Paalala: Ang artikulong ito'y ambag sa aklat na BMP 20, na alay para sa ika-20 anibersaryo ng BMP sa 14 Setyembre 2013.
ANG BMP SA PANAHON NI KA POPOY
ni Pohlee C. Hernandez
Halos baguhan pa lang ako noon sa pederasyong United Workers of the Philippines o UWP na ngayon ay SUPER na o Solidarity of Union in the Philippines for Empowerment and Reform. Ang aking task ay gawaing edukasyon at paminsan-minsan ay gumagampan ng OD work. Ang narinig ko na isang mabigat na problema noong mga panahong iyon sa pederasyon ay CBA negotiation sa unyon ng Chivalry food sa Malabon. Ayaw na kasi ng management na makipag-negotiate dahil ang gusto niya ay isara ang kompanya at bayaran na lamang ng separation pay ang mga manggagawa. Mayroon din siyang offer sa pederasyon na halagang P300,000.00 para naman kumbinsihin ang pamunuan ng unyon na pumayag na sa gusto ng management.
Si Ginoong Amado Ching ang sugo ng management upang makipag-usap sa mga opisyales ng pederasyon at magpaliwanag na din ng plano ng management. Ang analisis dito ng mga top officers ng UWP ay pansamantala lang ang pagsasara dahil ang talagang layunin ng kapitalista ay mawala ang unyon. Sa puntong ito ay agad na ipinatawag ng National Executive Council ng pederasyon ang mga lider ng unyon upang ilatag ang plano ng management at maibaba ang analisis ng mga officers ng UWP. Nagkaisa ang pamunuan ng unyon at pederasyon na ipaglaban ang karapatan sa trabaho at sa CBA. Ilang beses na negotiation pero matigas ang kompanya sa kanyang stand.
Sa pagkakataong ito ay inilapit na ng pederasyon sa BMP ang problema at sa pamamagitan ni ka Popoy ay isinalang ang tactics plan ng UWP, BMP at ng unyon. Sa Barrio Fiesta ginanap ang pag-uusap. Ang representante ng kapitalista ay si Mr. Ching at sa pederasyon naman ay ang Pangulo, Vice at si ka Popoy. Nagboluntaryo akong sumama na ang layunin ko ay makapulot ng karanasan sa negosasyon at syempre pa para makakain sa Barrio Fiesta.
Unang inihain ang sopas, sabi ko sa sarili ko, hindi ako nagkamali na sumama kasi totoo nga pala na masarap ang pagkain kasi sopas pa lang, ulam na. Di kaginsaginsa sa pagitan ng mga pag-uusap ay narinig ko na tumaas ang tinig ni ka Popoy. Ang mga binitiwan niyang kataga sa aking pagkakaalala eh ganito. "Subukan ninyo ng amo mo na isara ang pabrika at pati mga mata ninyo ay isasara ko." Naku po! Ito pala ang ka Popoy na naririnig ko. First time ko makadaupangpalad at makasalamuha si ka Popoy. Habang kumakain na ako ng main dish eh parang wala akong malasahan. Nanginginig ang aking daliri at umiikot ang aking mga mata. Ang iniisip ko ng mga sandaling iyon ay kung saan ako tatakbong palabas if ever na magkagulo.
Sinulyapan ko si Mr. Ching, namumutla rin siya at nanginginig din ang mga kamay. Nakita ko si ka Popoy na tumayo na at umalis na ng restawrant. Tinanong ni Mr. Ching sa aming Presidente kung sino si ka Popoy? Ang sagot ng aming Presidente ay lider ng ABB. Mga ilang linggo ang lumipas at ayun hindi na isinara ang kompanya at natuloy ang collective bargaining agreement negotiation sa Chivalry Food. Marami pang mga CBA nego na matagumpay na nairaraos ng mga panahong iyon na kabalikat ng UWP ang pamunuan ng BMP.
Nagkaroon din noon ng internal problem sa loob ng pederasyon. Nagkanya-kanyang grupo ang mga ilang personahe. May hibo ng pag-aagawan ng liderato, may mga character assassination na sa bawat isa. Nang makaabot ito sa kaalaman ng pamunuan ng BMP ay kagyat na ipinatawag ang mga ilang susing lider. Pinagharap-harap. Makalipas ang ilang panahon at bumalik ang dating lakas, tatag at ipinagpatuloy ang pagpapalawak sa hanay ng UWP.
Ang aking obserbasyon ay muli kaming naging inspirado na magpatuloy sa mga gawain sa loob at labas ng UWP. Ang taas ng momentum ng mga manggagawa. Ramdam ang Labor Power. Halos lahat ng ipinutok na welga ay nagtagumpay. Iyon ang aking mga alaala sa panahon ng pamumuno ni ka Popoy sa BMP.
Noong mag-umpisa na naman na magkaroon ng internal problem sa SUPER, lagi-laging pumapasok sa isip ko na nangyari na ito noon at pareho din ang kahahantungan na maisasaayos din ang lahat. Pero bigo ako, hindi nangyari ang aking inaasahan. Taon pa ang binilang at sa dulo ay ginanap pa ang ispesyal na Kongreso. Hanggang ngayon ay mayroon pa din na mga banta ng pagkawasak sa aming pederasyon. Tanong lang, kung ito kaya ay nangyari noon na ang namumuno sa BMP ay si ka Popoy, maibabalik kaya ang sigla, lakas at katatagan ng SUPER? Mapaparusahan kaya ang mga taong gumagawa ng katampalasanan sa organisasyon para sa kanya-kanyang personal na interes?
Ang lahat ng ito ay mananatili na lamang sigurong mga katanungan na aking aalalahanin tuwing sasapit ang anibersaryo ng BMP. Isang mapagpalayang pagbati sa ika-20 anibersaryo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino!
06 Hunyo 2013