NANANAWAGAN tayo sa lahat ng kasapi ng ating Bukluran: FULL MOBILIZATION tayo sa Nobyembre a-trenta. Sa halip na tayo ay magpahinga sa piling ng ating mga mahal sa buhay o mag-obertaym para sa double-pay sa isang pyesta opisyal.
Mangalsada at magmartsa tayo. Hindi lang upang gunitain ang araw ng dakilang manggagawang si Gat Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan na namuno sa anti-kolonyal na pakikibaka laban sa mga Kastila.
Higit dito, ipakita natin ang pwersa ng mamamayang tumututol sa pakanang “Rev-Gov” na isinusulong ngayon ng mga pwersang maka-Duterte.
Ano ang isinusulong ng maka-Duterteng Rev-Gov?
Ang “revolutionary government” ay isa sa bagong pauso para ipatupad ang Cha-cha at pederalismo, na diumano’y kongkretong anyo ng islogang “Change is coming” na pinasikat nila noong halalang 2016.
Ayon sa mga nagsusulong ng “RevGov”, kailangan daw bigyan ng absolutong kapangyarihan ni Duterte dahil hindi raw sapat ang balangkas ng Saligang Batas para masugpo ng pangulo ang kapangyarihan ng “oligarkiya”, “mga trapo”, at ng “narco-politics”.
Ito ay imitasyon ng “revolution from the center” na katuwiran diktadurang Marcos para diumano’y isalba ang bansa mula sa Kanan (oligarkiya) at Kaliwa (komunistang rebelyon), ngunit nauwi sa pandardambong sa kaban ng bayan at sa ating ekonomya ng pamilya Marcos ang kanilang mga kroni.
Ano ang layunin ng Cha-cha ni Duterte?
Ang pang-ekonomikong layunin ng Cha-cha ay ang paglalansag sa mga proteksyunistang probisyon na nagtitiyak na ang ekonomya ng bansa ay nagsisilbi sa mga Pilipino, imbes na sa mga dayuhan. Ilan dito ay ang limitasyong 40% ng dayuhang pag-aari sa anumang korporasyon na magnenegosyo sa bansa. Ito rin ang limitasyon sa pag-aari sa likas-yaman ng bansa.
Ang Cha-cha ni Duterte ay ekonomya ng Pilipinas para sa dayuhan. Matagal na itong adyenda ng mga kapitalista para lalupang hikayatin ang dayuhang pamumuhunan – mula pa sa rehimen ni Ramos, Erap, GMA, at Noynoy Aquino.
Tinututulan natin ang ganitong disenyo ng pag-unlad. Sapagkat nangangahulugan ito ng “muling pananakop o rekolonyalisasyon” ng mga dayuhan sa ating bansa, ngunit hindi sa pamamagitan ng bala at kanyon kundi sa paraan ng kapital at kalalakal. Ang iskemang ito ng kaunlaran ay sumusunod sa interes ng mga transnasyunal na monopolyo.
Ang pampulitikang layunin ng Cha-cha ay ang paglalansag sa sentralisadong gobyerno tungo sa pagpapalakas ng kapangyarihan ng mga warlord at dinastiyang pulitikal sa kanya-kanyang mga “kaharian”.
Sa pederalismo, sinasabing mas makikinabang na ang mga mamamayan, laluna sa mga probinsya, mula sa pondo ng gobyerno dahil ito ay hindi na isesentralisa sa pambansang gobyerno.
Kalokohan! Sino ang makikinabang dito? Ang mga gaya ni Singson at Marcos sa Ilocos, ang mga Pineda at Arroyo ng Pampanga, ang mga Dy ng Isabela, ang mga Enrile ng Cagayan, ang mga Romualdez ng Leyte, ang mga Durano ng Cebu, ang mga Duterte ng Davao, atbp., atbp.
Ang mga warlord sa kanayunan ang pinakareaksyonaryo sa hanay ng mga naghaharing uri sa bansa. Naghahari sa bawat teritoryo na tulad ng mga pyudal na monarkiya. Umaasa sa dahas at walang pakundangan kung lumabag sa mga “due process” ng batas. Ang mga angkang ito ang may track record sa pagtatakbo o pagbibigay-proteksyon ng jueteng, droga, malakihang sugal, atbp. sa kanya-kanyang mga lugar.
Ang tanging interes nila ay ang habambuhay na paghahari ng kanilang mga angkan nang walang hinahangad na “pambansang pag-unlad”, na makauring interes sana ng lokal na burgesya, kung nanatili itong independyente sa dominasyon at kontrol ng imperyalismo. Kung gayon, ang Cha-cha ni Duterte ay Pilipinas para sa mga pamulitikang angkan.
Paano nila babaguhin ang Konstitusyon?
May dalawa nang nakahain. Una ay ang Constituent Assembly o CON-ASS. Sa paraang ito, ang lehislatura (senado’t kongreso) ang bibigyan ng kapangyarihan bilang mga kinatawan ng mamamayan. Sinumang may tapat sa sarili at tumitindig sa tama at totoo ay mapapasinungalingan ito. Ang mga bulwagang ito ay pinamumugaran ng mga representante ng mga bilyonaryo’t milyonaryo. Sila ay mga parasitikong hindi kalahok sa paglikha ng yaman ngunit nagpapasya kung paano mapunta sa kanilang mga bulsa ang kaban ng bayan! Kung sila ang magpapasya sa Cha-cha, maisasalaksak sa lalamunan ng taumbayan ang klase ng pagbabago sa Konstitusyon na nagsisilbi sa dayuhang kapital at mga pampulitikang angkan.
Dahil ang Con-Ass ay halatadong palspikadong porma ng pagbabago ng Konstitusyon dahil ang mga magdedesisyon dito ay pawang mga representante ng kapitalista’t asendero, nagpauso si Duterte ng tinawag niyang Constitutional Commission, isang panel ng mga “eksperto” at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na appointed ni Duterte. Subalit ito ay “consultative” lamang at walang kapangyarihan kundi magpayo lang sa Con-Ass ng mga trapo.
Sa ngayon, ang bagong paraan ng pagbabago ng Constitution ay sa pamamagitan ng “RevGov” at magmumula sa mga asembliya ng organisadong taumbayan. Mainam sana kung ito ay wastong-wasto at totoong totoo. Pero hindi! Nagsisimula na itong magtipon sa iba’t ibang lugar sa bansa. Sino ang nagpapatawag ng pulong? Ang mga pulitiko – mga gubernador, mayor, atbp. – gamit ang makinarya ng mga barangay (na naghahabol ng pwesto sa tinaguriang “RevGov”!
Paano ito magiging rebolusyonaryong gobyerno kung ang nagsusulong nito ay ang mismong nakikinabang sa umiiral na bulok na kaayusan at humahadlang sa tunay at totoong pagbabagong panlipunan? Isang panlalansi! Hindi kailanman magpapaloko ang taumbayan sa disenyong ito ng ganap na panunumbalik na diktadura at paggawad ng absolutong kapangyarihan sa iisang tao. Sawa na tayo sa dilim at lagim ng Batas Militar!
Ipinagtatanggol ba natin ang 1987 Constitution?
Hindi. Ang kasalukuyang konstitusyon ay depektibo. Umaasa ang mga pwersa ng mga Dilaw sa pagtatanggol nito dahil ang hinahangad nilang maulit ang senaryong Edsa Dos, nang magsalubong ang pangangalsada ng taumbayan – kalakhan ay pwersa ng panggitnang-uri – at ang pagbaliktad ng pulis at militar, at nauwi sa panunumpa ng dating bise-presidente na si Gloria bilang “constitutional successor”. Nais nilang maulit ang ganitong senaryo sa katauhan ni VP Leni Robredo.
Subalit, higit dito, ang tuwirang depekto ng 1987 Constitution ay ang ilusyon ng “pantay na karapatan” ng burges na demokrasya.
Pinagpantay ang karapatan ng nagsasamantala at pinagsasamantala sa lipunan, bilang hiwa-hiwalay na mga indibidwal. Halimbawa, ang iilang kapitalista ay may property rights na salalayan ng kanyang “management prerogative”; ang masang manggagawa ay may karapatan sa paggawa (labor rights).
Dahil ito ay “pantay” lamang sa papel, ang nagaganap ay ang pagsandig ng estado sa minoryang nagsasamantala sa mayoryang walang yaman at kapangyarihan, imbes na hayagang ideklara nito ang kanyang pagkampi sa mahihirap sa ngalan ng hustisyang panlipunan.
Ano ang konsepto natin ng karapatan? Ang interes ng indibidwal ay nakapailalim sa interes ng kabuuan. Ang interes ng nakararami ay mas higit sa interes ng iilan. Ang karapatang mabuhay ng disente’t marangal ng masang anakpawis ay higit sa karapatan sa pag-aari ng mga kapitalista. Sa ganitong balangkas natin nais na ipundar ang bagong konstitusyon, na maisasabatas lamang ng isang matagumpay na rebolusyon ng masang Pilipino sa pangunguna ng uring manggagawa.
Kung gayon, nananawagan tayo sa ating Bukluran na simulan ngayong Nobyembre hanggang sa 2018 ang pagpapatawag ng mga pagpupulong ng taumbayan – hanggang sa antas-pabrika at komunidad – para ilahad ang ating tindig laban sa Cha-cha at pederalismo, na isinusulong ngayon sa paraan ng “Rev-Gov”.
Ibulgar na ang Cha-cha at pederalismo ni Duterte ay hindi kalutasan sa mga problemang kinahaharap ng manggagawa’t mamamayan sa kanilang pang araw-araw na hirap na pamumuhay – ang kontraktwal na empleyo, ang kawalan at kakulangan sa trabaho, ang kawalan ng serbisyo sa mura at dekalidad na pabahay, edukasyon at kalusugan, ang sumisirit na presyo ng bilihin.
Sapagkat ang ating paglaya ay wala sa mga elitistang manunubos gaya ni Duterte kundi nasa ating mga kamay. Nasa pagkakaisa’t pakikibaka ng manggagawa’t mamamayan. At iyan ang makasaysayang aral mula sa buhay ng isang Gat Andres Bonifacio. #