Demokrasya ng Masa hindi ng Elitista!
February 25, 1986 ng pumutok ang tinatawag na rebolusyon sa Edsa o Edsa people power revolution na nagbagsak sa 14 na taong diktadurang Marcos na pinasiklab ng asasinasyon kay Ninoy Aquino noong Agosto 21, 1983. Bumuhos ang protesta ng mamamayan sa lansangan laban sa korap at diktador na si Marcos at kanyang mga kroni.
Naobligang magpatawag ng eleksyon si Marcos. Dinaya at minaniobra ni Marcos ang eleksyon. Nagtangkang magkudeta ng isang seksyon ng militar na pinamumunuan ng RAM na nabisto. Nananawagan ng people power sa Edsa si Cardinal Sin at mga pulitiko. Dinagsa ang Edsa ng mamamayan.
Naluklok sa poder si Ms. Corazon Cojuangco Aquino, ang biyuda ni Ninoy Aquino, na mahigpit na kalaban ni Marcos. Nagpatawang isang constitutional comission (CONCOM) para baguhin ang konstitusyong Marcos na nagresulta ng 1987 people power constitution. Nagkaroon ng demokratikong espasyo ang mamamayan.
Ibinalik ang mga kinumpiskang kayamanan at ari-arian ng mga malalaking kapitalistang tulad ng pamilyang Lopez na nagmamay-ari ng ABS-CBN at Meralco. Nakabalik sa pwesto ang mga naghaharing uri. Naibalik ng Edsa ang demokrasya para sa iilan at hindi para sa maraming mamamayan. Ito ang tagumpay ng Edsa people power.
Makalipas ang 25 taon matapos ang Edsa 1, mayroon bang nagbago sa buhay ng Pilipino?
Wala pa ring pagbabago sa masa. Pahirap ng pahirap ang kalagayan ng masang manggagawa at ng mga nagtatrabahong mamamayan sa bansa. Kung tutuusin mas mabuti pa ang kalagayang pang-ekonomiko ng mamamayan noong panahon ni Marcos kahit pa man walang pagtamasa ng mga karapatan at kalayaan.
Sa pagkaluklok ni Pnoy, anak ni Cory, nangangako siya ng tuwid na daan, ng isang matinong gobyerno, pag-unlad ng kabuhayan at pagkapawi ng kahirapan. Ngunit 8 buwan na siya sa pwesto bilang pangulo ng bansa, pero lalo lamang dumami ang mahihirap at nagugutom na Pilipino. Ayon sa SWS, 3.4 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom sa nakalipas na buwan. Mas mataas ito kumpara sa nakaraang average sa nakaraang 12 taon.
Kasabay ng pagdami ng nagugutom at naghihirap ay ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin,pamasahe, toll fees,produktong langis at serbisyo at kakulangan sa trabaho.
Sa kasalukuyang takbo ng gobyernong Pnoy, walang maasahan ang masa na pagunlad ng buhay. Ang kasalukuyang nakikinabang sa mga patakaran ni Pnoy ay ang mga kapitalista at mga hasendero at ang mga mahihirap, ang mga mangggagawa at magsasaka, ay lalong naghihirap.
Ang mga manggagawa ay patuloy na nahihirapang pagkasyahin ang napakababang sahod, patuloy na kinukubabawan ng salot na kontraktwalisasyon, pagwasak sa mga unyon at kawalan ng trabaho.
Ang lumalaking bilang ng mamamayan, ang maralita sa lunsod at kanayunan, ay dumaranas ng ibayong kahirapan dahil sa kakapusan ng kabuhayan, serbisyo publiko at matitirahan.
Bakit patuloy ang paghihirap ng masa?
Patuloy ang paglala ng kahirapan dahil na rin sa patakarang pang-ekonomiya at pampulitika ng mga nakaraan at kasalukuyang gobyerno. Ang kalakhan ng pondo ng gobyerno, mahigit 50% ng badyet, ay awtomatikong ibinabayad sa pagkakautang ng gobyerno sa ibang bansa imbes na gamitin sa mga proyekto para sa pagpapaunlad ng agrikultura at industriya at serbisyo publiko.
Ekonomiya na nakasandig sa ibang bansa
Nakasandig ang bansang Pilipinas sa panlabas na palengke at hindi sa lokal na pamilihan. Ang pinapaboran ay ang mga dayuhang negosyo hindi ang mga Pilipino. Hindi makatayo sa sariling paa ang ekonomiya ng bansang Pilipinas. Ang mga dayuhang negosyo, ang mga trans-national at multi-national corporations, ay inilalalabas papunta sa kanilang bansa ang kinita sa Pilipinas at hindi nakakaikot sa lokal na ekonomiya ang nalilikhang yaman ng mamamayan para sa pagsigla ng kabuhayan at pag-unlad. Nakasuso ang ekonomiya ng bansa sa globalisadong ekonomiya at dito pangunahing umaasa at hindi sa panloob na pagpapaunlad.
Ang mga mahuhusay na manggagawang Pilipino, sila ang pangunahing export ng Pilipinas sa ibang bansa, ang kumikita ng $20 bilyong dolyar taon-taon, at pinapadala sa kanilang pamilya, ang bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas pero ang pangunahing nakikinabang ay ang mga malalaking negosyante.
Umuunlad, nadadagdagan ang yaman ng mga kapitalista at mga hasendero, pero hindi ang mga manggagawa, mga magsasaka at ordinaryong mamamayan, na nakakaranas ng gutom, nakatira sa mga barung-barong at sa ilalim ng tulay at parang manok na isang kahig isang tuka ang buhay.
Korapsyon sa pamahalaan
Patuloy ang katiwalian sa gobyerno. Bilyon-bilyong piso ang nawawala at ninanakaw sa kaban ng bayan ng mga opisyales ng gobyerno at militar. Umuunlad ang buhay ng mga pulitiko at mga opisyales ng gobyerno pero hindi ang ordinaryong tao.
Nakakabili ng mamamahalin at magagarang kotse tulad ng Porsche si Pnoy at ang mga mayayaman, pero nagsisiksikan sa LRT/MRT at mga pampublikong sasakyan na itinaas pa ang bayad si Juan dela Cruz at ang mga lumilikha ng yaman ng bansa, ang mga nagtatrabahong mamamayan, ang mga manggagawa sa lunsod at kanayunan, ang mga magsasaka, ang mga propesyunal at iba pang sektor ng bayan.
Kung magpapatuloy ang ganitong kalagayan at di magawa ni Pnoy ang kanyang mga pangako, isang panibagong Edsa ang darating para magkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay ng masang Pilipino. Ang mga mamamayan sa Ehipto, Tunisia at iba pang bansa sa Gitnang Silangan ay nag-aalsa at ibinabagsak ang lider ng bansa dahil sa kawalan ng trabaho, mahal na presyo ng mga bilihin, katiwalian sa gobyerno at kawalan ng demokrasya ng masa.
Demokrasya ng Masa Hindi ng Iilan! Panlipunang Pagbabago at Hustisya Ipatupad!
Presyo Ibaba, Sahod Itaas! Trabaho, Pagkain, Pabahay, Serbisyo Publiko!
BMP-MELF-SUPER-PLM-PMT-KPML-ZOTO-PK-SANLAKAS-KALAYAAN-AMA-Makabayan Pilipinas
Pebrero 25, 2011