Bilang paggunita sa ika-48 na taon makalipas ang pagdeklara ng Martial Law at pagtutol sa mas tumitinding paglabag sa karapatan ng mga mamamayan sa kasalukuyan, nagsagawa ang ating Bukluran, kasama ang iba't ibang pwersa, komunidad, at mga manggagawa ng kilos-protesta sa labas ng Valenzuela City Hall kahapon, Setyembre 21.
Kasama sa mga panawagan ng mga manggagawa ay ang pagwawakas sa tiranya ng rehimeng Duterte at ang mariing pagtutol sa anumang pagtatangkang ibalik ang kadilimang naranasan ng bansa sa ilalim ng batas militar. Sa halip na karahasan at panunupil, kanilang panawagan sa administrasyon na bigyang-pansin ang mga isyung kinakaharap ng mga manggagawa: ang krisis ng trabaho, gutom, at kalusugan sa ilalim ng pandemya.
Kabilang sa mga dumalo ay mga manggagawa mula sa Valenzuela at Caloocan. Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng mga protocol para sa physical distancing, inaresto ang ilang nagprotesta dahil umano sa hindi pagsusuot ng face shield. Sa pagpapatuloy ng programa, ang iba pang dumalo ay dinala rin sa presinto sa diumano'y paglabag sa "social distance protocols".
Pagkatapos ng ilang oras sa presinto, nagdesisyon ang Valenzuela City PNP na palayain ang lahat ng kanilang inaresto, sa kondisyong haharap pa rin ang mga ito sa kanila umanong mga paglabag sa batas-panlungsod. Handa ang BMP na tutulan ang mga maling paratang na ito at ipanawagang ibasura ang anumang kasong isasampa.
Sa araw mismo ng pag-alaala sa mga manggagawang binusalan rin sa panahon ng batas militar, ang tugon ng gobyernong Duterte sa mga manggagawang naghahangad lamang ng disenteng pamumuhay ay pwersahang pagpapatahimik. Di maikakaila ang tunay na demokrasya't kalayaan ay makakamit lamang sa pagkakapit-bisig ng mga manggagawang lumalaban sa panunupil ng estadong hangad lamang ay mapagsilbihan ang interes ng mga naghaharing-uri.
Stop the Attacks Against Workers ! Never Again to Martial Law!
Trabaho at Ayuda, Hindi Diktadura!
Trabaho, Pagkain, Kalusugan! Hindi Panunupil at Pandarambong!