Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Huwebes, Agosto 15, 2013

Workers' Standpoint 081413 - Batayang Prinsipyo ng BMP



(Mula sa pahayagang Workers' Standpoint, Taon 2, Bilang 1, na may petsang Agosto 14, 2013, at inilathala ng Labor Education Collective.)

Mula sa Editoryal Board: Sa darating na Setyembre 14, dalawang dekada na ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Sa okasyong ito, muli nating sariwain ang mga prinsipyong nagbubuklod sa ating bukluran. Pagtibayin ang pundasyon ng ating mga gawain at aktibidad. Mainternalisa ang malalim at makabuluhang mga batayan ng ating pagbubuklod. At sariwain ang diwa ng tiwala't respeto sa bawat isa bilang mga kasama sa sosyalistang kilusang paggawa.

Nasa ibaba ang ating "Artikulo II. Deklarasyon ng mga Prinsipyo at Layunin" ng ating Konstitusyon na inamyemdahan at pinagtibay ng BMP Congress noong 2011.

ANG ATING BATAYANG MGA PRINSIPYO

Ang Uring Manggagawa ang Tanging Rebolusyonaryong Uri

Kinakatawan ng manggagawa ang interes ng sangkatauhan at tunay na hustisyang panlipunan.

Hindi lamang dahil ang manggagawa - na walang pribadong pag-aari kundi lakas-paggawa at mabubuhay lamang sa pagbebenta nito kapalit ng sahod - ay ang mayorya at patuloy na lumalaking mayorya ng lipunan.

Higit dito, ang kanyang istorikal na misyon ay pawiin ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan at materyales sa produksyon - na siyang ugat ng kahirapan, kaapihan at pagsasamantala ng tao sa tao.

Sobra-sobrang kasaganahan na ang nalilikha ng tao - sa pamamagitan ng paggawa - ngunit ito ay tinatamasa lamang ng iilang panginoong may kapital.

Ang manggagawa ay sahurang alipin. Hindi lamang dahil siya mismo ay isang kalakal. Mas pa, dahil ang tubo ay nagmumula sa labis na halagang hindi binabayaran at ang sahod ay para lamang mabuhay at makapagtrabaho ang manggagawa.

Ang sistemang panlipunang ito na nakapundar sa pang-aalipin ng manggagawa ay ang kapitalismo. Ito ay kasalukuyang nasa mataas na yugto ng kanyang istorikal na pag-unlad - ang imperyalismo - na siyang dahilan ng pandarambong ng abanteng kapitalistang bansa sa atrasadong mga bansa gaya ng Pilipinas.

Ang Paglaya ng Manggagawa ay Nasa Kamay Mismo ng Manggagawa

Walang magpapalaya sa manggagawa mula sa pribadong pag-aari kundi ang kanyang sarili. Ang paglaya ng manggagawa ay makakamit lamang kung sila ay mulat sa kanilang interes bilang uri. Kung sila ay may kamalayang komon ang kanilang interes dahil sa iisa nilang pamamaraan para mabuhay - ang pagbebenta ng lakas-paggawa.

Ang unyonistang kamalayan ay binhi pa lamang ng makauring kamalayan.

Sa pag-uunyon, nagagawang mamulat ang manggagawa 'bilang empleyado'. Ang pag-uunyon ay pagpapataas at pagpapabuti lamang sa presyo at kondisyon ng pagkaalipin ng manggagawa.

Tunggalian ng Uri para sa Gubyerno ng Manggagawa

Ang pagkamulat ng manggagawa bilang uri ay hindi maiiwasang maging pulitikal ang katangian. Pulitikal ang nilalaman ng tunay at ganap na kamalayang makauri. Bahagi nito ang pagsusuri sa kasalukuyang estado bilang instrumento sa pananatili ng pagsasamantala ng kapital sa manggagawa, ng iilan sa nakararami.

Ang pagkamulat ng manggagawa bilang uri ay kumikilala sa pangangailangang itayo ang gubyerno ng manggagawa - ang pagkakaorganisa ng manggagawa bilang naghaharing uri.

Tungkulin ng estado ng manggagawa na ilatag ang mga kondisyon para sa pagpawi ng pribadong pag-aari at pagsasamantala ng tao sa tao. Nangangahulugan ito ng ganap na pagbabago sa ugnayan ng mga tao sa lipunan, isang tuluy-tuloy na transpormasyon nito mula sa lipunang kapitalismo tungo sa sosyalismo - ang lipunan ng manggagawa, kung saan ang mga kasangkapan at materyales sa produksyon ay hindi na pribadong pag-aari at ang pangangailangang malilikha mula rito ay matatamasa na ng mayorya sa lipunan.

Ang pagrurok ng tunggalian ng mga uri at ang pagkamulat at pagkakaorganisa ng manggagawa bilang uri ang dalawang mahahalagang kondisyon para agawin ng uring manggagawa ang kapangyarihang pampulitika at itayo ang sarili nitong gubyerno.

Ang pag-uunyon ay iskwelahan ng tunggalian ng uri sapagkat dito nagsisimulang makita ng manggagawa ang paggalaw ng iba't ibang uri sa lipunan at kung paano nagsisilbi sa interes ng kapital ang kasalukuyang estado.

Manggagawa bilang Lider ng Bayan

Ang Pilipinas ay isang atrasadong kapitalistang bansa. Pinagdudusahan hindi lamang ng manggagawa kundi ng iba pang mga uri at sektor - gaya ng magsasaka at ng petiburges ng lungsod at kanayunan ang makupad na pag-unlad ng kapitalismo sa bansa bunga ng imperyalismo.

Umaapi rin sa taumbayan ang pagiging bulok at depormado ng burges na demokrasya sa bansa, na nagkakait sa kanila ng batayang mga pampulitikang karapatan at kalayaang sibil.

Ang pagkakamit ng mga batayang karapatang ito sa ilalim ng kapitalistang lipunan ay hindi solusyon sa sahurang pang-aalipin kundi mga reporma lamang sa isang sistemang hindi lamang tadtad ng depekto kundi ito mismo ay depektibo.

Ganunpaman, ang pakikibaka para sa mga demokratikong karapatan ay magsisilbi para sa pampulitikang preparasyon ng manggagawa upang siya ay mamulat bilang uri.

Ang manggagawa ay mamumulat sa pakikibaka. Ito ang magbibigay sa kanya ng pampulitikang karanasang magtuturo sa kanya sa kakapusan ng mismong pagrereporma sa kapitalismo. Pakikibaka ang pinakamabisang guro ng manggagawa, higit pa sa libo-libong polyeto at mga programa.

Ang pamumuno ng manggagawa sa laban ng bayan ang garantiya sa ganap na tagumpay ng naturang mga reporma at ng demokratikong pakikibaka.

Organisahin ang Manggagawa bilang Uri

Ang saligang tungkulin ng BMP ay pag-oorganisa sa pagkakaisa ng manggagawa bilang uri. Pumapatungkol ito sa pampulitikang pag-oorganisa, ng tuluy-tuloy na pagmumulat sa kanilang istorikal na tungkulin para pawiin ang pribadong pag-aari at itayo ang sosyalistang lipunan.

Ang ispesyalisasyon ng BMP ay pampulitikang pag-oorganisa para sa paglakas ng kabuuang kilusang paggawa sa bansa, kasama ang kilusang unyon.

Proletaryong Internasyunalismo

Dahil ang pang-aapi sa uring manggagawa bilang mga sahurang alipin ay isang pandaigdigang sistema, ang pakikibaka ng manggagawang Pilipino ay di maiiwasang magkaroon ng internasyunal na katangian. Mismo ang paglaya at pag-unlad ng bansang Pilipinas ay di magkaroon ng ganap na katuparan hangga't ang kapangyarihan ng imperyalismo ay naghahari sa buong daigdig.

Ang ganap na katuparan ng sosyalistang misyon ng uring manggagawa sa mga bansang gaya ng Pilipinas ay mapagpasyang nakasalalay sa pagsulong ng internasyunal na kilusan ng uring manggagawa laban sa pandaigdigang kapital at kapangyarihan ng imperyalismo. Sa batayang ito ang panawagang "Manggagawa sa lahat ng bansa, Magkaisa" ay isang sentral na prinsipyo para sa BMP, at ang pakikibaka't tagumpay ng manggagawang Pilipino laban sa paghahari ng imperyalismo sa bansa ang pinakamalaking ambag natin sa kilusang manggagawa  sa buong daigdig.

May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996