Press Release
14 Enero 2014
Contact person:
Gie Relova
0915-2862555
14 Enero 2014
Contact person:
Gie Relova
0915-2862555
‘Sang taong pahirap na Sin Tax, dapat nang ibasura!
GALIT dahil pagkabawas ng araw ng trabaho nang magsimula ang Bagong Taon, sinugod ng mga empleyado mula sa isang malaking kumpanya ng tabako sa Marikina ang Batasang Pambansa at hinikayat ang mga mambabatas na agad na magpasa ng panukalang batas na magpapawalang-bisa sa Republic Act 10351 o ang Sin Tax Reform Law of 2012. Ang pagpapawalang-bisa sa nasabing batas, ayon sa kanila, ay magwawasto sa inhustisya na ipinataw sa kanila ng pamahalaang Aquino.
Nasa ikalawang taon pa lamang ng pagpapatupad, ang pinakahuling iskema ng batas ay nagbigay sa pamahalaan ng dagdag na P41.1 bilyon ng sariwang kita. Ang kabuuang kita mula sa koleksyon ng excise tax mula Enero hanggang Nobyembre 2013 ay umabot ng P91.6 bilyon, mas mataas ng 6.7 bahagdan kung ikukumpara sa target na buong taon ng 2013 na P85.86bilyon ayon sa ulat ng Bureau of Internal Revenue.
Kabaligtaran sa sinasabi ng mga mambabatas sa pangunguna ni Senador Franklin Drilon at ang pangunahing tagapagtaguyod ng sin tax na si Secretary Cesar Purisima ng Department of Finance na ang Sin tax ay diumano tutungo sa pagkawala ng trabaho, tinuligsa ng mga manggagawa ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation (PMFTC) sa pangunguna ng pangulo ng unyon na si Rodelito Atienza at ng kanilang mga tagasuporta ang batas sa Sin Tax pati mga may-akda nito.
"Sagad-sagarang nagsinungaling ang mga mambabatas noong deliberasyon ng batas. Dahil sa kanilang mga kasinungalingan, ang mga pamilya ng mga manggagawa'y nagdurusa ngayon sa kakapusan ng panggastos dahil pinagkait maging produktibong trabaho sa mga susunod na limang buwan ang mga manggagawa," ani Atienza.
"Hinahamon namin ang 210 kongresista at 10 senador na ipaliwanag sa amin kung bakit kami sumugod sa Batasan gayong dapat ay produktibo kaming gumagawa sa aming mga trabaho ngayon? Dalhin nila ang kanilang mga graph at charts, isama ang kanilang mga economic adviser mula sa mga prestihiyosong paaralan dito at sa ibayong dagat at patunayan sa amin na ang pagkawala ng trabaho ay kayang maiwasan sa ilalim ng sin tax," ayon pa kay Atienza.
Tinawag ni Atienza ang nasabing batas sa buwis na sadyang hindi makatarungan dahil sa karakter nitong “ipinapasa” at naglagay sa kanilang trabaho sa grabeng panganib. Nagpatupad ng limang buwang pagbabawas ng araw ng trabaho dahil sa paghina sa pamilihan ng kanilang mga produkto.
Sinabi pa ng unyon na sinalubong ng PMFTC management ang Bagong Taon ng pag-shutdown ng kanilang planta ng tatlong magkakasunod na araw, sumunod ay ang pwersahang pagpapagamit ng mga sick leave at vacation leave mula sa ika-anim ng Enero hanggang sa ika-sampu ng Pebrero. Matapos ito, ay babawasan na ang araw ng trabaho ng ilan libong manggagawa hanggang sa katapusan ng Mayo.
"Ang tanging ginagawa namin ay magsikap, wala kaming kasalanan para maging karapat-dapat sa sakripisyong pinapataw sa amin. Kontento na ang pamahalaan sa kanilang buwis at ang mga korporasyon sa kanilang tubo, ngunit bakit kami ang mga nagdurusa," dagdag pa nito.
“Nung masagana ang industriya, kami ang huling-huling nagbebenipisyo ngunit ngayon dahil sa sin tax, ang aming pamilya ang unang-unang pinaghihigpit ng sinturon. Ang tanging "tupa" sa senaryong ito ay ang mga manggagawang masipag na pumasok upang "palamunin" ang pamahalaan ng kanilang buwis at mga kumpanya ng kanilang tubo," protesta ni Atienza.
Sa bahagi naman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), inupakan nila ang administrasyong Aquino sa pagiging kakatwa nito at ni walang ginawa para sa kapakanan ng manggagawa habang nagtatapikan sila ng balikat para sa isang "job well done" habang lumalagim ang kinabukasan ng mga manggagawa.
"Ang pamahalaang Aquino at ang mga kumpanya ng alkohol at tabako ay parang mga unggoy na nagkakamutan sa isa't isa, habang si Aquino at ang kanyang mga opisyal sa pinansya ay umaasa sa mga kita sa buwis habang mina-maksimisa ng mga kapitalista ang patakarang murang paggawa ng pamahalaan para makapiga ng mas malaking tubo mula sa halagang nilikha ng mga manggagawa ng sigarilyo, paliwanag ng lider ng BMP na si Gie Relova.
"Ang pagwawalang-bahalang ito, ‘kainutilan at ang walang-awang pagpapatupad ng mga polisiyang anti-mamamayan ang mga perpektong sangkap upang maganap ang pagkahiwalay ni Noynoy Aquino sa mga manggagawa at sa iba pang naghihirap na sektor, dagdag pa niya.
Nanawagan ang militanteng grupo sa kapwa manggagawa at pamilya ng mga ito sa iba't ibang kumpanya sa industriya na organisahin ang kanilang sarili at itatag ang isang malakas ng kilusan na epektibong kukumbinsi sa mga mambabatas na ipawalang-bisa ang halimaw na Sin tax Law.###