Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!

Sosyalismo ang Lunas! Ibagsak ang mapang-api't masibang kapitalistang sistema! Manggagawa sa Lahat ng Bansa, Magkaisa!

Miyerkules, Mayo 1, 2013

Mayo Uno polyeto - anti-kontraktwalisasyon


KONTRAKTUWALISASYON - Tama na! Sobra na!

TRABAHONG REGULAR SA LAHAT NG NAGPAPAGAL, IPINAGLALABAN NG SANLAKAS PARTY-LIST!

Isang malaking kaipokritohan ang sabihing ang mga manggagawa ang gulugod ng ekonomiya ng bansa kung wala namang pakialam ang pamahalaan upang maibsan ang kahirapan at kaapihang ating dinaranas resulta ng kontraktuwal na pag-eempleyo. Isang kahungkagan ang ipagyabang na sa ngayo’y may walang-katulad na pang-ekonomikong pag-unlad ang naranasan ng Pilipinas kung patuloy na nagtitiis ang mga manggagawa sa kakarampot na suweldo, walang benepisyo, walang katiyakan sa trabaho at kawalang karapatan. Kung mayroon mang kaunlaran o kasaganaan, ito ay hindi para sa ating nakararami kungdi sa iilang bilyonaryong nagpapasasa sa ating murang lakas-paggawa.  

Sa bawat Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Paggawa o Labor Day - asahan nang marinig sa gobyerno at sa mga kandidatong ahente  ng mga kapitalista ang mga papuring ipupukol sa diumano’y kabayanihan ng  mga manggagawang Pilipino. Mga talumpati at pahayag na walang laman kundi mga kabalbalan, pambobola at mga pantastikong pangako ng kaunlaran. Isang araw na pupurihin pero buong taong bababuyin.  

Sino sa gobyerno at sa mga kandidatong trapo ang aamin na ang kanilang iniyayabang na kaunlaran ay resulta ng pagpapakasakit ng mga manggagawang kontraktuwal at hindi ng limpak-limpak na salaping ginagamit bilang kapital? Sino ang kikilala sa manggagawa sa tunay na kahulugan ng salitang pagkilala na walang silbi ang pera ng kapitalista kung hindi ito lalapatan ng lakas paggawa ng mga manggagawa? Sino ang gagawa ng mga polisiya upang ang buong pang-ekonomikong programa ng pamahalaan ay maglingkod sa interes ng mga tunay na bayani ng bayan?  

Kung gagamitin ng mga trapo at mga bogus na party-lists bilang entablado ang buwan ng Mayo upang ungguyin ulit tayo, gamitin naman natin ang mapanuring katangian ng mga manggagawa upang piliin kung sino ang nagsasabi ng totoo at tunay na magtataguyod ng interes  ng pinaka-api at pinakamaraming kontraktuwal na manggagawa sa bansa. 

Ang SANLAKAS ay party-list na may mahabang track record sa pagsusulong ng interes ng manggagawang Pilipino. Sa katunayan, sa kauna-unahang party-list election noong 1998 ay tatlong (3) Presidente ng unyon ang kanyang mga nominado. Kinikilala ng SANLAKAS ang tunay na halaga at papel ng manggagawa para sa pang-ekonomiko at pampulitikang pag-unlad ng buong sambayanan. Alam ng SANLAKAS na walang ibang uri ang pwedeng gumampan ng tungkuling nabanggit upang wakasan ang kahirapan at kaapihan ng mga manggagawa sa yugtong ito ng pamamayagpag ng labor flexibility schemes sa anyo ng kontraktuwalisasyon. 

Kailangan nating mga manggagawa ang SANLAKAS sa Kongreso at kailangan tayong mga manggagawa ng SANLAKAS upang ilaban ang ating interes bilang uri, maghalo man ang balat-sa-tinalupan sa Kongreso man o sa lansangan.   Kung nais nating magkaroon ng tinig, tindig at kisig ang ating paglaban sa kontraktuwal na pag-eempleyo at sa lahat ng klase ng pang-aapi sa manggagawang Pilipino, iluklok natin ang tatlong (3) Kongresista sa bulwagan ng Kongreso mula sa hanay ng mga manggagawa sa pamamagitan ng SANLAKAS. Iboto at ikampanya natin ang SANLAKAS upang bigyan ng lakas ang ating laban para sa pagkakaroon ng trabahong disente at regular sa lahat ng Pilipinong nagpapagal!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento


May 1, 2013 rali

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Das Kapital published on 14 Sept 1867

Itigil ang Tanggalan!

Itigil ang Tanggalan!
Disenteng Trabaho para sa Lahat!

kagutuman sa kabila ng kahirapan

kagutuman sa kabila ng kahirapan

Mga tagasunod

Slam Evil, Slam Apec

Slam Evil, Slam Apec
November 1996