Paninindigan ng BMP laban sa JPEPA
isinalin mula sa orihinal na Ingles ni Greg Bituin Jr., manunulat ng pahayagang Obrero, nalathala sa pahayagang Obrero, Oktubre 2007 isyu
Panawagan ng Manggagawa: Ibasura ang JPEPA!
Kinokondena namin, kaming mga manggagawa mula sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino at kasapi ng mga alyadong samahan mula sa sektor ng mga maralita ng lunsod at magsasaka, ang pamahalaang Pilipinas dahil sa paglagda nito sa Japan-Philippines Economic Partnership Agreement noong Setyembre 8, 2006 sa Helsinki, Finland nang walang konsultasyon sa mamamayan lalo na sa mga sektor na apektado ng kasunduang ito.
Ngayon, napwersa ng gobyernong pakinggan ang panawagan ng publiko upang sang-ayunan at ratipikahan ang JPEPA, nananawagan kami sa ating mga senador na maging isa sa publiko at sa mamamayan sa pagbasura sa kasunduang ito dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:
Una, ang kasaysayan ng kasunduan sa ekonomya sa pagitan ng Japan at ng Pilipinas ay karaniwang inilalarawan sa pagsasabing ang Japan ang pinakamalaking pinagmumulan ng direktang dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas at gayundin naman, ang pinakamalaking pagkukunan ng bansa ng opisyal na tulong pangkaunlaran. Noong 2003, ang lumalaking bugso ng Pilipinas ay nagkakahalaga ng $22.1B, habang ang kabuuang ODA mula sa Japan nong 2002 ay nagkakahalaga ng kabuuang 41.4 bilyong yen. Gayunpaman, pagkalipas ng 20 taon ng pamumuhunan, pakikipagkalakalan at pangungutang, ang lumang kasunduang pang-ekonomya sa pamamagitan ng 1979 RP-Japan Treaty of Amity, Commerce and Navigation ay nakakapaglikha lamang ng maliit na ganansya para sa Pilipinas. Sa katunayan, nasa 55.5% ang bahagi ng mga pautang ng bilateral ODA ng Japan, at noong 1996, 60% ng mga pautang na ito ay natali sa mga kondisyon tulad ng pagkuha ng mga makinarya ng Japan, atbp.
Ikalawa, kahit na nananatili pa ring ang Japan ang ikalawang destinasyon ng pagluluwas ng mga produkto ng Pilipinas tulad ng prutas, gulay, produktong mula sa dagat at iba pang produktong elektronik at semiconductor, ang paglaga ng halaga ng kalakal sa pagluluwas at pagpasok kasabay ng Japan, o ang balance ng kalakalan ng bansa sa nakaraang anim na taon, ay nananatiling kapos. Nananatili ang bansa bilang tagaluwas ng mga produktong Hapon kung saan mas mataas ang halaga ng import sa eksport ng may taunang pinatakang halaga na $ 949,149,501 M US para sa taon 2000-2006.
Sa mga huling pag-aaral (Vibal, 2007) ng Task Force Food Sovereignty na nagsasabing ang mga eksport ng Pilipinas sa japan ay binubuo pangunahin ng mga produktong industryal na may pinatakang halaga na 77% ng kabuuang eksport sa Japan. Ang bahagi ng tubo ay nasa pinatakang halaga ng $ 6.9B US. Sa pagitan ng mga produktong industryal, ang mga elektroniko ang pinakamalaking bulto ng eksport, kasunod ay makina at kagamitang pambiyahe at bahagi nito.
Ikatlo, bagamat binigyang pansin ng pinondohan-ng- gobyernong pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies or PIDS na ang pagbabawas at pagtatanggal ng taripa sa JPEPA ay mahalaga sa pagpapatatag ng pagsasamang pang-ekonomya ng Japan at Pilipinas at mahalaga rin itong bahagi ng kasunduan, kasama ang bahagi ng isang posibleng kasunduan sa malayang kalakalan (upang hustong umaayons sa Artikulo XXIV ng General Agreement on Tariffs and Trade).
Gayunpaman, habang inaasahang babaan at sa kalaunan ay mawala na ang taripa sa mga produktong agrikultural at industryal ng Pilipinas, ang tinutukoy naman ng mga Hapon ang kahirapan ng pagtatanggal ng taripa sa sektor ng agrikultura at pangingisda dahil sa maraming gampanin ng mga sektor na ito. Sa katunayan, hinihiling ng mga kinatawan ng sektor ng agrikultura at pangingisda sa Japan na malibre na ang ilang produktong agrikultura at pangingisda mula sa pagtatanggal ng taripa tulad ng prutas, gulay at sardines. Dagdag pa rito, nailibre ng Japan ang 32 sa mga industryal na produkto nito sa pagtanggal ng taripa.
Ikaapat, ang pagpasok ng mumurahing imported na produktong agrikultura at pangingisda, pati na iba pang panindang industryal tulad ng mga sobrang kagamitang elektrikal ng Japan at kahit na ang mga nagamit nang mga damit ay magtutulak upang bumaba ang presyo ng pangunahing mga bilihin sa maikling panahon lamang, ngunit sa pangmatagalan, napakasama ng epekto ng pagpasok ng mga murang produkto mula sa Japan sa ating seguridad sa pagkain at sa ating lokal na industriya (tulad ng agrikultura at pangingisda, kasuotan at tela, elektroniko, atbp.)
Para sa sektor ng paggawa, bagamat may pangungusap sa paggawa sa ilalim ng Investment and Labor section ng JPEPA, tulad ng Artikulo103 sa Kabanata 8 na nagsasabing “na dapat sa walang pagbaba sa mga batas paggawa sa bansa kapag nanghimok ng pagpasok ng pamumuhunan sa bansa at ang mga pamantayan sa paggawa na isinasaad ng International Labor Organization (ILO) ay ipatutupad tulad ng minimu wage, oras ng trabaho, kalusugan at kaligtasan.”
Gayunpaman, ang pangungusap na ito sa paggawa ay salungat sa probisyon ng Review of Laws and Regulations (Artikulo 4, Kabanata 1) ng JPEPA na ipinagkakasundo na tungkulin ng bawat partido na: “Timbangin ang posibilidad ng pag-amyenda at pagpapawalangbisa ng mga batas at alituntuning may kaugnayan sa JPEPA kung wala na ang mga kalagayan at layunin para ito pagtibayin o kung ang mga kalagayan at layunin ay maaaring malutas sa paraang kaunti ang limitasyon sa kalakalan.”
Para sa sektor ng paggawa, ang ibig sabihin ng “kaunti ang limitasyon sa kalakalan” na ang proteksyon ng pamumuhunan ay mas mahalaga kaysa iba pang usapin kahit na sa proteksyon ng karapatan at pamantayan sa paggawa. Sa katunayan, bagamat walang batas na sumasang-ayon halimbawa sa polisiyang “walang unyon, walang welga” sa mga espesyal na pang-ekonomikong sona, ang di-tamang gawaing ito ay ginagawa at maaari ring lumaganap pa kapag nalagdaan na bilang tratado ang JPEPA at nagkabisa na.
Panghuli, isa sa pangunahing katwiran ng administrasyong Arroyo sa pagtulak ng JPEPA ay ang umano’y pag-eksport ng wala pang isanlibong caregiver at mga nars bawat taon. Gayunpaman, maraming mga tanong hinggil sa mga mahigpit na rekisito at mapamiling alituntuning nakasaad sa parehong probisyon sa ilalim ng JPEPA, na nagsisilbing kaduda-duda ang sinseridad ng gobyernong Japan sa pagpasok ng ating mga health professional sa kanilang sistemang healthcare. Dagdag pa, may tumitinding pag-aalala sa kabuuang konstribusyon na ang kasunduan ay merong tinatawag na social cost ng migrasyon, pati na rin pagkaubos ng mga kinakailangang health worker, na kinatatakutang resulta ng pagbaba ng kalidad ng sistema ng kalusugan sa bansa.
Sinasalamin ng JPEPA ang patuloy nitong paiba-ibang pagtangan sa negosasyong pangkalakalan – dahil lamang wala tayong malinaw na pambansang balangkas ng pagsulong (national development framework) sa pagpasok sa mga katulad nitong kasunduan sa malayang kalakalan. Ang ilan pa sa mga pangunahing usapin ng “pambansang balangkas ng pagsulong” na ito ay dapat manindigang dapat isama ang proteksyon at paglikha ng trabaho, independensya sa pagkain, proteksyon sa kapaligiran at kalikasan, at marami pang iba. Sa huli, tiyak na tatama sa mga pangunahing sektor at sa taumbayan ang masamang epekto ng JPEPA.
04 Setyembre 2007
Maynila, Pilipinas