong 2009. Hanggang sa ngayon wala pang nakikitang solusyon ang mga kapitalista sa pandaigdigang krisis na sila mismo ang may gawa. Sinisisi ang kalikasan at pabago bago ng klima (climate change), samantala sila ang sumira sa Inang-Kalikasan. Nakakabahala ang nalalapit na 2010 election, halihaw ang mga politiko sa iba’t-ibang partido ng mga kapitalista, kung saan may pera at may tantyang panalo doon sila. Kahit isinuka na nila sa nakalipas na eleksyon, muli nilang hihimurin para sa ambisyong manalo at patuloy na makapag-nakaw sa pondo ng bayan at likas yaman ng ating lipunan. Kaya hindi malayo na maging marahas ang nalalapit na halalan.
Bago magtapos ang taong 2009, nagbabadya ang pagsabog ng bulkang Mayon sa Bicol, kung ngayong Kapaskuhan ay hindi natin ramdam ang kagutuman at kahirapan hanggang sa nalalapit na halalan sa Mayo 2010, dahil sa binubusog tayo ng mga pulitiko, pero isa lang ang tiyak, sa una at ikalawang kwarto ng 2010, maaaring mag-alburoto ang Social Volcano, ang pag-aalsa ng masang Pilipino. Na maaaring salubungin ito ng mga politikong talunan, dahil sa laganap na naman ng dayaan sa halalan o kundi man ay ang ”Failure of Election” sa May 2010.
ISABUHAY ANG TUNAY NA DIWA NG PASKO! PAGMAMAHAL HINDI LAMANG SA SARILI AT KAPWA!
MAHALIN, BANTAYAN ANG KALIKASAN AT LIPUNAN! DON’T CHANGE THE CLIMATE! CHANGE THE SYSTEM!
MAGHANDA! MAGHANDA! MANGHANDA! MAG-ORGANISA! MAG-ORGANISA! MAG-ORGANISA!MAG-ORGANISA NG MGA PAKIKIBAKA!
Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Southern Tagalog (BMP-ST)
Ika-23 ng Disyembre, 2009