Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Biyernes, Setyembre 17, 2010

Pahayag sa Petition ng TUCP sa RWB-4-A

BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO
Southern Tagalog
Unit 3 Groyon Apartment, Rizal Park Subd., Real, Calamba City
Telefax no. (049) 834-26-04 / email: bukluran_st@yahoo.com

Pahayag sa Petition ng TUCP sa RWB-4-A

Ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino–Southern Tagalog o Calabarzon ay sumusuporta sa Petition ng TUCP sa RWB na hilingin ang umentong P75.00/per day sa minimum na pasahod sa buong Calabarzon Area.

Gayunpaman, aming idinidiin na ang P75.00 kahilingan (Petition ng TUCP) para sa dagdag na sahod ay hindi ito dagdag na sahod. Kung tutuusin ay kulang pa ang halagang P75.00 para marecover/mabawi ang nawalang sahod ng mga manggagawa magbuhat noong 1989. Ito'y matapos maipasa ng 8th Congress at ipatupad ang Republic Act 6727 (RA 6727) na nagresulta ng pagkakaiba-iba ng sahod ng mga manggagawa sa bawat rehiyon, lalawigan at bayan.

Total Wage Adjustment: P78.10 - Wage Adjustment on Peso Purchasing Power recovery since 1989 to February 2010, R.A. # 6727 P 13.30 - Worker’s Share on CALABARZON’s GRDP Growth, average in 5 yrs. period [2004-2008]; 3.74% [276.85 + 78.10] P91.40 Total.

Nais naming amyendahan ang Petition ng TUCP ng sumusunod:
1. Ang P75.00 na ipapatong sa minimum wage ay dapat Across the Board at walang Ceiling at exemption.
2. Ang P75.00 na ipapatong sa Minimum Wage ay Non-Taxable.
3. Nais naming hilingin sa RWB na alisin na ang Growth Corridor Area, Emerging Growth Area, Resource Base Area (Classification at Category) sa pasahod sa Region 4-A, na nagresulta ng pagkakaiba-iba ng sahod sa bawat bayan mismo dito sa Region 4-A. Sa kabila na iisa lang naman ang uri ng kumpanyang pinapasukan, tama na ang Non-Agricultural, Argicultural; Plantation, Non-Plantation, Cottage at Establishment Employing not less than 10 employees Category and Classification ng RA 6727.
4. Itakda sa P2,500.00 ang minimum na pasahod sa mga kasambahay (Katulong) sa saklaw ng Region 4-A CALABARZON.

Kung hindi lamang din ito magagawa ng Regional Wage Board ay mabuti pang makiisa na lamang sila sa matagal ng kahilingan ng mga manggagawa na ibalik sa Congress ang kapangyarihan sa pagtatakda ng pasahod na pambansa ang katangian at across the board without ceiling at exemption. Para maituwid na ang mga baluktot na batas, upang mabigyang daan ang panawagan ni P-Noy na wakasan na ang baluktot na daan, dumito na tayo sa matuwid na daan!.

Sapat na ang 21 taon (1989-2010) karanasan na ang mga Wage Order ng mga RWB ay salamangka, hindi lamang layuning bawasan o pababain ang minimum wage ng mga manggagawa sa iba’t-ibang rehiyon, kundi pag-away-awayin ang mga manggagawa at ilagay sa panganib ang seguridad sa trabaho at karapatang mag-unyon at makipag-CBA ng mga manggagawa.

Dahil sa RA 6727, naiingganyo ang mga kapitalista na magpalipat-lipat ng planta at operasyon kung saang rehiyon/lalawigan at bayan mas mababa ang minimum wage. Kasabay na palitan ang mga regular nilang empleyado ng mga kontraktwal, para pababain ang sweldo, wasakin ang mga unyon at bawiin ang mga naipanalo ng CBA ng mga manggagawa. Dahil sa RA 6727 at Kambal nitong RA 6715, nauso at lumala na ang mga Labor Only Contracting (LOC) at Kontraktwalisasyon o 555 sa paggawa.

Regional Executive Committee
September 16, 2010

Sabado, Setyembre 11, 2010

Apela sa mga Myembro ng PCA

APPEAL TO PCA MEMBERS!

Mahal naming kabalikat sa progreso at kapayapaan,

Ang liham pong ito ay sama-sama naming sulat apela sa lahat ng kasapi o membership ng Philippine Columbian Association. Kami ang inyong mga empleyado sa club, na sa kasalukuyan ay naka-welga. Siguro ay hindi lingid sa inyong kaalaman kung bakit kami ngayon ay nasa labas, nagtitiis ng gutom, init ng araw at lamig sa gabi.

Gayunpaman, nais namin ibukas sa inyo at sa publiko ang aming nararamdaman sa kasalukuyan kung bakit kami ngayon ay nasa labas ng club.

Siguro ay hindi lingid sa inyo ang naganap na “KUDETA” sa pamunuan o BOARD ng PCA. Ang patuloy na agawan sa pamunuan ng club at ang mala-sindikatong mga mani-obra ng ilan sa bumubuo ng BOARD.

Kung tutuusin, wala naman sana kaming pakialam sa awayan at mala-sindikatong mga maniobra ng ilan sa bumubuo ng BOARD ng PCA. Subalit, kaming mga manggagawa ang nalagay sa alanganin at nawalan ng kabuhayan. Bakit kaming mga manggagawa ang tinaggal sa trabaho? Sadya bang ganito? Dahil sa personal na interes ng ilan sa bumubuo ng BOARD, isinasakripisyo ang kabuhayan naming mga manggagawa, sampu ng aming mga pamilya!

Alam namin na hindi nalulugi ang PCA. Katunayan, kumikita ito ng halagang P500,000.00 - P700,000.00 kada buwan. Ito’y netong kita sa Lanai Restaurant pa lamang. Hindi pa kabilang dito ang kita ng clubhouse sa swimming pool at mga function rooms.

Alam namin na ang pagbitaw sa Lanai Restaurant, pagkuha ng Concessioner at pagtanggal sa 56 naming kasamahan na nakapwesto dito ay kagagawan lamang ito ng ilang tiwaling Board ng PCA. Alam namin na lingid ito sa kaalaman ng buong kasapian o membership ng club.

Batid din namin na, alam mismo ng mga tiwaling Board ng Club na iligal o labag sa batas ang kanilang ginawang pagtanggal sa amin. Alam namin na ginawa nila ito - ang mala-sindikatong hakbang na ito, para sa kanilang personal na interes.

Kung kaya, kami ay umaapela sa lahat ng kasapian o membership ng PCA na imbistigahan natin ang nagaganap na mala-sindikatong hakbang ng pinagkatiwalaan nating pamunuan o Board ng club. Imbistigahan natin kung bakit kami ay tinanggal sa trabaho. Kung bakit isinara ang Lanai Restaurant at kumuha ng concessionaire ang Board. Kung sino ang nasa likod ng pakanang ito at tunay na nagmamay-ari ng Week Days Foods Express, Inc. na pumalit sa Lanai.

Higit sa lahat, hinihiling naming kagyat na masawata ang sindikato sa loob ng Board ng Philippine Columbian Association. Hinihiling naming kagyat kaming ibalik sa trabaho. Dahil alam naman nating lahat na iligal ang pagtatanggal sa amin ng mga tiwali at sindikato sa Board ng PCA.

WAKASAN ANG BALUKTOT NA DAAN!
KATIWALIAN AT SINDIKATO SA CLUB WAKASAN NA!

KAGYAT AT WALANG PASUBALING IBALIK SA TRABAHO ANG MGA MANGGAGAWANG TINANGGAL!

TRABAHONG REGULAR! HINDI TANGGALAN AT KONTRAKTWAL!

PCALU
(PHILIPPINE COLUMBIAN ASSOCIATION LABOR UNION)

SUPER
(SOLIDARITY OF UNIONS IN THE PHILIPPINES FOR EMPOWERMENT AND REFORMS)

BMP
(BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO)
Setyembre 10, 2010

Manggagawa ng Phil. Columbian, Nagwelga Na!

MANGGAGAWA NG PHIL. COLUMBIAN, NAGWELGA NA!

Alas-kwatro ng madaling araw ng Setyembre 6, 2010, ipinutok ng mga manggagawa at kasapi ng Philippine Columbian Association Labor Union (PCALU) ang kanilang welga upang iprotesta ang ginawang pagtanggal sa limampu't anim (56) na regular na manggagawa ng Philippine Columbian, isang kilalang sports club na nasa Plaza Dilao, sa may Paco, Maynila.

Nagwelga ang mga manggagawa upang iprotesta ang nagaganap na union busting upang tanggalin ang mga regular. Nag-ugat ang pagkilos na ito nang magpalabas ng memorandum at individual notice ang managemant noong Hulyo 30, 2010 hinggil sa abolisyon ng LANAI Restaurant na matagal nang nanilbihan sa mga myembro ng Phil. Columbian upang parentahan sa Week Days Food Express Inc. na isang concessionaire. Hulyo 31, 2010, hindi na pinapasok sa trabaho ang limampu't anim na manggagawa. Ayon umano sa management, babayaran nito ang mga manggagawa ng 100% para sa kanilang separation pay at ito'y magmumula sa Assessment na Php4,000.00 kada myembro ng Phil. Columbian, ngunit ayon sa mga manggagawa, paano makapagbabayad ang management gayong maraming mga manggagawa na ang nag-resign at nagretiro na sa PCA na hanggang ngayon ay hindi pa nababayaran sa separation pay / retirement pay, pinababalik-balik lamang sila at pinangangakuan.

Noong Agosto 20, 2010, nagsadya ang PCALU sa tanggapan ng Bureau of Permits sa Maynila upang alamin kung may kaukulang business permit, maging BIR, ang Week Days Food Express Inc. Batay sa inilabas na sertipikasyon ng Bureau of Permits at BIR, wala itong permit at wala ring rehistro ng Integrated Tax System (ITS) sa BIR. Bukod pa rito'y resibo mismo ng PCA ang ginagamit ng Week Days Food Express Inc. Kaya maliwanag na ilegal ang operasyon ng concessionaire, kaya mas lalong ilegal ang ginawang pagtanggal sa mga manggagawa. Bukod pa rito, gustong takasan ng nakaupong Board of Director ng PCA ang mga obligasyon nito, tulad ng mga kasong nakabinbin sa DOLE kung saan halos matalo sa kaso ang PCA, pera ng manggagawa mula sa canteen na nagkakahalaga ng P305,000.00 na ayaw ibigay ng management kahit na may desisyon ang labor arbiter, gross violation ng CBA partikular sa wage increase mula 2004 hanggang kasalukuyan na nakabinbin pa sa voluntary arbitration, pagtanggal sa mga regular na manggagawa pero pagkuha naman ng agency workers, at marami pang iregularidad.

Maging ang negosasyon sa CBA ay hindi hinarap ng Board, gayong iniulat nila sa General Assembly ng PCA na tapos na ang CBA negotiation sa pagitan ng unyon at ng management ng PCA. Nakalathala rin ito sa Columbian News. Para sa mga manggagawang nagwelga, UNION BUSTING ang motibo at layunin ng nakaupong Board. Ipinanawagan ng PCALU sa polyetong inilabas nito, "Higit sa lahat, hinihiling naming kagyat na masawata ang sindikato sa loob ng Board ng Philippine Columbian Club. Hinihiling naming kagyat kaming ibalik sa trabaho. Dahil alam naman nating lahat na ilegal ang pagtatanggal sa amin ng mga tiwali at sindikato sa Board ng PCA Columbian Club."

Makasaysayan ang lugar na ito. Itinatag ang PCA noong Disyembre 1907 ng mga estudyanteng Pilipinong nakapag-aral sa Amerika. Noong 1923, naitayo ang club na ito sa isang 3,000 metro kwadradong lupa sa Taft Avenue. Naging sentro rin ang club na ito sa kampanya para sa pambansang kasarinlan sa ilalim ni dating Pangulong Manuel L. Quezon. Naging headquarters rin ito ng Kongreso para sa Pambansang Kasarinlan noong 1934. Noong panahon ng Hapon, pinatanggal ang pangalang Columbian na maka-Amerikano at napalitan ito ng Philippine Association. Nasira ang lugar na ito noong WWII at naitayong muli noong 1953. Noong 1977 nailipat ito sa lugar kung saan ito nakatayo ngayon, sa Plaza Dilao sa Paco, Maynila. Pormal na pinasinayaan ang club na ito noong 1979 at si dating Pangulong Marcos pa ang naging guest of honor at tagapagsalita. Sa ngayon ang PCA ay may social hall, function room, library, dining roon, bar, pasilidad para sa tennis, swimming, bowling at iba pang sports. Meron ding weekly public affairs luncheon forum dito. Noong 1981 lamang nagsimulang tumanggap ng kababaihan ang nasabing club.

Makasaysayan ang lugar na ito. Katunayan, sa marker ng 25,180.5 metro kwadradong PCA club complex ay nakasulat ito: “Sanctuary of Filipino Nationalism”, ngunit ang nagaganap na union busting ay di pagtupad ng Board ng PCA sa marangal na adhikaing ito. (Ulat ni Greg Bituin Jr.)

Miyerkules, Setyembre 1, 2010

Ang Lipunang Makatao sa BMP Hymn

ANG LIPUNANG MAKATAO SA BMP HYMN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa orihinal na kopya ng BMP Hymn, na nalathala sa Maypagasa magazine ng Sanlakas, nakasulat sa ikatlong taludtod, "lipunang makatao" imbes na "daigdig na makatao". Ngunit mas popular na inaawit ngayon ang "daigdig na makatao", habang ang nakalathala naman sa magasing Maypagasa ay "lipunang makatao". Alin ang tama sa dalawa?

Mapapansing ang pagkakasulat ng buong awit ay patula, lalo na't susuriin natin ang tugma at sukat nito. Nakakaunawa ng paraan ng pagtulang may tugma't sukat ang kumatha nito, kaya may palagay akong isa ring makata ang nag-akda ng awit.

Ngunit bago ito, dapat maunawaan ng mambabasa kung ano ba itong tinatawag nating pantig (syllable), taludtod (line), saknong (stanza), tugma (rhyme) at sukat (meter). Ang taludtod ang bawat linya ng tula. Ang saknong ay binubuo ng ilang taludtod, na kung baga sa sanaysay, ito ang talata na binubuo ng ilang pangungusap. Ang tugma naman ay ang pagkakapareho ng tono sa dulo ng dalawa o higit pang taludtod. Ang sukat ang siyang bilang ng pantig o pagbuka ng bibig sa bawat taludtod. Binilang ko ang pantigan ng tatlong saknong ng BMP Hymn, labing-apat ang pantig sa una at ikalawang saknong, habang ang ikatlong saknong naman o ang koro ay labindalawang pantig lahat.

BMP Hymn
Nalathala sa magasing Maypagasa ng Sanlakas
Setyembre 1998, pahina 23

Ating mga karanasan, pinanday, hinubog (14)
Nitong pakikibakang sa atin ay huminog (14)
Kaya't tumindig, patuloy sa pagbabantayog (14)
Ng pag-asa at liwanag na nais ihandog. (14)

Koda:
Hayo na't iguhit sa dahon ng kasaysayan (14)
Sagisag ng uri't ganap nating kalayaan (14)
Nasa pagbubuklod natin ang kapangyarihan (14)
Na kamtin ang pagbabagong ating inaasam. (14)

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang lipunang makatao (12)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

(Ulitin ang koda)
(Ulitin ang koro 3x)

Kaya kung ang inaawit ngayon sa koro ay "daigdig na makatao" imbes na "lipunang makatao" na nasa orihinal, inconsistent na ito sa pantigan, dahil magiging labintatlo na ang pantig ng ikatlong taludtod ng koro. Kaya ganito ang mangyayari:

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang daigdig na makatao (13)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

Paano nga ba nangyaring nabago ang taludtod na ito? Ginusto ba ito ng mga umaawit nito, o pinalitan mismo ito ng Teatro Pabrika sa pag-aakalang ito ang mas tama? Tila ang nagbago nito'y di nauunawaan ang tugma't sukat sa pagtula na dapat na una niyang pinansin kung babaguhin niya ang tulawit (tulang paawit) na ito. Marahil kung malalaman ng orihinal na nagsulat ng kanta na binago ito ay agad itong magpoprotesta.

Mas angkop pa at hindi kapansin-pansin ang pagbabago kung halimbawa’y ganito ang ginawang pagbabago sa ikatlong taludtod ng Koro:
Patungo sa daigdig na makatao (12 pa rin)

Kaya magiging ganito na ang Koro:

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Patungo sa daigdig na makatao (12)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

Gayunman, mahalagang suriin natin ang mismong nilalaman ng koro, at ito ang pagtuunan natin ng pansin. "Daigdig na makatao" nga ba o "lipunang makatao"? Magandang suriin muna natin kung ano ang kahulugan ng "daigdig" at "lipunan".

Ayon sa unang kabanata ng librong "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman, "Ang lipunan ay kung paano nabubuhay ang tao. Ito ang sistema ng ating kabuhayan. Ibig sabihin, ang lipunan ay ang sistema ng ekonomya. Ang paraan ng produksyon ng isang bansa. Kung ang lipunan ay “asosasyon ng tao”, ito’y isang “asosasyon” para sa kabuhayan ng mga myembro nito."

Ano naman ang "daigdig"? Ang daigdig naman ay isang planeta sa pisikal na kaanyuan nito, at hindi isang sistema ng kabuhayan. Ayon sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya, at sa WikiFilipino: "Ang planetang Daigdig ay ang pangatlong planeta mula sa Araw. Ito ang pinakamalaking planetang terestriyal ng sistemang solar. Kumpirmado ng makabagong agham na ang Daigdig lamang ang katawang pamplaneta kung saan maaaring tumira ang mga buhay na organismo tulad ng mga hayop at halaman."

Agad naresolba ang munting problemang ito kung pagbabatayan ang ikaapat na taludtod ng koro na "Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo", kaya ang ikatlong taludtod ng koro ay tumutukoy sa "lipunang makatao" at hindi sa "daigdig na makatao".

Pagkat ang sosyalismo ay sistema ng lipunang ipapalit natin sa lipunang kapitalismo. Tulad ng ating binabanggit sa ating mga pag-aaral ng lipunan sa daigdig na ito mula primitibo komunal, lipunang alipin, lipunang pyudal, ang kasalukuyang lipunang kapitalismo, at ang ipapalit natin ditong lipunang sosyalismo. Bagamat sinasabi nating pandaigdigan ang pagbabagong dapat maganap dahil pandaigdigan ang salot na kapitalismo, na dapat nating palitan ng pandaigdigang sosyalismo, ang mas tinutukoy nating babaguhin ay ang sistema ng lipunan, at di pa ang mismong daigdig. Dagdag pa rito, nabanggit na sa ikalawang taludtod ng koro ang salitang "mundo" na singkahulugan ng "daigdig".

Kaya para sa consistency sa bilang ng pantig, sa lohika, sa kahulugan at sa ideyolohiya, mas angkop at wastong gamitin ang "lipunang makatao" kaysa "daigdig na makatao" sa koro ng awit. Mungkahing ito ang ating gamitin sa pag-awit ng BMP Hymn.

Sa kabuuan, maganda ang mensahe ng sosyalistang awitin ng BMP dahil makatindig-balahibo at nakapagpapaapoy ng damdamin kung uunawaing mabuti ang mensahe ng awit, sadyang kumakapit sa kaibuturan ng ating diwa't pagkatao.

May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996