Noynoy Aquino, Enemy of the Working Class!
Mula kay Noynoy Aquino, sa kanyang Department of Labor and Employment, sa kanyang Philippine National Police at hanggang sa midya — lahat sila ay tulung-tulong na ipinatupad ang kagustuhan ni Lucio Tan, ang pangalawang pinakamayamang tao sa Pilipinas at may-ari ng Philippine Airlines (PAL).
Biyak-biyakin ang PAL. Tanggalin ang 2,600 empleyado. Para sila ay palitan ng bagong manggagawang may mas mababang sweldo. P10,000 kada buwan mula sa dating sumusweldo ng P20,000/month.
Pinagtulungan nilang ipatupad ang contractualization, spin-off at outsourcing ng trabaho sa PAL. Pinagtulungan nilang imasaker ang 2,600 manggagawa ng PAL at 2,600 pamilyang umaasa sa sweldo ng mga manggagawa. Ang kahulugan nito ay mawawalang ng trabaho o mas mababang sweldo, walang kaseguruhan sa trabaho at pagpatay ng unyon. Ang ibig sabihin nito ay harap-harapang niyuyurakan ang mga karapatan ng mga manggagawa na nakasulat sa Article XIII, Section 3, Konstitusyon ng Pilipinas.
Nahubaran ang gubyerno ng maskarang maka-mamahirap at maka-mamamayan. Nahubaran si Aquino ng maskarang “Kayo ang Boss ko”. Nahubaran si Aquino ng kanyang maskarang “Tuwid na Daan.” Kitang-kita sa kaso ng PAL ang totoong boss ni Aquino, walang iba kundi si Lucio Tan at hindi ang mga manggagawa. Kitang-kita sa kaso ng PAL kung anong daan ang tinatahak ni Aquino para sa Pilipinas.
Ito ang daan para pababain ang sweldo ng manggagawang Pilipino. Ito ang daan para alisan ng seguridad sa trabaho ang manggagawang Pilipino. Ito ang daan para wasakin ang mga unyon ng manggagawang Pilipino. Ang “tuwid na daan” ni Aquino ay daan para lalong pahirapan ang manggagawang Pilipino para sa ikalalago ng tubo ng mga kapitalista.
Patunay ito na ang gubyerno ay gubyerno ng mga mayayaman, gubyerno ng naghaharing uri. Sinuman ang nasa Malakanyang – Marcos, Cory, Ramos, Erap, Gloria at ngayon si Noynoy – ang kanilang pinaglilingkuran ay ang mga kapitalista. Ang kanilang ginaguwardiyahan at dinidepensahan ay ang ari-arian at negosyo ng mga kapitalista. Ang kanilang tinitiyak ay magkamal ng labis-labis na tubo ang mga kapitalista.
Sa ngalan ng negosyo, sa ngalan ng tubo ng mga kapitalista, walang pagdadalawang-isip na nilabag ng gubyernong ito kahit sarili nitong Konstitusyon.
Kagaya ng gubyerno ni Gloria, Erap, Ramos, Cory at Marcos, walang maaasahan ang manggagawa at mamamayan sa gubyerno ni Noynoy Aquino kundi pawang pang-aapi at pagsasamantala sapagkat ito ay gubyerno rin ng mga kapitalista.
Ang gubyerno ni Aquino ay kaaway ng uring manggagawa!
Ang gubyernong papanig sa manggagawa, ang gubyernong gagawa ng batas na pabor sa manggagawa, ang gubyernong maglalatag ng pundasyon para sa pag-unlad ng manggagawa ay walang iba kundi ang gubyerno ng manggagawa. At ito ay kailangang itatag ng mga manggagawa mismo kapalit ng gubyerno ng kapitalista. #
Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Setyembre 30, 2011
1. contractualization, outsourcing, spin-off -- pagpatay sa security of tenure, pagbaba ng sweldo, pagpatay ng unyon!
2. gubyerno ni aquino, gubyerno ng kapitalista!
3. gubyerno ni aquino, instrumento ng pagsasamantala at pang-aapi ng kapitalista!
4. 2,600 na pamilya, minasaker ni Pnoy at Lucio Tan!
5. ampatuan sa malakanyang, minasaker 2,600 pamilya
6. order ni pnoy sa PAL Case, masaker sa uring manggagawa!
7. Pnoy, tagapagtaguyod ng mababang sweldo, walang seguridad sa trabaho at pagpatay ng unyon!
8. Pnoy, enemy of the working class!