Manggagawa Magkaisa!
Labanan ang Kontrakwalisasyon!
Ipaglaban ang Regular na Trabaho!
Labanan ang Kontrakwalisasyon!
Ipaglaban ang Regular na Trabaho!
Ilang taon nang namamayagpag ang kontraktwalisasyon sa paggawa hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Ang kontraktwalisasyon sa paggawa (irregular work ang tawag sa ibang bansa) ay isang anyo ng labor flexibilization scheme; casualization, outsourcing, spin-off, etc. na ipinapatupad ng mga kapitalista sapul ng mauso ang globalisasyon sa buong kapitalistang mundo.
Delubyo ang inabot ng uring manggagawa ngayong malaganap na ang sistemang ito sa pagnenegosyo at pati ang mga matatagal at matitibay na mga unyon ng manggagawa tulad ng PALEA sa Philippine Airlines ay dinudurog ng iskemang ito ng kontraktwalisasyon sa paggawa. Ang mga kumpanya sa ngayon ay nagmementina na lang ng tinatawag nilang core labor na kadalasan ay 10% hanggang 20 % na lamang ng labor force ng isang pabrika, na kadalasan ay mga skilled na manggagawa tulad ng mekaniko at teknisyan na lamang ang nareregular.
Dati-rati ang mga manggagawa ay dumaraan sa kaswal, nagiging probationary at makalipas ang anim na buwan ay isang regular na empleyado ng isang kumpanya na may seguridad sa trabaho mas lalo na kapag ang kanilang unyon ay nagkakaisa at palaban.
Nang marating ng sistemang kapitalismo ang sobra-sobrang produksyon at umapaw ang palengke sa iba’t ibang klase ng kalakal, nagkaroon din ng sobrang kapital na nakatiwangwang, di kumikita at lulutang-lutang sa ispekulasyon ng pandaigdigang komersyo. Kaya’t nang dumausdos ang tantos ng tubo (rate of profit), ang mga kapitalista ay nagpatupad ng iskema para bumawi at ang nasasakripisyo ay ang seguridad sa trabaho at pagpapatindi ng pagpiga ng lakas paggawa sa anyo ng kontrakwal na paggawa, na walang mga benepisyo at seguridad sa trabaho.
Ang mga benepisyo at pakinabang ng uring manggagawa na ibinunga ng paglaban ng mga ninuno nating manggagawa mahigit sandaang taon na ang lumipas ay binawi at ang natitira ay binabawi pa ng mga kapitalista.
Likas sa sistemang kapital ang pagpiga ng tubo at ang lumilikha ng tubong ito ay ang manggagawa lamang, sa pamamagitan ng kanilang lakas paggawa. Sa panahon ng pagtumal ng negosyo, tulad ngayon na nakakaranas ang buong mundo ng mahabang resesyon o pagtumal ng negosyo, walang ibang paraan ang kapitalista kundi ang patindihin ang pagpiga ng lakas paggawa o kaya naman ay maglunsad sila ng digma para sa dominasyon at pagpapasigla ng pag-andar ng produksyon ng kanilang bansa tulad ng nangyari noong 1930’s great depression na nagluwal ng digmaaang pandaigdig na lumutas sa krisis ng sobrang produksyon ng sistemang kapital.
Ang rehimeng Pinoy ay walang pinag-iba sa mga nakaraang administrasyon sa pagtrato sa manggagawa. Ang kanyang kalihim ng DOLE, si Gng Rosalinda Baldoz, ay pumanig sa kapitalistang bilyunaryong si Lucio Tan nang kanyang desisyunan ang kaso ng PALEA, na “management prerogative “ ang outsourcing at pagtatanggal sa 2,600 regular na manggagawa ng PAL na may CBA na nakasaad na bawal mag-outsource kapalit ng regular na trabaho.
Matagal na itong ginagawa sa mga maliliit at malalaking pabrika at kumpanya. Kalakaran ang mga manpower agency na pinagkukuhanan ng mga kontraktwal na manggagawa. Ang SM ni Henry Sy, ang URC ni Gokongwei, ang mga pabrika sa mga export processing zones at industrial subdivisions, lahat na ng mga kapitalista ay nagpapatupad ng 5 buwan na kontraktwal na trabaho.
Hindi na pinapaabot ng anim na buwan ang manggagawa dahil maaring maging regular. At sa ganito ay maiiwasan nila ang pagbibigay ng benepisyo na tinatanggap ng isang regular na manggagawa. Malaki nga naman ang matitipid nila. Ang mga manggagawa naman, pagdating ng “endo” ay hanap uli ng panibagong mapapasukan, mag-aayos na naman ng mga requirements at panibagong gastos tulad ng NBI, police clearance, medical, etc. na lalong nagpapahirap sa buhay bilang manggagawa.
Ang ganitong kalakaran sa paggawa ay lilikha ng henerasyon ng mga kontraktwal na manggagawa. Isang henerasyon ng mga manggawang walang kasiguruhan sa trabaho at walang mga benepisyo na dapat lamang makamit ng isang manggagawang bumilang ng taon sa pagpapaalipin kapalit ng kakarampot na sahod.
Ano ang maasahan ng uring manggagawa sa rehimeng P-Noy? Aasahan nating mga manggagawa ang pagkampi ni P-Noy sa mga iilang kapitalistang lokal at dayuhan kaysa sa milyon-milyong manggagawa na siyang lumilikha ng yaman ng bansa at bumubuhay sa lipunan.
Dahil sa walang maasahan ang uring manggagawa sa gubyernong P-Noy, dapat lamang na magkaisa at kumilos ang uring manggagawa para sa kanyang kinabukasan. Ang ating kapalaran ay nasa ating pagkilos. Ang paglaya ng manggagawa ay nakasalalay sa ating mga kamay.
Manggagawa magkaisa! Labanan ang kontraktwalisasyon!
House Bill 3402 On Security Of Tenure (SOT) Isabatas!
Makibaka para sa Regular na Trabaho para sa Manggagawa!
House Bill 3402 On Security Of Tenure (SOT) Isabatas!
Makibaka para sa Regular na Trabaho para sa Manggagawa!
Panawagan: (Dumalo at Magpadalo)
1. November 25, 3:00pm (Big Rally) sa Ayala, Makati
2. November 30, 8:00am (Full Mobilization) sa Mehan Garden, Manila
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
SUPER- MELF- PMT- KPML
SUPER- MELF- PMT- KPML