PAMBANSANG KATIPUNAN NG MANGGAGAWA
WORLD FEDERATION OF TRADE UNIONS
(KATIPUNAN - WFTU)
Enero 27, 2018
Mga kasama,
Binabati kayo at sinasaluduhan ng Pambansang Katipunan ng Manggagawa (Katipunan-WFTU) sa pagdaos ng inyong matagumpay na ikawalong kongreso sa gitna ng malupit na panghuhuthot ng kapital sa pinagpaguran at pinagpawisan ng ating hanay sa mga pabrika at pagawaan.
Hindi pa man, sa dikta ng mga dayuhang bangko at mga pampinansyang mga institusyon, iniregalo sa mamamayang Pilipino ang reporma sa pagbubuwis sa pamamagitan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.
Malinaw na ito ay isang fund-raising program ng pamahalaang Duterte na kailangan nitong isakatuparan upang makumbinsi niya ang mga uutangan nitong mga bangko na may pagkukunan ito ng ipambabayad sa kanyang bagong uutangin, kahit na ano pa ang sabihin nito.
Hindi na nga nito binibigay ang nakabubuhay na sahod sa kanyang manggagawa na lantarang paglabag sa mandato ng Saligang Batas nito (Art. 13), babawasan pa nito ang kakarampot na kitang inuuwi ng mga manggagawa sa kanilang pamilya.
Tila nakikiuso ang bagong pangulo ng Pilipinas sa ibang bansa na nagtaas din ng pagbubuwis sa kanilang mga mamamayan, upang pakalmahin ang kalooban ng mga bangkong magpapautang at tiyakin ito na mababayaran sila ng mga gobyernong uutang sa kanila.
Austerity measures, pension cut at pagbawas sa budget ng sektor ng edukasyon, pabahay, kalusugan ay mga nagdudumilat nang reyalidad sa maraming mga bansa ngayon, mayaman man o mahirap. Suma-total, perwisyo sa mamamayang gumagawa sa daigdig.
Tapikin natin sa balikat ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), sampu ng kanyang mga kasamang kaalyado sa ilalim ng World Federation of Trade Union - Philippines, sa pagpupursigi nating pagkaisahin lahat ng manggagawa sa mundo na sama-samang baliktarin ang tatsulok, kung saan magiging pantay-pantay na ang lahat, mawawaksi ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa tao at bansa sa kanyang kapwa bansa, matutugunan ang lahat ng pangangailangan ng tao sa ilalim ng isang lipunang may pagkalinga sa kanyang mamamayan o mas kikilalanin nating lipunang sosyalismo na pamamahalaan ng proletaryadong manggagawa.
Mabuhay ang Anti-Imperyalistang Pagkilos ng Uring Manggagawa!
Mabuhay ang Uring Manggagawa!
Mabuhay ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino!
Mabuhay ang ika-8 Kongreso ng BMP-WFTU!
National Head Quarters: 317 Jiao Building, 2 Timog Ave, Quezon City
Email Address: katipunan_ncw@yahoo.com