BUKLURAN NG MANGGAGAWANG PILIPINO
National Capital Region-Rizal (BMP-NCRR)
PRESS RELEASE
5 Disyembre 2012
Binalaan ng mga Militante ang Publiko Hinggil sa Nakaambang Horse-Trading ng mga Mambabatas sa Bicam
Ipinahayag ng isang militanteng grupo ng manggagawa ang kanilang matinding pagkadismaya sa bicameral committee conference dahil ang komposisyon ng mga delegado ay nanggagaling sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso. Kinondena ng grupo ang buong proseso at sinabing ang bicameral conference ay magsisilbing stamp pad lamang ng Malacanang at dinisenyo ng Departamento ng Pinansya.
Ayon kay Gie Relova, pangkalahatang kalihim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino – National Capital Region-Rizal (BMP-NCRR) chapter, “Ang mga mambabatas na itinalaga ng kani-kanilang kapulungan ay hindi nagtatangkang tuparin ang kanilang mandato sa mamamayan ng Pilipinas kundi naghahanap lamang ng oportunidad na patabain ang kanilang mga bulsa mula sa mga kampanyador ng mga korporasyon ng tabako at alak.”
“Alam ng lahat na ang mayor na kontensyon sa bicameral conference ay ang porsyento kung gaano kalaki ang kita sa buwis na manggagaling sa industriya ng tabako o alak. Tiyak, inaasahan ng mga mambabatas na babaha ng pera sa lahat ng direksyon mula sa mga mayor na mga manlalaro sa industriya” dagdag pa ni Relova.
Agad ding idinagdag ni Relova na ”ang matinding labanang ito sa pagitan ng mga bigatin sa korporasyon na tulad ni Lucio Tan, Danding Cojuangco at ang bagong manlalaro, ang British American Tobacco, ay isang gawaing magtitiyak ng trilyun-trilyong pisong tubo matapos tiyakin ng gobyerno ang sarili nitong interes na lalong kumawawa sa mga lugmok na sa hirap na mamamayan.”
Naniniwala ang BMP-NCRR na isang pilantod na seremonya lamang ang bicameral committee conference upang tuparin ang mga legal na rekisitos at ang patakarang sin tax ay kasunduang gawa na. Kinondena rin ng militanteng grupo ng manggagawa ang mga pulitiko dahil sa kanilang katapatan sa resident eng Malacanang upang magkaroon ng pabor sa parating na Pambansang Halalan ng 2013.
“Ang mga manggagawa at ang ating mga naghihirap na kababayan ay talagang nag-aalala. Ang kredibilidad at track record ng mga mambabatas na ito ang nagtuldok sa kanilang suporta sa anti-maralitang panukalang batas na ito. Ang kanilang boto sa panukalang sin tax sa kani-kanilang kapulungan ay sapat na patunay na di na sila dapat pagkatiwalaan at ang buong proseso” pagtatapos ng lider ng BMP-NCRR.
Nangako ang mga militante na magbabayad ng mabigat ang mga mambabatas na ito sa darating na halalan sa pamamagitan ng pambansang negatibong kampanya laban sa mga sumuporta sa panukalang sin tax.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento