Pakikiisa sa "academic freeze" at "student strike"
Ang BMP ay nakikiisa sa panawagang pambansang "academic freeze" na isinusulong ng iba't ibang samahan sa loob ng akademya (mula sa estudyante at sa kaguruan). Sa kaliwa't kanang krisis na kinaharap natin - pandemya, resesyon, at delubyo dahil sa bagyo - sadyang hindi uubra ang "business as usual" para sa sistema ng edukasyon, sa pribado at pampublikong mga paaralan at unibersidad.
Ang pagpapatuloy ng academic calendar ay pagkikibit-balikat sa dinaranas na hirap ng karaniwang pamilyang Pilipino (kasama ang mga estudyante) sa harap ng naturang mga krisis. Hindi pa sila nakakabangon sa kalamidad. Marami ang wala pang signal dahil sa nasirang imprastraktura sa kuryente't telekomunikasyon. Buong-buong rehiyon ang naghihintay sa paghupa ng baha para sa kanilang pagbangon at sa panunumbalik ng kanilang kabuhayan at pamumuhay. Bago nito, maraming manggagawang magulang ang naobligang unahin ang pagbili o pag-utang sa mga gadget na gagamitin ng kanilang mga anak sa sistemang online schooling imbes na ilaan ang kanilang kakarampot na kinikita para sa mas kagyat na pangangailangan ng kanilang pamilya (pagkain, bayad sa kuryente't tubig, atbp.).
Hinggil sa panawagang "student strike", ang BMP ay nakikiisa sa panawagang singilin ang malubhang pagpapabaya ng rehimeng Duterte sa pagtugon sa mga krisis sa kalusugan, ekonomya, at kalamidad. Ang pagpapataas ng mga kahilingan mula sa sektoral tungo sa pulitikal na panawagan ay tama at makatuwiran. Ganunpaman, hindi nananaig ang ating mga kahilingan dahil lang sa katumpakan at sa "pwersa ng katuwiran", tulad ng kamanghamanghang mga inisyatiba nila Greta Thunberg at mga kabataan ng Thailand.
Batay sa aming karanasan, bilang organisasyon ng manggagawa, ang welga ay nagtatagumpay kapag nagagawang pigilin ang operasyon ng kompanya, sama-samang ipagkait ng manggagawa ang kanilang lakas-paggawang lumilikha ng tubo, at dahil dito, ay naoobligang magbigay ng konsesyon o magkompromiso ang kanilang employer. Wala pa sa ganitong antas ang kamulatan at pagkakaorganisa ng manggagawa. Itinutulak sila ng pagbatbat ng iba't ibang krisis na solo-solong unahin ang kabuhayan at kaligtasan ng kanilang pamilya. Subalit ang mga krisis ding ito ang magtutulak sa kanila sa pagsasama-sama, sa realisasyong ang pagkakanya-kanya ay mas magdudulot ng ibayong perwisyo dahil nananatili at lumulubha ang "panlipunang ugat" ng mga krisis sa kalusugan, ekonomya, at kalikasan.
Mas mapapabilis ang kanilang pagkamulat, kung ang mga estudyanteng nananawagan ngayon ng "student strike" ay tutulong sa pagmumulat at pag-oorganisa sa manggagawa tungo sa mga pangkalahatang protesta (o welgang pampulitika) na magiging makatuwirang pwersa para patalsikin ang bulok at palpak na klase na estado na kasalukuyang naghahari sa sambayanang Pilipino.
#AcademicBreakNOW
#NoStudentLeftBehind
#HindiKamiWaterproof
#DutertePanagutin