Lunes, Hulyo 21, 2014 - Muling nagprotesta sa harapan ng tanggapan ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang daan-daang manggagawa mula sa iba't ibang pagawaan, lalo na yaong mga may kaso laban sa kanilang employer. Muli nilang kinalampag ang NLRC na nasa Banaue St., Lungsod Quezon, at muli nilang ipinanawagan ang agarang pagre-resign ni NLRC Commissioner Nograles, at iba pang sangkot sa katiwalian, pati na mga arbiter na laban sa mga manggagawa.
Pinangunahan ang nasabing pagkilos ng grupong Workers Alliance Against Corruption, pati na mga kasapi nitong AGLO (Association of Genuine Labor Organizations), BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino), DEU (Digitel Employees Union), SUPER (Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms), Obrero Law Office, NAFLU Federation, RPN 9 Union, IBC 13 Employees Union, WMJP (Workers Movement for Justice and Peace), ASAP (Anti-Sweatshop Alliance of the Philippines), at marami pang iba.
Mababasa sa kanilang mga dalang plakard ang mga isyu't kanilang panawagan, tulad ng mga sumusunod: "Chairman Nograles, Resign!" "Comm. PalaƱa, ang NLRC ay Hindi Motel", Commissioners Lacap at Beley, Dapat Bantayan", "Comm. Villena, marami ka na nabiktimang manggagawa! Mag-retire ka na!!!" "Sheriff Caloy Macatangga ng RAB IV, Corrupt!" "Comm. N. de Castro, sumama ka na lang sa amo mong si GMA, Corrupt", "Korapsyon s NLRC, Labanan", Chairman Nograles, 'Break Open' sa Asgarel Corrugated Box, Ilabas na" at "Sweatshop Company nationwide, labanan".
Panawagan naman ng DEU sa NLRC: "Sawang-sawa na kami sa katiwalian! Ituwid niyo ang natitira niyong dangal!"
Nagsimula ang pagkilos sa ganap na ala-una ng hapon at natapos ng ikaapat ng hapon.
Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.