Pahayag ng Pagpupugay sa mga Magigiting na Kasamang Ronnie, Bong, Wowie at Fernan
Pagkatapos ng maraming pagsisikap at walang kapagurang pagkilos, ginaganap nating lahat ang ikawalong kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ang kaganapang ito ay hindi mapapasubaliang bunga ng samu't saring paggampan, pagpapagal, sipag at husay ng mga responsableng Kasama sa ating bukluran.
Sa mga nagdaang araw, taon at daang taon ng pakikibaka ng mga mulat sa uring mga kasama, napakarami na ang naganap. May mumunting kislap ng tagumpay. May takip-silim ng kabiguan. May panaka-nakang sigwa ng pakikihamok sa kaaway ng uri at may mga inaasahan na nating pagkitil ng buhay ng mga magigiting na kasama. Sa mga kasamang ang buhay ay kinitil ng kaaway ng uri; isang nagniningning na pagpupugay! Gayundin sa mga Kasamang, ang buhay ay iginupo ng karamdaman at pagkakataon. Dito nabibilang ang mga Kasamang Ronnie, Kasamang Bong, Kasamang Wowie at Kasamang Fernan, ganap nilang ikinintal sa kanilang isip at damdamin ang pagmumulat sa masa ng uri. Ngayon at higit na kailanman, nasa ating damdamin ang labis na kalungkutan at panghihinayang. Aaminin natin na gaano man tayo katatag, tiyak na may kurot ng hapdi sa puso ng manggagawa ang kanilang pagyao.
Sina Kasamang Ronnie, Bong, Wowie at Fernan ay tunay at buhay na larawan ng mga manggagawang biktima ng pagsasamantala ng uring kapitalista. Namugad sa kanilang damdamin ang kaapihang dinaranas ng kanilang mga kauri. Kaya't sa ganitong pananaw, saan 'mang dako sila ihatid ng unos ng pakikibaka, kusang loob nilang isinasabakikat ang mga tungkuling alam nilang saglit man ay, hindi dapat mawaglit sa bawat paghakbang. Batid nila na sa larangan ng pakikibaka'y laging nakasunod ang panganib subalit ang punla ng tapang sa kanilang dibdib ay tila kumpol ng sinulid na hindi mapatid-patid. Marahil tulad ng maraming Kasama, buhay na buhay sa kanilang mapangahas na kaisipan ang mga katagang "Ang paglilingkod at pagmumulat sa uring manggagawa'y 'sing bigat ng daigdig."
Sa mga mahal sa buhay at kaibigan ng mga namayapang Kasama, tandaan ninyong tayong lahat ay papanaw. Subalit, huwag din ninyong kalilimutan na ang kanilang pagyao ay nag-iwan ng mabubuting saling-lahi. Mga bagong kaisipang magpapatuloy ng kanilang mapagpalayang simulain. Mga mapangahas na damdaming makabayan at makauri na magiging panibagong tanglaw ng rebolusyong mapagpalaya. Napigtal man ang kanilang pagkakahinang sa atin at sa ating dakilang layunin, tiyak namang hindi kailanman magmamaliw ang mga mapupulang hakbang na ating tatahakin sa dako pa roon.
Tayo'y matatatag, matatapang, mapaghimagsik at mapagpalaya ang kaisipan, subalit aminin natin na tayo'y mga tao rin na sa kanilang pagpanaw ay lumaglag din ang luha sa bintana ng ating mga mata. Subalit ang mga luhang iyon ay luha lamang ng pagdadalamhati, panghihinayang at pakikiramay.
Ang pagkawala ng mga kasama'y hindi dapat maging tanda ng desperasyon manapa'y dapat itong ituring na kaganapang paghuhugutan ng ating lakas. Lakas na magtitiyak ng ating paglawak. Hayaan natin na ang pagdatal ng mumunting tagumpay at kabiguang bunga ng pakikihamok ay magpatuloy hanggang ito'y maging isang malaking sigwa. Sigwang lilikha ng malalim na dagat ng mga mulat sa uring hukbong mapagpalaya sa siyang lulunod sa mapagsamantalang sistemang umaalipin sa uring manggagawa!
Sulong sa walang kapagurang pagmumulat! Sulong sa paghakbang tungo sa malayang lipunan! Sulong sa tunay na pagbabago! Sulong sa sosyalismo! Sulong sa tagumpay!
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Ikawalong Konggreso
Ika-27 ng Enero 2018