Mga Kapatid sa Paggawa,
Ang laban ng Goldilocks ay matagal na nating sinubaybayan mula ng maitatag ang kanilang unyon hanggang umabot sa pagwewelga noong nakaraang taong 2010. Ang welga ay umabot sa dalawang linggo at nagkasundo ang magkabilang panig sa mga mahahalagang usapin na inihapag ng mga manggagawa. Ang kaugnay sa pagkilala sa unyon ng BISIG-AGLO sa pamamagitan ng paglulunsad ng Certification Election at reinstatement sa 127 iligal na tinanggal na mga manggagawa.
May pinagbatayang dahilan kung bakit humantong sila sa welga. Ang puno’t dulo ng lahat ay ang problema sa mga naunang desisyon na ang naging dahilan ay ang mismong paghusga ng ilang tiwaling opisyal sa NLRC na ang piket protest na inilunsad nila sa panahon na silay naka-ofF-duty noon ay ginawang illegal strike. Sa kabila na walang pormal na reklamo ang management sa NLRC ay naglabas ng Ilegal Strike Order ang NLRC. Garapal at hokus pokus ang order na ito ng NLRC, na siyang ikinatanggal ng 127 mga manggagawang opisyal at lider ng unyon
Tatlong (3) ulit ng naganap sa goldilocks ang Certification Election (CE). Una: Regular CE noong 2007, Ikalawa: Run-Off CE noong 2009 ng Bisig-Aglo at Buklod. Ikatlo: Kautusan ng Court Of Appeal na mag-Election na lang ulit ang mga nag-laban sa Run-Off Election na ginanap noong May 6, 2011 para ”once and for all” malutas na ang usapin sa CE at Representasyon sa CBA.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan higit limang (5) taon na ay wala pa ding linaw ang resulta ng halalan. Ang pinakahuling Certification Election noong Mayo 6, 2011 sa atas (Order) ng Court Of Appeal. Para matuloy lamang ang matagal ng pagkabalam sa konstitusyunal na karapatan ng mga manggagawa sa pagtatayo ng unyon (CE) ay pumayag na tayong ituloy ang botohan at pag-usapan na lamang kung alin ang mga lihetimong boto ang dapat na bibilangin.
Ngunit muling gumala na naman ang mga ANAY sa loob ng Department of Labor. Ang sabwatan ng DOLE, Management ng Goldilocks at mga Pederasyong Fly By Night na mga tuta ng kapitalista at mga Aristokrata sa Paggawa. Muli na namang pinagkaperahan ang konstitusyunal na batayang karapatan ng mga manggagawa sa pagtatayo ng unyon, seguridad sa trabaho at pakikipag-CBA.
Lumabas ang husga ng DOLE-NCR noong April 27, 2011 na may lagda ni: Med. Arbiter Atty. Simonete Colobocal. Ang dating 200 Protech workers vote na nalagay na sa segregated vote at nahusgahan nang hindi kasali sa botong bibilangin noong 2009. At ang 500 manggagawa na wala naman sa list of voterts na isinumite ng Management sa DOLE, na hindi naman mga empleyado ng Goldilocks ay gusto na namang isali sa bibilangin boto.
Mga kasama, ang simpleng karapatan sa pagtatayo ng unyon ng mga manggagawa ng Goldilocks ay umaabot na ng limang (5) taon, ang kaso ay umaabot na sa Korte Suprema. Sa tatlong ulit na Certification Election (CE) hanggang sa ngayon ay wala pa din pinal na napoproklamang panalong unyon at SEBA. Ang patuloy na pagkaantala sa karapatan ng manggagawa na magtayo ng unyon, ang paulit ulit na CE at pag-abot ng kaso sa Korte Suprema, ang ating tanong? Pinaglalaruan at pinagkakaperahan ba ang mga kasong ito ng sabwatang Kapitalista, DOLE at mga Ferderasyong binubuo ng mga Aristokrata sa paggawa
Mga Kasama, Ang kaso ng Goldilocks, URC 41, PALEA at BDO ay matagal na nating sinusubaybayan, Sapagkat, ang mga kasong ito ang kongkretong patunay natin kung paano garapalang sinusupil at pinagkaka-perahan ng sabwatan ng DOLE, Kapitalista at mga Aristokrata sa paggawa ang kontitusyunal na batayang karapatan nating mga manggagawa sa regular na empleyo, karapatang mag-unyon at makipag-CBA. Ang pagtagal ng ating mga kaso sa DOLE, NLRC, patuloy na pagkaantala at pagsagka sa ating mga batayang karapatan, pagdami ng mga reklamo ng ating mga OFW ang kongkretong patunay na umaalingasaw na laganap ang korapsyon sa DOLE, NLRC, POEA at OWWA.
Narito ngayon ang hamon natin kay P-Noy, kung seryoso siya sa “krusada” niyang labanan ang Korapsyon at gusto niya talagang linisin ang kanyang administrasyon para sa mabuti at matapat na pamamahala (Good Governance) huwag siyang kukurap sa “krusada” niyang ito. Kung nagawa niyang simulang linisin ang AFP-PNP, patalsikin ang Hepe ng Ombudsman, dito sa DOLE, NLRC, POEA at OWWA, simulan na niyang linisin ito. Sapagkat higit na malala at malalim ang epekto ng korapsyon dito. Ang korapsyon dito ay direktang tumatagos sa mga pabrika, plantasyon, opisina, iskwelahan at ibayong dagat sa mga kapatid nating OFW. Ang Dirtektang tinatamaan at biktima ng korapsyon dito ay ang mga pobreng manggagawa sa loob at labas ng bansa.
P-Noy, sa gitna ng krisis, higit na kailangan ang proteksyon sa mga manggagawang nagugutom at walang matirahan, kaysa iilang mga kapitalistang nagtatampisaw sa karangyaan sa buhay.
Mga kasama, ayaw natin na ang karanasan ng mga manggagawa sa Goldilocks, URC 41, PALEA at iba pa, na daranasin pa ng mga susunod pang henerasyon ng mga manggagawa. Marami tayong mga kaso na inihahapag sa DOLE, NLRC, POEA at OWWA na ang mga desisyon ng mga opisyal dito ay hindi tumitingin at nakabatay sa merito ng kaso, kundi sa buhos ng pera, impluwensya at kapangyarihan.
Mga Kasama, sobra na ang kapabayaan at korapsyon sa DOLE. Panahon na para wakasan ang ganitong kalakaran. Tayo ay maglulunsad ng kilos protesta sa harap ng DOLE Intramuros. Upang ilantad ang laganap na korapsyon sa DOLE. Ipaglaban ang kagyat na hustisya sa mga kapatid nating manggagawa ng Goldilocks, URC 41, PALEA at mga kapatid nating OFW at iba pang manggagawang inaalisan ng empleyo at patuloy na pinagkakaitan ng regular na trabaho, sahod na makakabuhay ng pamilya, karapatang mag-unyon at makipag-CBA para sa pagkakamit ng ”Marangal na Trabaho! at Marangal na Buhay”!
Sobra na ang Kapabayaan at Korapsyon sa DOLE! Dapat na itong Wakasan na!