Pagyamanin ang Kislap ng Pag-asa ng Kilusang Unyon
Nabababanaag natin ngayon ang kislap ng pag-asang iniluwal ng tagumpay ng pakikibaka ng mga manggagawa sa Phil. Airlines, Imarflex, Procraft at Lakeside.
Mga natatanging karanasan na pupukaw ng inspirasyon sa mga manggagawang Pilipino; maihahalintulad sa welga ng mga manggagawa ng LK Guarin at La TondeƱa na bumasag sa pananahimik ng kilusang manggagawa simula ng ipataw ang Martial Law noong 1972. Welgang nagbigay ng buwelo sa kilusang manggagawa upang makabangon at patuloy na sumigla’t lumaganap sa bansa hanggang sa panahon ng revolutionary government ng dating Pang. Cory Aquino. Kinatampukan ito ng pagdadamayan, pagkakapatiran at mga koordinadong pakikibaka ng mga manggagawa mula lokal hanggang sa pambansang saklaw. Tinagurian ng yumaong Blas Ople, Kalihim ng DOLE sa panahon ng Martial Law, ang panahong ito na “masamang interegnum”, may batas subalit di maipatupad ng estado.
Ngunit nang mapagtibay ang Herrera Law noong 1989 na saligan ng Assumption of Jurisdiction (AJ), nanumbalik ang Martial Law sa kilusang manggagawa. Ang pangil ng AJ ay pinatalim ng kamandag ng militarisasyon. Walang habas na inatake ang mga picket line, walang pinipili, maging militante o hindi ang unyon. Hindi nakayanang depensahan ang mga picket line laban sa truncheon at armalite ng mga unipormadong goons. Nauwi sa pagkatalo’t pagkalusaw ng mga unyon ang mga tampok na welga, nagdulot ito ng demoralisasyon at terror-effect sa kilusang manggagawa.
Ang panahong ito ay sinabayan pa ng pagputok ng mga krisis pang-ekonomiya, black propaganda laban sa unyonismo, pagsangkalan ng estado’t mga kapitalista sa globalisasyon, malawakang tanggalan sa trabaho at paglaganap ng kontraktwalisasyon. Ang cumulative impact ng mga ito ay delubyo sa kilusang manggagawa. Halos maglaho ang mga nakamit na tagumpay ng kilusang manggagawa sa nakaraang isang daang taon.
Nalusaw ang maraming unyon, lumaganap ang negatibong pananaw sa unyonismo, lalo na sa hanay ng kabataang manggagawa. Pinakamasahol sa lahat, ang sistematikong pagkakait sa karapatang mag-organisa sa pamamagitan ng labor flexibilization sa anyo ng kontraktwalisasyon at labor-only contracting. Sa pagtatapos ng unang dekada ng bagong milenyo tinatayang bumagsak ng 75% ang bilang ng manggagawang covered ng CBA.
Sa kabila ng ganitong kalagayan, hindi maiiwasang mamulat ang mga manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, maunawaan ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan.
Pinatunayan ito sa laban ng PAL Employees Assn. Hindi sila umatras sa planong magwelga kahit nagdesisyon si DOLE Sec. Baldoz na management prerogative ang pakana ng PAL na outsourcing na mangangahulugan ng retrenchment ng 2,600 empleyado.
Sa isyung ito, humantong ang mga malalaking sentro’t pederasyon sa paggawa sa isang makasaysayang pagkakaisa bilang suporta sa laban ng PALEA, kabilang ang TUCP, FFW, BMP, KMU, APL, PM at iba pa. Di nagtagal ay sinuspinde ang naturang desisyon.
Noong Nobyembre 16, 2010, labindalawa (12)-kataong kasapian ng unyon sa Imarflex Battery (sa Pasig) ay nagwelga upang ipaglaban ang mga makatarungang kahilingan sa CBA, sa kabila ng may mahigit 200 contractual workers ang kompanya. Hindi inalintana ng mga manggagawa ang dehado nilang bilang versus contractual. Magiting nilang dinepensahan ang picket line sa loob ng walong (8) araw hanggang sa mapwersa ang kapitalistang makipagkasundo. Naipagtagumpay ng mga manggagawa ang kanilang mga kahilingan.
Hindi pahuhuli ang laban ng mga manggagawa ng Procraft sa Calauan, gumagawa ng baseball gloves na pang-export. Sa gitna ng CBA negotiation, naramdaman ng mga manggagawa na ang gradual na pagbabawas ng kanilang trabaho ay taktika ng management tungo sa temporary shutdown upang pahinain ang kanilang determinasyon at durugin ang unyon. Dahil dito, taya-batong ipinutok ng unyon ang welga kahit walang Notice of Strike. Paralisado ang kompanya, makalipas ang mahigit isang (1) buwan na welga, nakipagkasundo ang kapitalista. Balik sila sa trabaho ng walang kaso (no retaliatory action), natapos ang CBA at nakamit nila ang matagal ng minimithi --- ang maging daily regular basis ang sweldo mula sa mahigit 10 na taon ng pagiging piece rate.
Sa panig naman ng mga manggagawa sa Lakeside Food & Beverage Corp., kapitbahay ng Yasaki-Torres sa Makiling na gumagawa ng bottled water, isang araw na welga --- solved ang mga isyu.
Mahigit isang taon nang ipinaglalaban ng mga manggagawa ang pagtatayo ng unyon. Sagad hanggang buto ang pagtutol ng kumpanya sa unyon. Ginawa nila ang lahat ng paraan upang hadlangan ang karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon at makipag-CBA.
Unang pakana ng management ay ipakansela ang rehistro ng unyon. Sinundan ito ng pagkontra sa Petition for Certification Election (PCE), sa kabila ng may batas na ang kumpanya ay hindi partido sa PCE.
Nang manalo ang apila ng unyon sa PCE at mag-order ang DOLE na ilunsad ang certification election, naghain naman ang kumpanya sa Court of Appeals ng application para ipa-TRO ang CE.
Bigo ang kompanya sa pakanang TRO at naipagwagi ng unyon ang CE.
Hindi pa rin tumigil ang kumpanya, iprinotesta ang resulta ng eleksyon kahit walang balidong batayan. Dismissed ang kanilang protesta.
Nang magsumite ang unyon ng CBA proposal, todo-tanggi ang management na makipag-negotiate. Naghain ang unyon ng Notice of Strike sa batayan ng refusal to bargain; at sa banta ng welga, nakipagkasundo ang management makikipag-negotiate na.
Sa panahon ng CBA negotiation, humirit muli ang management. Disyembre 02, tinanggal sa trabaho ang Pangulo, Bise-Presidente at tatlong Board Members sa katuwirang management prerogative na ipa-outsource ang kanilang trabaho. Ipinasok na sa kanilang ATM card ang separation pay. Malinaw na Bargaining In Bad Faith at Union Busting ang bagong pakana ng kumpanya!
Wala nang ibang opsyon ang unyon kundi maghain ng panibagong Notice of Strike. Minaliit ng kumpanya ang unyon dahil may mga nakahanda na silang contractual at agency employees na pamalit sa mga miyembro ng unyon.
Sa unang concilitiation sa NCMB noong Disyembre 06, walang awtoridad na magdisisyon ang ipinadala ng kompanya, kaalinsabay na naglabas ang kompanya ng tatlong truck ng finished products. Sa taya ng unyon ay delaying tactics ang ginagawa ng management, hindi na nila inantay ang nakatakdang concilitation sa Disyembre 08, determinado nilang ipinutok kinagabihan ang welga. Niresolba nila ang kawalan ng kakulangan sa pondo ng unyon, ginamit nila ang adelantadong separation pay na ibinigay ng kompanya.
Sa diwa ng pagkakapatiran, maagap na dumamay sa picket line ang mga unyong kaanib ng BMP sa pangunguna ng Bigkis ng Manggagawa sa Arcya Glass. Paglabas sa trabaho ng mga miyembro ay diretso sa picket line upang makisalamuha’t magbigay ng suportang pisikal at moral. Ang mga naipit na agency workers sa loob ng planta ay nakiisa rin, lumabas sila matapos ang oras ng trabaho. Nabigo rin ang tangka ng management na magpasok ng pagkain at mga bagong agency workers.
Pagsikat ng araw noong Disyembre 7, nagpatawag ang mismong Director ng NCMB ng concilitation meeting. Minarathon nila ang conciliation hanggang sa CBA negotiation na umabot ng madaling-araw ng Disyembre 08. Plantsado na halos ang lahat ng probisyon sa CBA, humirit pa rin ang bagong abogado ng management na ilagay sa kasunduan ang probisyon na “without prejudice” sa nakapending nitong reklamo ukol sa kanselasyon ng union registration.
Agad na napagtanto ng unyon na mangangahulugan ito na mababalewala ang lahat ng kanilang pagsisikap at sakripisyo sakaling kanselahin ng DOLE ang rehistro ng unyon, tulad ng karanasan ng maraming unyon na sa simpleng teknikal na isyu ay nama-magic ang mga disisyon ng DOLE pabor sa kompanya.
Tinindigan ng mga manggagawa na babalik na lamang sila sa picket line kung hindi iaatras ng management ang probisyon ukol sa “without prejudice”. Sa kalauna’y pumayag na rin ang management at mataas ang moral na itiniklop ng mga manggagawa ang picket line.
Mga kapatid sa paggawa, sa kabila ng ipinagbubunyi natin ang mga nakamit na tagumpay, batid nating hindi dapat magkampante, hindi dapat magbaba ng depensa ang mga unyon. Sapagkat hindi maglulubay ang mga kapitalista sa pagpapahina sa pagkakaisa ng mga manggagawa at pag-atake sa karapatang mag-organisa. Sa tindi ng kompetisyon sa mismong hanay ng kapital, pababaan ng labor cost ang sukatan ng kanilang lakas. Mas mababa ang labor cost, mas competitive sa market, mas malaki ang tubo, mas makakaipon ng surplus capital para lamunin ang mga kakumpetensya sa negosyo. Kapitalistang kumpetisyon na walang ibinubunga kundi krisis gaya ng 2009 Global Financial Crisis.
Samakatuwid, walang tigil ang mga hamon na kakaharapin ng uring manggagawa. Patuloy tayong magpalakas, palawakin ang makauring pagkakaisa at pagkakapatiran, mag-aral at magsanay sa sining ng unyonismo. Huwag nating hayaang nakatiwangwang ang mga kapatid na manggagawang hindi pa organisado, lalo na sa hanay ng higit na nakakaraming contractual at agency workers. Ibandila natin sa kanila ang aral ng mga nakamit na tagumpay at ang pag-asang may kinabukasan sa pagiging organisado.
Hindi tayo titigil hangga’t may manggagawang di-organisado. Ang pagkaka-organisa ng mga manggagawa sa bawat kompanya ang landas tungo sa makapangyarihang pagsusulong ng reporma sa mga depekto ng sistemang pang-ekonomiya at pampulitika sa bansa; kawalan ng sapat na empleyo, mababang pasahod, mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, kawalan ng hustisya, katiwalian sa gobyerno, kawalan ng desenteng tahanan sa mga maralita, kawalan ng sapat na serbisyong pampubliko, inefficient na labor code at iba pa.
Ito ang mga hamon na kailangang harapin ng kilusang paggawa upang ihanda ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ng mga manggagawang Pilipino--- walang iba kundi ang ating mga anak at apo.
Mabuhay ang Kilusang Manggagawa!
- Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-TK)