Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Sabado, Setyembre 14, 2013

Mensahe ng MASO AT PANITIK sa ika-20 anibersaryo ng BMP


MASO AT PANITIK
Email - masoatpanitik@yahoo.com.ph 
Blogsite - http://masoatpanitik.blogspot.com/  

MENSAHE NG PAKIKIISA
Setyembre 14, 2013

Kami mula sa samahang MASO AT PANITIK ay taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ang MASO AT PANITIK ay isang samahan ng mga makata at manunulat para sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Ang tema ng aming mga sulatin ay hinggil sa pakikibaka ng proletaryado, at pagwasak sa relasyon ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan. Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, mayayaman, kapitalista, at mga elitista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Di dapat sa ganito lamang mauwi ang panitikan.

Para sa grupong MASO AT PANITIK, internasyunalismo at sosyalismo ang dapat lumaganap ngayon. Kaya nagkaisa ang ilang mga sosyalistang makata at manunulat na dapat gamitin ang literatura para sa pagsusulong ng kaisipang sosyalismo sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Tungkulin ng mga kasapi ng MASO AT PANITIK ang pagmumulat sa madla tungo sa adhikaing pagbabago at pagkakapantay sa lipunan hanggang sa maitatag ang isang lipunang sosyalismo.

Isa sa gabay namin sa aming mga pagsusulat ang “Sampung Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng BMP”. Sa sosyalismong tinitindigan ng BMP, ipapalit ang isang sistema na walang pagsasamantala at pang-aapi sa sinuman. Isang sistema na magtataglay ng sumusunod na katangian:

1. Lipunang walang mga uri. Lipunan na hindi hinahati, hindi sinisino o kinikilala ang tao sang-ayon lamang sa uri niyang kinalalagyan.

2. Lipunang walang imperyalismo at imperyalistang pagsasamantala. Lipunang wawakas sa kapitalismo at kapitalistang pagsasamantala.

3. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Lipunang nakapundar sa sosyal na pagmamay-ari ng mga kasangkapan at mga produktong nililikha nito.

4. Lipunang hindi pinatatakbo ng 'free market' o nakapundar lamang sa tubo at paghahangad ng limpak na tubo. Lipunang nakaplano ang ekonomiya sang-ayon sa layuning ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao.

5. Lipunang ang estado ay pinatatakbo ng mga manggagawa. Lipunang ang buong populasyon ay bahagi ng armadong hukbo ng bayan.

6. Lipunang ipinatutupad ang ganap na demokrasya sa pamamagitan ng direktang partisipasyon ng bawat tao sa gobyerno at sa lahat ng usaping hinaharap ng lipunan.

7. Lipunang ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao - trabaho sa lahat, libreng pabahay, libreng edukasyon sa kabataan, libreng gamot at pangangalaga sa kalusugan, at marami pa. Ang mga ito ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat mamamayan.

8. Lipunang ang mga pagawaan ay patatakbuhin ng mga manggagawa mismo (workers' self-management).

9. Lipunang ganap na magpapalaya sa kababaihan mula sa pang-aapi sa pagawaan at sa loob ng tahanan.

10. Lipunang bibigkis sa pinakamalawak na pagkakaisa ng buong sangkatauhan.

Kaya kami sa MASO AT PANITIK ay patuloy na magsusulat at magpopropaganda kasabay ng inyong pangarap na pagbabago hanggang maitayo natin ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Mabuhay ang ika-20 anibersaryo ng BMP! Mabuhay ang uring manggagawa! Sulong tungo sa sosyalistang alternatiba!

"Igting ng Pakikibaka" Welgistang Temic 1997

"Igting ng Pakikibaka" Welgistang Temic 1997 
Sinulat ni Monica-Lunot Kuker

Mahigit isang dekada na ang nakalipas, sa istorya ng welgistang Temic at para sa akin ang bahaging ito ng aking buhay ay mahirap kalimutan. Isang hindi malilimutang pagbubukas isip sa isang katotohanan kung papaano namamayani ang naghaharing uri sa ating lipunan ginagalawan. Buhay man marahil ang ibuwis, marahil ang estado ay mananatiling kakampi ng kapitalista laban sa uring manggagawa. 

Taong 1995 ng pumutok ang welga ng may 1,500 empleyado ng Temic Electronic isang kompanyang pag aari ng German, %95 nito ay mga kababaihan. Nagdesisyong magwelga ang mga manggagawa dahil sa isang deadlock sa Collective Bargaining Agreement. Hanggang sa inabot ng dalawang mahabang taon ang labanan sa korte, ngunit dahil matatagal na sa serbisyo ang mga empleyado at meron ng matatag na unyon, ang Temic management ay nakasilip ng butas upang kami ay ilegal na alisin sa trabaho. 

Ilang beses kaming nakatikim ng dispersals. Nang harrassment. Gaya ng isang umaga nagising ako at umupo sa bangko sa ilalim ng isang puno sa harapan ng aking tent. May humaharurot na lumang kotse at biglang tumigil sa harapan sabay tutok ng baril, pero hindi naman pinutok. Parang hindi ito nag rehistro sa aking utak na baril yung tinutok sa akin at pwede akong mamatay sa oras na yun. Ngunit nakaalis na ang kotse ay noon lang ako napamulagat na pwede pala akong mapatay kung nanaisin nila. Nananakot. Bagama't matagal na kaming takot. Ngunit hindi nangangahulugan iyon na kami ay susuko. 

Sinubukan din namin ng mga lider ng unyon na humingi ng dayalogo o audience sa Secretary Ruben Tores (not sure of the name) ng Malakanyang. Tatlo kaming nagkunwaring mga lider ng El Shadai at pumasok ng loob ng Malakanyang. Doon sa loob ay nagkita kita kami ng Presidente ng unyon at 2 pa niyang kasama. Plano sana naming i korner ang secretary. Pero mukang naamoy agad kami kaya mabilis kaming pumulas palabas at nag tungo sa simbahan ng St. Jude. Nagkunwari kaming mga relihiyosa, maya mayat pa at eto na ang ilang mga pulis at kami ay pinutahan sa simbahan. Dahil wala naman kaming ginawang masama, hindi kami malapitan. 

Ilang beses naglabas ng "return to work order" DOLE ngunit kami ay patuloy na tinikis ng management na makapasok sa trabaho. Samantala ang Federation of Free Workers noon na kasalukuyan naming kinaaaban unyon ay naging malambot sa unang tupada pa lang ng welga. Hindi sumangayon ang mga mangg gawa sa ideyang ito, kaya''t nag desisyon ang unyon na kumalas at magsarili "independent" bilang isang katawan ng mga manggagawa. Noon natagpuan ng aming pamunuan sa unyon na humingi ng serbisyong tulong sa isang abogado na konektado kay Congressman Edcel Lagman, na hindi baga ay kapatid ng nasirang Felimon "Popoy" Lagman.

Dito din nilunsad ang malawakang Labor Power. Kung saan ginanap sa harapan ng kompanya ng Temic.

Dinaluhan ng ibat ibang uri ng sektor na inaaapi sa lipunan. May estimadong 10,000 mga manggagawa sa may 200 kompanya at taong bayan ang nakilahok dito. Mga artista, human rights activists, at mga relihiyoso, katoliko man o muslim. Ngunit nanatiling manhid ang kapitalistang Temic. Naatasan din ako ni Ka Popoy na humingi ng tulong sa isang malaking grupo ng mga manggagawa (KMU). May mga tao akong kinausap, mga lider daw ito SEc. Gen. daw ng grupo. Nakiusap ako na kung pwede kami suportahan sa gagawin naming Labor Power, ngunit ako ay tinanggihan at sinasabing hindi sila tutulong dahil kasama kami ni Ka Popoy Lagman. Tinuturing nilang kaaway. Nabigo ako sa aking misyon. Ni hindi nakipag usap yung 2 pang nais ko sanang pakiusapan.

Sunod sunod ang protesta upang bigyan kami ng pansing pamahalang Ramos. Nakipag-dayalago kami kay Cardinal Sin upang idulog ang aming suliranin. Dahil sinasabing malapit ito sa Presidente. Bagama't humarap ito sa amin at naglabas ng "statement" panawagan sa pangulo ay wala ding nangyari. Sinubukan naming matulog sa harapan gitna ng kalsada ng Mendiola. Nagmartsa kung saan saan. Dala ang aming pag asa na magkaroon ng katarungan at maibukas ang mata ng mga mamamayan sa malalang problema ng lipunan. Ngunit patuloy kaming bigo. 

Noong Dec. 22, 1997, matapos ang paulit-ulit at malupit na pagtanggi ng management na kami ay makabalik sa trabaho sa kabila ng direktibang kautusan ng DOLE nag desisyon kaming mag sitting strike sa loob ng Dept. of Labor, una; upang magkaroon ng dayalogo sa Sec. of Labor, pangalawa; upang pilitin na ang departamento na magkaroon ng ngipin ang batas laban sa mapagsamantalang kapitalista. Dito ko unang nakita si Ka Popoy Lagman na na nagbigay ng statement sa isang tv coverage. At nakakahanga ang suporta nila ni Ka RC Constantino. 

Natatandaan kong apat muna kami pumasok dito na dumeretso sa ikalawang palapag ng gusali kung saan naroon ang opisina ng Secretary of Labor Quisumbing. Kasunod na grupo ay 5, tulad noong una ay puro mga kababaihan. Doon na nakahalata ang receptionist na agad kaming pinaupo ngunit hindi na pinapasok pa ang ikatlong grupo ng mga mangagawa. Tumawag ito ng guwardiya, at tuluyan ng sinara ang pintuan. Nakiusap kami na papasukin pero tinanggihan kami kaya nagkaroon ng komosyon. Tatlo kaming babae ang nagtulong buksan ang pintuan para sa mga kasama para lang makapasok ang iba. Nakapasok ang mga manggagawa at doon kami namalagi mula Dec. 22, doon kami nag-Pasko. May nagregalo ng letson upang makaraos ang aming Noche Buena. Nagkaroon ng mga serye ng programa ng mga manggagawa. sinuportahan kami ng ibat ibang unyon. Kasama dito at nangunguna ang PALEA. 

Hanggang sa dispersal alas-dose ng gabi, isang araw bago ang gabi ng Bagong Taon. 

Nakatanggap kami ng tip mula sa isang nagmamalasakit na media personality na kami ay idi-disperse. Sa unang palapag ng gusali, doon nagkapitbisig ang mga manggagawa, samantala sa pangalawang palapag ay naroon ang ibang manggagawa kasama ng Presidente ng unyon. May mga nag-hand cap ng kanilang kamay at kinapit sa kung saan upang hindi sila mailabas ng gusali. Hindi mabilang ang pulis na dumating. Nagtangka akong umakyat sa ikalawang palapag upang alamain sana ang kalagayan ni Liza Diamaano na siyang Pres. ng unyon, pero hinarang ako ng isang SWAT sa may hagdanan habang nakatutok sa muka ko ang isang mahabang baril, kaya't agad akong nagtaas ng kamay at muling bumababa ng hagdanan. 

Sinimulang baklasin ang hanay ng mga manggagawa, habang umaawit kami ng "Bayan Ko". Halos lahat kami ay luhaan, maging ang ilang babaeng pulis na namataan ko. Sa negosasyon ko sa isang mataas na opisyales ng pulisya, "wala naman kaming ginagawang masama, bakit sa halip na ayusin ang problema namin ay kelangan kaming pwersahang paalisin sa aming matahimik na pagprotesta?" "Pasensiya na, napapag-utusan lang ako sa itaas", ito ang tugon niya sa akin. Natatandaan kong nagpalabas noon ng "statement" si Pres. Ramos sa isang pahayagan at tinawag kaming mga "terorista". 

Noon ko naramdaman ang sobrang galit at awa sa mga kasamahang manggagawa. Napakahaba na ng aming pakikibaka. Mga ina sila na may mga anak na binubuhay. Karamihan ay mahigit 10 taon na doon bilang empleyado. Mayroong 15, 20 taon ng serbisyo. Ano at ganito na lang ang aming sinapit sa halagang baryang aming hinihingi mula sa management? 

Halos mapatid ang aking hininga ng daganan ako ng kung ilang manggagawa ng ako ay simula ng arestuhin. Ayaw nila akong ibigay at ito ang paraan nila para hindi ako makuha. Kinaladkad ako ng 3 pulis palabas ng DOLE. At dinala sa isang bus na napapaligiran ng mga pulis. Narinig ko na lang ang mga sigawan at palahaw ng mga paos na tinig. Tinig na sumisigaw ng kaapihan at katarungan. 

Dinala kami sa pinakamalapit na presinto. Hindi kami kasya sa kulungan kaya't inilagay kami sa pelota court. Doon kami nangaghiga sa diyaryo at karton. Gaya ng dati naroon din si Ka Popoy, si Ka RC Constantino at grupo ng Sanlakas/BMP upang umalalay. Kinabukasan ik-3 ng hapon inilabas kami sa kulungan sa tulong ng mga abogado ng BMP/Sanlakas. Inilabas kami dahil wala namang maisampang kaso. Nasampahan lang kami ng kaso at mga lider ng unyon pagtapos ng ilang buwan. Tatlo hanggang 5 kaso ang isinampa laban sa bawat isa sa amin. Ngunit na-dismiss din dahil wala naman dumarating sa hearing sa parte ng management. 

Hindi doon natapos ang aming pakikibaka. Hindi kami naghiwa-hiwalay pagtapos ng released namin sa kulungan, bagama't Bagong Taon na. Nagmartsa kami kung saan-saan. Nakitira sa mga simbahan, bagama't hindi lahat ay tumanggap sa amin. Nakitira ng ilang beses sa isang simbahan sa Sta. Ana na ang kura paroko ay isang butihing pari na si Father Erick Adoviso.

Ang tanging pag-asa namin ay ang Supreme Court. Kaya't isang araw, nagdesisyon kaming magsagawa ng "hunger strike" sa harapan mismo ng Supreme Court. Kung may ilang mga manggagawang sumama dito. Tumagal ako ng 13 araw, ngunit dala ng kahinaan ng aking katawan ako ay nawalan ng malay sa isang hindi makayanang sakit ng tiyan. Akala ng mga kasama ko ako ay patay na dahil hindi na makita ng mga nurses ang aking pulso. Muntik ko nang ibuwis ang aking buhay. Samantala umabot ng 28 araw (hindi ko matandaan kung 28 days nga or more) ang iba, habang sila ay naka-dextrose na. 

Bagama't lumabas agad ang desisyon sa korte ang "back to work order" at panalo namin sa Korte Suprema, (dahil sa takot na mangamatay ang mga nag-hunger strike), hindi pa rin ito pinakinggan ng kapitalistang Temic. Nakasilip pa rin sila ng paraan upang hindi kami tanggapin. 

Sa dinanas naming hirap sa pakikibaka, malinaw sa aming mga manggagawa, na "ang kapitalista ay mas makapangyarihan kesa sa gobyerno". Na ang kapitalista ang nagdidikta sa gobyerno sa lipunan. Na ang buhay ng mga manggagawa ay walang halaga kumpara sa tubo nilang tinatamasa. Kahit pa ikalat ang aming dugo sa lupa.

Setyembre 4, 2013

May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996