Isabatas ang RH Bill!
Isang Hakbang Tungo sa Kaligtasan ng Buhay ng Kababaihan!
Isang Hakbang Tungo sa Kaligtasan ng Buhay ng Kababaihan!
CIVIL DISOBEDIENCE ang banta ng CBCP upang pigilan ang pagsasabatas ng Reproductive Health Bill (RH Bill) sa Kongreso. Isang malinaw na manipestasyon na ang Simbahan ay hindi kumakalinga sa mga kababaihan.
Matagal nang nakikipaglaban ang kababaihan sa mga karapatan at kalayaan. Isa na rito ang pagsasabatas ng Reproductive Health Bill na mangangalaga sa reproduktibong kalusugan ng mga kababaihan.
Sa datos ng World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ang isa sa may pinakamalaking bilang ng kababaihang namamatay dahil sa panganganak at pagbubuntis. At nang taong 2008, sa Pilipinas, dalawang libo at isang daan (2,100) kababaihan ang namatay, samantalang sa kalapit bansa natin sa Asya tulad ng Thailand ay 470, Malaysia, 170, Korea, 81, Singapore, 3 na kababaihan ang namatay. Ito ay pagpapapatunay lamang na ang gobyerno ng Pilipinas ay walang programa upang pangalagaan at tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng kababaihan bilang unibersal na karapatan nito.
Ang RH Bill na panukala ngayon sa Kongreso, na naglalayon na makapagbigay ng sapat na serbisyo at edukasyon sa paggamit ng mga contraceptives, tulad ng pills at condom, fertility awareness, teen pregnancy, ligtas na pagtatalik, kaalaman ukol sa mga sexually transmitted diseases o STD, at pagbibigay ng kalayaan sa babae na pumili ng pamamaraan na naaayon sa kanyang gusto bilang siya ang may-ari ng kanyang katawan, ang mahigpit na tinutulan ng CBCP gamit ang katuwiran ng moralidad at paglabag sa utos ng Diyos.
Ngunit sa lumolobong bilang ng mga babae na namamatay kabilang na ang mga sanggol dahil sa kawalan ng sapat na serbisyo at kaalaman ukol sa reproduktibong kalusugan, kaninong buhay kung gayon ang pinapahalagahan?
Dito sa Pilipinas, 11 babae ang namamatay araw araw dahil sa panganganak at pagbubuntis na maiiwasan sana ang walang saysay na pagkamatay kung mayroong modernong reproductive health care program ang pamahalaan. Ang usaping ito ay hindi tungkol sa moralidad, kundi reproduktibong karapatan at kalusugan. Kung moralidad ang pag-uusapan, hindi ba dapat lang na maisalba sa kamatayan ang malaking bilang ng kababaihang namamatay araw araw?
At kung patuloy na igigiit ng simbahan ang kanilang pagtangi sa pagsasabatas sa RH Bill sa kabila ng mataas na survey na nagnanais ng modernong paraan ng family planning, nangangahulugan lamang ito na isa ang simbahan sa dapat sisihin sa mga walang saysay na kamatayan ng kababaihan dulot ng kawalan ng ganap na serbisyo at pangangalaga sa kalusugan nila.
Kaligtasan ng buhay ng maraming kababaihan ang higit na dapat bigyan ng pansin. Ang pagkilala at pagrespeto sa kalayaan ng babae na pumili ng naaayon sa kanyang gusto sa pagtiyak ng kanyang kalusugan at kaligtasan ang tunay na batayan ng makataong lipunan.
SUPORTAHAN AT IPAGLABAN ANG RH BILL!!
IPAGLABAN ANG KALAYAANG MAGPASYA SA SARILING KATAWAN!
BMP-Kababaihan
October 7, 2010
October 7, 2010