http://www.abante.com.ph/issue/feb2012/news04.htm
Mga madre, labor group kinukulit si CJ sa $ account
Aries Cano/Juliet de Loza ng pahayagang ABANTE
Nakisali na rin sa panawagan ang Association of Major Religious Superiors of Women in the Philippines (AMRSWP) kay Chief Justice Renato Corona na pahintulutan nitong buksan ang kanyang dollar accounts para maibuyangyang ang katotohanan at mapatunayan sa sambayanan na wala itong itinatago.
Ayon pa sa mga madre, malaking katanungan kung ang temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Supreme Court (SC) ay magbibigay-daan sa pagdiskubre sa katotohanan o paraan ng pagpigil sa pagsisiwalat nito.
Binakbakan din ng grupo ang Chief Justice sa kawalan umano ng “delicadeza” nang humirit ito ng proteksyon sa SC Justices na direktang nasa ilalim ng kanyang pamumuno.
“We therefore implore Chief Justice Renato Corona to listen to the stirrings of truth, justice and respect the Senate Court and the impeachment proceedings,” dagdag pa ng grupo.
Maging ang militanteng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ay nakikalampag para maibuyangyang sa publiko ang “lahat” ng bank records, kasama ang dollar accounts, hindi lang ni Corona kundi ng lahat ng government officials, kasama si Pangulong Benigno Aquino III.
“SALN is not enough! We demand the full disclosure of ALL bank records including dollar accounts by ALL government officials, not just Corona,” ayon kay BMP president Leody de Guzman.