Pagbati sa ika-8 Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Isang mainit na pagbati ang ipinaaabot ng PLM (Partido Lakas ng Masa) sa ika-8 Pambansang Kongreso ng BMP na ginaganap ngayon sa lungsod ng Baguio.
Bilang isang sosyalistang partido, ang PLM ay kaisa ninyo sa pagtataguyod at pakikipaglaban para sa kapakanan ng uring manggagawa sa lahat ng antas at larangan – mula sa mga pagawaan, komunidad, kalsada at hanggang parliamento. Bilang sosyalistang partido, layunin namin na iluklok ang uring manggagawa sa gobyerno at sa mga poder ng kapangyarihan. Naniniwala kami na tanging isang gobyerno ng uring manggagawa lamang – na binubuo at pinatatakbo ng uring manggagawa – ang makahahanap ng mga solusyon sa mga problemang kinakaharap ng bayan.
Laban ang PLM sa mga patakarang neoliberal na itinaguyod ng lahat ng nagdaang gobyerno at ngayo’y ipinagpapatuloy ng rehimen ni Rodrigo Roa Duterte. Tumitindig kami para sa pagwawakas ng kontraktwalisasyon, praybitisasyon, at liberalisasyon sa kalakalan.
Tinututulan din namin ang TRAIN o tax reform program ng rehimeng Duterte na bahagi lamang ng kanilang neoliberal na programa. Ang TRAIN ay pagsagasa sa kabuhayan ng milyun-milyong mahihirap at pagnanakaw ng kanilang yaman para ibahagi sa iilan. Pinatataas nito ang buwis sa mga mamimili para lumikom ng salaping magagamit sa programang Build, Build, Build ng gobyernong Duterte – kung saan ang pangunahing makikinabang ay ang mga kasosyo nitong pribadong kontraktor at dayuhang kapitalistang korporasyon.
Ikinakampanya namin sa kagyat ang isang programa ng sustenableng industrialisasyon na magbibigay ng trabaho sa lahat, magkakaloob ng living wage, at magpapatupad ng ligtas at disenteng kondisyon sa pagtatrabaho.
Ang neoliberalismo ay isang programa ng pagdurog sa unyonismo at sa mga organisasyon ng paggawa. Dahil dito, naninindigan kami sa pagpapawalang-bisa ng lahat ng mga batas na kontra-unyon at kontra-paggawa na pumipigil sa mga manggagawa na mabisang mag-organisa at lumaban.
Tumitindig kami sa pagpapalaki ng ‘social wage’ sa pamamagitan ng pagpapatupad ng universal health care o isang malawakan, de-kalikad at libreng pagkalinga sa kalusugan ng lahat ng mamamayan. Sinusuportahan din namin ang mga batas sa reproductive health care na magpapabuti sa kalusugan at kalagayan ng mga manggagawang kababaihan.
Sinusuportahan namin ang libreng edukasyon sa lahat ng antas, kabilang sa mga kolehiyo at unibersidad.
Nagkakampanya kami para sa isang programa ng pampublikong pabahay na tutugon sa kritikal na pangangailangan sa pabahay ng mga maralitang lunsod at ng uring manggagawa sa pangkalahatan.
Ang PLM ay isang rehistradong partidong pampulitika sa bansa. Magpapatakbo rin kami ng mga manggagawang kandidato sa lahat ng antas sa lokal at pambansang halalan.
Sa buod, sinusuportahan namin ang buong adyenda sa paggawa ng BMP at isusulong namin ang adyenda na ito sa mga komunidad, kalsada, at mga kampanya sa panahon ng halalan.
Ang globalisasyon ay isinusuka na ng uring manggagawa sa buong mundo. Malawakan at matindi nitong inatake ang trabaho, sahod at kalagayan sa paggawa sa bawat bansa. Tinarget nito sa atake ang mga unyon na sa maraming kaso ay tuluyang winasak na. Ang mga komunidad ng uring manggagawa, kabilang ang mga nasa Kanluran at mauunlad na bayan, ay iniwan nitong mga disyerto ng naglahong kaunlaran.
Kayat sinisikap ngayon ng kilusang manggagawa na makahanap ng mga solusyon at alternatiba sa mapangwasak na globalisasyong neoliberal. Sa Latin America, nagtatatag ang uring manggagawa ng mga sosyalistang pamahalaan at nagwawagayway ng bandila ng Sosyalismo sa ika-21 Siglo. Sa Europa, sumasambulat ang mga pangkalahatang welga laban sa neoliberal na mga patakaran. Ang mga manggagawang metal sa Alemanya ay nagsasagawa ngayon ng kampanyang protesta para sa 28-oras na trabaho sa isang linggo na may mas mataas na sweldo – bilang solusyon sa kawalan ng trabaho at pagpapataas ng pamantayan at kalidad ng trabaho.
Habang ang awtoritaryanismo at maging ang mga pwersang neo-Nazi ay nagrereorganisa at nagpapapanibagong-bangis, sumusulong rin ang kilusang sosyalismo sa mundo. Sa United States at United Kingdom, kahit pa sa ilalim ng rehimen ni Donald Trump at mga rehimeng konserbatibo at maka-Kanan, ang mga kabataan doon ay maramihang yumayakap sa mga simulain at programa ng sosyalismo.
Pumapanaw na ang lumang kaayusan, habang ang bagong kaayusan ay naghihintay ipanganak. Nasa adyenda na sa buong mundo ang tanging alternatiba sa kapitalismo, ang sosyalismo.
Nagaganap ang Kongreso ng BMP sa isang napakahalaga, bagamat delikadong panahon. Batid naming na magiging makabuluhan at punung-puno ng sigla ang inyong mga deliberasyon sa Kongreso. Inaasahan namin ang patuloy na pagtutulungan at pagkakapatiran ng PLM at BMP sa mga hinaharap nating pakikibaka.
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang BMP!
Sulong, sosyalismo!
Ka Sonny Melencio
Tagapangulo, PLM (Partido Lakas ng Masa)
Enero 27, 2018