PAHAYAG
December 15, 2011
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)
Totoong Reporma para sa Masa,
Hindi Telenobela ng mga Elitista
Sa nagdaang mga araw, napakabilis ng mga pagdedesisyon ng iba't ibang sangay ng gobyerno sa alitan ng magkakabanggang paksyon ng mga elitista sa bansa.
Ang impeachment ni Corona (sa isang kumpas ni P-Noy, nagkandandarapa ang Kongreso at tuluyang naihain sa Senado ang Articles of Impeachment laban sa punong mahistrado).
Ang hospital arrest ni Gloria Arroyo (sa pagkontra-agos ng DOJ sa TRO ng Korte Suprema at paghain ng DOJ-Comelec ng kasong electoral sabotage sa Pasay-RTC).
Ang kasunod nitong pagsuko ni dating Comelec Commissioner Abalos para harapin ang katulad na kaso.
At ang kautusan ng Korte Suprema na ipamahagi sa mga magbubukid ang natitirang lupain ng Hacienda Luisita.
Isang kagila-gilalas na pagsapraktika ng "political will" ng rehimeng P-Noy! Pero para saan? Para gumanti sa kanilang karibal na paksyon sa pulitika! Para konsolidahin ang kontrol ng pangkating Aquino sa estado poder!
Ang tanong: Ang mga naganap bang mga "mapangahas" na desisyon ay may nagawang pagbabago sa pang araw-araw na buhay ng masang Pilipino laluna sa uring manggagawa? Wala!
Kahit kaunti ay walang maidadagdag ang mga "kagila-gilas na pangyayaring ito" sa noche buena ng mga ordinaryong Pilipino sa darating na kapaskuhan!
Wag silang magpalusot (laluna na si P-Noy at Partido Liberal) na ang mga nangyayaring ito ay "paglilinis" ng pulitika bago malasap ng taumbayan ang mga pagbabago sa kanilang kabuhayan. Hindi kami ipinanganak kahapon!
Dahil ba sa mga kaganapang ito ay napigilan (kahit bahagya) ang korapsyon sa kaban ng bayan? Nalinis na ba nito ang sistemang elektoral na pinaghaharian ng "guns, goons and gold"? Hindi! Sinumang sumagot ng "oo" sa mga katanungang ito ay isang tanga o isang sagad-sagaring sinungaling.
Hinahamon ng manggagawa ang rehimeng Aquino: Kaya naman palang bumilis ang mga proseso sa pagdedesisyon sa gobyerno. Bakit hindi niyo ginagamit ang "political will" sa mga repormang para sa taumbayan?
Nasaan ang mayorya ng Kongreso upang isabatas ang dagdag na sahod at depensahan ang regular na trabaho sa salot ng kontraktwalisasyon? Bakit sa mga hinaing ng taumbayan - halimbawa, sa regulasyon sa presyo ng langis - ang parating sagot ng Palasyo ay kailangan muna itong mag-"review"?
Ang kasalukuyang mga pangyayari sa pulitika ay isang nakakasawa nang telenobela para sa masang manggagawa. Hindi ito kalutasan sa aming problema. Kaya lalong huwag nilang asahang maaliw kami sa gasgas na palabas na ito at makalimutan ang aming mga sikmurang kumakalam.